News Update

Mga Tao ng Mais

in
U Z. Eliserio

ANG MEN OF MAIZE ni Miguel Angel Asturias ay hindi nakakaaliw kung ang pagbabasehan natin ay ang mga teksto ng kulturang popular. Una, hindi ito nakasentro sa iisang tao. Pangalawa, hindi ito maaksyon. Pangatlo, matindi ang pagmamahal nito sa wika. Pang-apat, ang pinapaksa nito ay pagsasamantala. Isa-isahin natin ang mga katangiang ito.

            Una, hindi nakasentro ang Men of Maize sa iisang tao. Walang bida.  O, maraming bida, pero hindi sila binibigyang-pokus bilang indibidwal, kundi bilang bahagi ng isang lipunan. Halimbawa, ang bida ng unang kabanata ay si Gaspar Ilom, na nakabase sa isang mitolohikal at historikal na pigura. Si Ilom ang pinuno ng mga katutubo ng Guatemala na ipinagtatanggol ang kanilang lupain mula sa mapamuksang ekonomiko at pulitikal na dominasyon ng mga taong umuugnay lamang sa mais bilang komersiyo at komoditi. Pinagtaksilan si Ilom at nilason ng kaibigan. Habang wala s'ya, minasaker ang kanyang hukbo. Nagawa ni Ilom na matanggal ang lason sa pamamagitan ng pag-inom sa ilog. Nagtataglay si Ilom ng mahika. Nagbalik s'ya mula sa kamatayan para maghiganti, ngunit nang makita n'yang patay na ang kanyang mga dapat ipinagtanggol, tumalon s'ya muli sa ilog para magpakalunod. Hindi n'ya kayang mabuhay nang wala ang mga kaibigan at kasama. Sa ganitong paraan ipinapakita ng Men of Maize na walang sino man ang nabubuhay nang mag-isa lamang. Sa ganitong paraan natin dapat intindihan ang mga katagang ito: "Naglalakad si Gaspar para sa lahat ng naglakad, lahat ng naglalakad, lahat ng maglalakad.  Nagsasalita si Gaspar para sa lahat ng nagsalita, lahat ng nagsasalita, lahat ng magsasalita."

            Pangalawa, hindi maaksyon ang nobela. Oo nga't may mga pangyayaring may karahasan, ngunit hindi ito binigyang-pokus. Wala ritong gloripikasyon ng pakikipaglaban. Ang ikaanim na kabanata, na mas mahaba kahit na pagsamahin ang unang limang kabanata, pati na rin ang ikalimang kabanata, ay tungkol sa lalakeng iniwan ng kanyang asawa. Ang empasis dito ay ang paghahanap. Si Goyo Yic, ang bida ng ikalimang kabanata, sa ikaanim na kabanata pa makikita ang kanyang asawang si Maria Tecun, at hindi s'ya ang makakatagpo rito. Magkakataon lang na makukulong silang magkasama ng kanyang anak, na kanyang makikilala, at dadalawin ang anak n'yang ito ni Maria Tecun. Ang bida ng ikaanim na kabanata, si Nicho Aquino, hindi makikita ang asawang nilisan s'ya. Sa kanyang paghahanap, ang matatagpuan n'ya'y ang nakalimutan nang nakaraan ng kanyang bayan, ang mitong niyurakan ng kapitalismo. Kung ang pagbabasehan ay mga teksto ng kulturang popular, ang mahalaga ay suspense, 'yung excited ang komukunsumo. Sa ganitong pagpapakahulugan sa aliw, hindi nakakaaliw ang Men of Maize.

            Pangatlo, matindi ang pagmamahal ni Asturias sa wika. Kahit salin sa Ingles mula sa orihinal na Espanyol, lumalabas pa rin ang pagmamahal na ito. Kahit pa nga isalin ko sa Filipino ang salin.  Halimbawa, "Naglugay ng buhok ang araw." At: "Bago s'ya humiga sa kama naghanap s'ya ng labakara para takpan ang kanyang mukha sakaling tumakbo ang mga daga sa ibabaw n'ya. Sa sobrang pagpapabaya sa bahay pagkatapos ng pagkawala ni Machojon, ang mga daga, ipis, surot at gagamba'y naging bahagi na ng pamilya." May mga pangungusap si Asturias tungkol sa buntong-hiningang nahuhulog, tungkol sa mga langgam mula sa gutom na lupa na nakikipaglaban sa apoy, tungkol sa mga matang tulad ng pinakuluang alimango. Maraming nagtatanong, ano ang silbi ng panitikan? Ano ang silbi ng mga nobela, tula, dula? Iyon mismo, wala silang silbi. Sa ilalim ng kapitalismo, nagiging bagay ang mga tao. Tinitingnan natin ang ating mga kapwa base sa kung ano ang maibibigay nila sa atin. Pati ang ating mga sarili.  Halimbawa, sa pagkuha ng kurso sa kolehiyo, ang mas pinipili'y iyong tutuloy sa trabahong mataas ang suweldo? Sa ganitong pagtingin sa mundo, hindi nakakapagtakang magnanakaw ang mga opisyal sa ating gobyerno. Hindi nakapagtatakang noong school year 2007-2008 walang pumasok sa Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas sa UP (ano nga naman ang kikitain ng gradweyt ng BA Filipino?). Kung itutuloy natin ang pagtanggap sa lohika na walang halaga ang mga walang silbi, bakit hindi na lang natin itapon sa bulkan ang mga ulyanin nating kamag-anak? Ipinapaalala sa atin ng panitikan na ang tunay na mahalaga ay iyong walang silbi. 

            Ito ang tema ng Men of Maize. Kaya natin puwedeng sabihing hindi maihihiwalay ang pangatlo at pang-apat na katangian nito. Ikinumpara n'ya sa dulo ng kanyang nobela ang mga nagtatanim ng mais hindi para buhayin ang kanilang sarili at pamilya kundi para magpayaman sa mga taong nag-aanak para ikalakal ang laman at dugo ng kanilang mga anak. Ang Men of Maize, kung gayon, ay hindi nang-aaliw para makalimutan natin ang katotohanan. Hindi ito entertainment.  a tuluyang pagkawasak ng kalikasan at walang habas na paghahabol sa tubo sa ating kontemporanyong kondisyon, nagsisilbing makapangyarihang pagtuligsa ang Men of Maize. Desisyon na natin kung tayo ay aaksiyon.