News Update
Pagbuhay sa Cha-cha binatikos ng empleyado ng gobyerno
Noel Sales Barcelona
BINATIKOS ng pambansang sentro ng mga manggagawa sa gobyerno ang hakbang ng Malakanyang na isulong ang Cha-Cha (Charter Change) dahil sa kabiguang mapirmahan ang kasunduan sa pagitan ng gobyernong Pilipino at MILF (Moro Islamic Liberation Front).
Sinabi ni Ferdinand Gaite,
pambansang pangulo ng Courage (Confederation for Unity, Recognition and
Advancement of Government Employees), na makikita ang kasakiman ng
gobyernong Arroyo sa kapangyarihan sa pagsangkalan sa kontrobersiyang
kumulapol sa Bangsamoro Juridical Entity o BJE na naglalayon sanang
maipagkaloob sa mga mamamayang Moro ang karapatan sa kanilang lupaing
ninuno.
“Ngayon lamang ako nakakita ng
presidenteng ganito kasuwapang sa kapangyarihan na maging ang
karapatang pantao ng isang mamamayan, gaya nang sa mga kapatid nating
Muslim, ay isasangkalan para mapalawig lamang ang termino,” ani Gaite.
Naunang nagpahayag ang Malakanyang,
sa pamamagitan ni Sek. Jesus Dureza, na “all systems go” na para sa
Cha-cha, gamit ang Resolusyon Blg. 10 ni Sen. Aquilino Pimentel Jr., na
nagsusulong ng gobyernong pederal.
Ani Dureza, magiging solusyon sa nagaganap na kaguluhan sa Mindanao ang pagpapalit ng gobyerno at tamang-tamang maganap ang transisyon sa panahon ni Gng. Arroyo. Nang umani na ng pagbatikos mula sa Oposisyon, sinabi ni Dureza na karamihan sa lumagda sa resolusyon ni Pimentel ay pawang taga-Oposisyon naman.
Gayunman, nangako ang Courage na bibiguin nila ang pagtatangkang buhayin ang “bangkay” nang Cha-Cha ng gobyernong Arroyo.
RSS