News Update

OFW hindi “baliw” - Migrante

in

MULING INIREHISTRO ng Migrante International ang kanilang pagtutol sa planong pagpapatupad ng mandatory psychiatric test sa lahat ng aalis na OFW (overseas Filipino workers) dahil pinalalabas umano ng hakbang na ito ng gobyerno na mga ‘baliw’ ang mga OFW.

“Para sa gobyernong Arroyo, ang tinatawag nilang mga ‘bagong bayani’ ay mga ‘baliw’,” ayon kay Connie Bragas-Regalado, tagapangulo ng Migrante.

Iginiit pa ni Regalado na ang DFA (Department of Foreign Affairs) at hindi ang mga OFW ang dapat magpatingin ng kanilang utak kung talagang naniniwala sila na makatutulong ang mandatory psychiatric test para maiwasan ang “pagkabaliw” sa kanilang trabaho.

Dapat aniyang malaman ng DFA na ang teribleng kondisyon ng paggawa sa ibang bansa tulad ng pang-aabusong pisikal, verbal, emosyonal at seksuwal, tortyur at hindi pagsuweldo ang mayor na mga dahilan kung bakit tinatakasan ng bait ang mga OFW.

“Sa pagtanggi sa reyalidad na ito at pagpapatampok na gumagawa ng krimen ang mga OFW para ipagtanggol ang kanilang mga sarili, sa esensiya ay kinokondena ng DFA ang mga OFW,” sabi ni Regalado.

“Kung susundan natin ang lohika ng DFA, mga ‘baliw’ sina Sarah Balabagan, Mary Jane Ramos at Joselito Alejo at hindi mga bayani gaya ng pagturing sa kanila nang sila’y umuwi matapos ang pagdurusa nila sa ibang bansa,” dagdag ni Regalado.

Ang tatlong nabanggit na mga OFW ay nakagawa ng krimen subalit hindi naparusahan dahil napatunayang ipinagtanggol lamang nila ang kanilang sarili.

Binatikos pa ni Regalado si Bise-Presidente Noli de Castro at DFA Undersecretary Esteban Conejos sa pagkonsidera sa isang "absurdo at anti-migranteng panukala". Kahiya-hiya umano na ang mga direktang responsible sa pagsusulong ng karapatan ng mga migrante ang sila pang "bulag at bingi" sa tunay na isyu ng mga OFW.

Si de Castro ang presidential adviser sa usapin ng mga overseas Filipino habang si Usec Conejos ang co-chair ng GFMD (Global Forum on Migrants and Development) na gaganapin sa bansa sa Oktubre 29-30.

“Isa lamang ito sa mga dahilan kung bakit ang mga migranteng Pilipino ay magsasalita. Kasabay ng GFMD, makikipagkaisa ang Migrante sa iba pang mga migrante mula sa ibang bansa sa International Assembly of Migrants and Refugees para hamunin ang GFMD na harapin ang katotohanan na ang migrasyon ay hindi magbubunga ng kaunlaran”, ani Regalado.

Manuela Sanchez