News Update
Nagbitiw daw sa trabaho
Atty. Remigio Saladero Jr.
ANO ang bigat na ibinibigay ng batas sa resignation letter? Ang sulat ba na nagbibitiw na ang isang manggagawa sa kanyang trabaho ay binibigyan ng bigat sa lahat ng pagkakataon? Ang kasong “Blue Angel Manpower and Security Services Inc. vs. Court of Appeals, et. al.” (G.R. No. 161196) na dinesisyunan ng Korte Suprema noong Hulyo 28, 2008 ay tumatalakay sa bagay na ito.
Sa nasabing kaso, mga security guard sa isang ahensiya itong sina Romel at kanyang mga kasama. Isang araw, nagsampa sila ng kaso laban sa ahensiya dahilan sa hindi pagbibigay nito ng tamang bayad sa kanila. Makailan ang ilang araw, binago nila ang kanilang demanda upang idagdag ang reklamong illegal dismissal dahil tuluyan na raw silang tinanggal ng ahensiya sa kanilang mga trabaho.
Sa panig ng ahensiya, kinatuwiran nito na maraming nagawang paglabag sa mga alintuntunin para sa mga guwardiya sina Romel. Ilang beses na di umano silang nahuli na natutulog sa kanilang mga puwesto at umaalis na walang paalam. Nang gumawa ng imbestigasyon ang ahensiya, natakot raw sina Romel na matanggal sa kanilang mga trabaho at nakiusap na lang daw na kusang magbitiw. Bilang awa, pinayagan na lamang daw ng ahensiya sina Romel na mgbitiw sa kanilang mga puwesto. Bilang patunay, pinakita nito ang mga sulat sa pagbibitiw sa ginawa nina Romel. Alinsunod sa batas din umano ang binibigay na pasahod ng ahensiya kina Romel at mapatunayan ito ng mga payroll nila.
Sinagot naman ito nina Romel na napilitan lamang silang gawin ang nasabing mga sulat dahil hindi ibibigay sa kanila ang kanilang mga sahod kapag hindi nila ito ginawa.
Hindi pinaniwalaan ng Labor Arbiter ang ahensya at inutusan itong ibalik sa kanilang trabaho at bayaran ng tamang sahod ang mga guwardyia. Inapela ng ahensiya sa NLRC (National Labor Relations Commission) ang kaso. Napaniwala naman ng kompanya ang NLRC na talagang nagbitiw sina Romel at binaliktad nito ang desisyon.
Humabol sa Court of Appeals sina Romel at muling nabaliktad para sa kanila ang desisyon. Dinala naman ito ng ahensiya sa Korte Suprema.
Matapos suriin ng Korte Suprema ang nasabing mga resignation letter, nagpasya ito ng pabor kina Romel. Sinabi ng Korte Suprema na ang mga sulat ng pagbibitiw sa trabaho ay dapat bigyan ng bigat basta’t boluntaryong ginawa ang mga ito ng mga manggagawa. Kapag napatunayan na hindi kusang-loob itong ginawa ng mga manggagawa at napilitan lamang silang gawin ang mga ito, walang bisa ang nasabing mga resignation letter.
Napansin ng Korte Suprema na pare-parehas ang laman ng mga sulat. Wala rin itong mga petsa. Madaling makita na nanggaling ito sa isang sulat lamang at pinakopya lamang ng ahensiya kina Romel.
Isa pa, naunang nagdemanda ng illegal dismissal bago gumawa ng resignation letter sina Romel. Mahirap paniwalaan, sabi ng Korte Suprema, na ang isang manggagawang tanggal na sa kanyang trabaho ay magbibitiw pa rito. Mas madaling paniwalaan na pinilit lamang sina Romel para gawin ang mga sulat ng pagbibitiw.
Isa pa, ang sinasabi ng kompanya na mga paglabag nina Romel na siya ng naging dahilan nang kanilang pagbitiw sa trabaho ay hindi napatunayan. Walang dokumentong naipakita ang ahensya na nagpapakita kung paano ginawa ang mga paglabag, kung saan ito naganap, at kung kailan ito naganap. Malinaw na gawagawa lamang ito ng ahensya para bigyan ng dahilan ang umano’y pagbibitiw nina Romel.
Dahil dito, sinabi ng Korte Suprema na hindi kusang-loob ang ginawang pagbibitiw nina Romel. Inutusan nito ang ahensiya na ibalik sa kanilang mga trabaho sina Romel at bayaran ng kanilang backwages.
RSS