News Update
Muling pagbili ng pamahalaan sa Petron, iginiit
posted 09-Aug-2008
in
Noel Sales Barcelona
Kasama rin sa mga nagprotesta ang mag miyembro ng Anakbayan-Tuazon chapter, Kamada (Kaisahan ng mga Manggagawa sa Daungan), Gabriela Kalookan, Anakpawis Kalookan; at mga kawani ng mga pamahalaang lungsod ng Quezon at Makati.
Ayon kay Ferdinand Gaite, pambansang pangulo ng Courage, “Sa pamamagitan ng pagbawi ng gobyerno sa Petron, makatitiyak ang taumbayan na makabibili sila ng murang produktong petrolyo sa panahong sumisirit ang presyo nito sa internasyonal at lokal na mga merkado.”
Bukod dito, mapipilitan pa umanong magbaba ng presyo ang iba pang mga kompanya ng langis gaya nang Shell at Caltex, dahil sa kompetisyon.
Dagdag naman ni Rose Nartates, pangulo ng Consolidated Union of Employees ng National Housing Authority, dapat na ikonsidera ni Gng. Arroyo ang mungkahi ng mga mamamayan na suspindihin ang VAT sa langis dahil malaki ang matitipid ng mga konsiyumer sakaling maipatutupad ito.
Sa pagtaya ng Bayan (Bagong Alyansang Makabayan), inaasahang bababa ang presyo ng unleaded gasoline ng P5.83 kada litro; gaas, P5.29; diesel, P4.98; at liquefied petroleum gas o LPG ng P68.83 kada 11-kilong tangke kapag tinanggal ang VAT.
Pinabulaanan naman ng Courage ang sinabi ni Sek. Ralph G. Recto ng National Economic and Development Authority na makasasama sa ekonomiya ng bansa ang suspensiyon ng langis sa bansa.
Ani Gaite, marami pang ibang buwis na sinisingil ngayon ng gobyerno ang mapagkukunan ng pondo para sa mga proyekto nito.
Bukod sa pagbasura sa VAT, Oil Deregulation Law at pagbiling muli ng Petron, iginiit din ng mga manggagawa ang pagsasabatas ng House Bill 1962 o ang panukalang batas na nagdaragdag ng P3,000 sa buwanang suweldo ng mga kawani, kapwa sa pambansang pamahalaan at mga ahensiya nito, at sa maging sa lokal ng gobyerno.
RSS