News Update

Militar nagpapalikas sa sibilyan sa N. Cotabato

in

KR Guda

PRESENSIYA ng mga tropa ng AFP (Armed Forces of the Philippines) ang dahilan ng malawakang paglikas ng mahigit 20,000 sibilyan sa North Cotobato.

Ito ang pahayag ng Kawagib Moro Human Rights Center, na nagmomonitor sa pagbakwit ng mga sibilyan matapos salakayin ng mga tropang militar ang kuta ng MILF (Moro Islamic Liberation Front) sa iba’t ibang bayan ng naturang probinsiya.

Ikinakatakot rin ng mga sibilyan sa evacuation centers ang presensiya ng mga trak at tangke ng militar, ayon kay Bai Ali Indayla, tagapagsalita ng Kawagib.

Nabalitaan din umano ng Kawagib na kinukuhanan ng mga militar ng bidyo ang mga sibilyan sa mga evacuation center.

“Habang walang pakundangang naglalaglag ng mga bomba mula sa mga eroplanong OV-10 at nagpapaputok ng 105mm howitzer sa mga komunidad ng Moro at Kristiyano sa Aleosan at Pikit, parami nang parami ang mga sibilyan na puwersahang lumilikas,” ayon kay Indayla.

Nanawagan si Indayla na unahin ng gobyerno ang pagbibigay ng ayuda sa mga bakwit sa halip na magsagawa ng mga opensibong militar.

Sinabi pa ni Indayla na nasugatan ang isang estudyante, ang 19-taong-gulang na si Robert Malagia dahil sa walang humpay na opensibong militar. Nahagip naman ng dumaraang trak ng militar ang 10-taong-gulang na si Namia na kasama ng mga kaanak na lumilikas sa haywey ng North Cotabato noong Agosto 8.

“Napakaraming buhay na ang nasira ng mga opensibang militar, pero ang naiisip lang ni Pangulong Arroyo ay ang pagpapahaba ng termino niya sa pamamagitan ng Charter Change,” sabi pa ni Indayla.