News Update
Paglalakbay ng isang estudyante ng UP
Carol Pagaduan-Araullo
Makalipas ang kung ilang panahon:
Sa isang kahuya'y nagsanga ang landas, at ako -
Tinahak ko yaong bihirang lakbayin,
At iyon ang bumago sa aking buhay.
-- Robert Frost, 1915
Ang Taon ng Sentenaryo ng Unibersidad ng Pilipinas ay nag-uudyok ng maraming paggunita, gayundin ng seryosong pagmumuni sa papel na ginampanan at gagampanan pa ng nangungunang pamantasan ng estado sa pagtugon sa matagal nang mga suliraning pambansa at sa malalaking hamong kaakibat nito. Dahil hindi ako nakadalo sa pormal na mga pagdiriwang sapul noong bungad ng taon, nais kong idagdag ang personal kong mga repleksiyon, at gawin ang bahagi ko sa pagtatala sa kasaysayan ng aspekto ng UP na malalim nang nakaukit sa nakaraan nito, at tiyak na tutulong sa paghubog sa hinaharap nito - ang radikal na aktibismo ng mga estudyante.
Kahit noong huling bahagi na ng dekada '60, hindi pa rin karaniwan na ang isang nagtapos sa may pagka-eksklusibong paaralang Katolikong pambabae - at pinapatakbo pa rin ng mga madreng Aleman - ay pumasok sa UP para sa digri sa kolehiyo. Ang karaniwang persepsiyon: Sa UP, puwedeng maisanla mo ang kaluluwa mo sa demonyo, hindi lang sa bunga ng liberal na kaisipang nagbubukas ng pinto sa agnostisismo o, mas masahol, sa ateismo - pero lalo na sa mapanganib na pagpasok ng mga ideyang "komunista" sa murang kaisipan.
Pero dahil galing ako sa isang panggitnang-uring pamilya ng isang nagtapos sa UP, baligtad ang sitwasyon ko. Lahat kaming anim na magkakapatid, inaasahang papasok sa dakilang bulwagan ng UP at magtatapos ng digring maipagmamalaki, may karangalan pa kung maaari. Hindi kami apektado ng konserbatibong pananakot tungkol sa UP.
Ganoon ako pumasok sa kampus ng Diliman, bitbit ang oryentasyong magpakahusay sa pag-aaral, ang malakas na pagkakahubog sa Katolikong aksyong panlipunan at kapansin-pansing rekord ng pagiging rebelde. (Idinulot ng huli ang pagkakalipat ko sa seksiyong "B" noong huling taon ko sa hayskul, bilang parusa sa pagiging prangka, at ang aksidenteng pagkakahalal ko bilang pangulo ng konseho ng mag-aaral na rumurok sa biglaang pagwo-walkout sa isang pakikipagpulong sa istriktong prinsipal ng paaralan.)
Noong panahong iyon, isa na akong batang feminista, nangungunyapit na sa gayong mga ideya mula sa mga sulatin ng Kilusan para sa Pagpapalaya ng Kababaihan na masigasig na ipinadala sa akin sa koreo mula US ng modelo kong pinakamatandang ate. Noong nagdadalaga na ako, kusang-loob ko nang nilalabanan ang anumang manipestasyon ng pagdomina ng kalalakihan o anumang aktitud na patulong-pero-mapagmataas ng bagong mga kaibigan at kakilalang lalaki. Buti na lang, kaunti na ang ganito sa UP noong pumasok ako, bagamat malakas pa rin ang machong mga fraternity at patuloy pa rin silang pumaparada at tumititig sa kababaihang freshmen mula sa kanilang mga tambayan kung saan-saan.
Talaga namang ikinasiya ko ang liberal na atmospera ng palaban-sa-awtoridad na institusyong pangkolehiyong katangian na ng UP. Ikinasiya ko ang mga kursong general education noong unang dalawang taon, na tumulong para maging maalam ako sa maraming larangan at maging mapag-isip at may diwa ng pagiging Pilipino. Halu-halong kalamay ang kaguruan, pero maabilidad sa pangkalahatan, kundi man mahuhusay; nakakapagtulak na mag-isip, kung hindi man nakakapagbigay ng inspirasyon. Nagbigay ang mga gurong idiosingkratiko (kaming mga estudyante, tinatawag silang "terror") ng napakahalagang mga leksiyon sa kung paano makakaligtas sa mga di-inaasahan sa makulay na buhay-estudyante.
Mula sa gayong pinagmulan, aakalain mong magiging natural na rekrut ako ng radikal na mga organisasyon ng mga estudyante na sumulpot at mabilis na lumakas noong maligalig na dekada '70. Sa halip, sumali ako sa Upsca (UP Student Catholic Action) at hindi sa kalaban nitong Scaup (Student Cultural Association of UP) na itinatag ng isang Jose Maria Sison. Naging comfort zone ko ang Delaney Hall at UP Chapel, habang tinatahak ko ang nakakatakot na larangang panlipunan, bagung-bago mula sa mga taon ng pagiging "colegiala."
Ako'y naging "moderato," ayon sa bokabularyong pampulitika noon. Nagsalita ako sa mga teach-in sa mga dormitoryo, nagpuyos laban sa kawalan ng katarungang panlipunan at brutalidad ng pulisya sa mga demonstrador pero kapantay din ng mga iyon ang pagtatakwil ko sa "karahasan" at "ekstremismo" ng maka-kaliwang mga organisasyong mag-aaral. Hindi sa mga rali ng mga militante ako sumali, kundi sa mga pinamunuan ng isang lider-estudyanteng taga-Ateneo, si Edgar Jopson ng National Union of Students of the Philippines. Lagi kaming umaalis bago umabante ang mga pulis para marahas na buwagin ang radikal na mga estudyante, gamit ang mga batuta at bala. Noon, kaunti lang ang nauunawaan ko sa kanilang ideolohiya, bagaman di ako likas na tutol sa kanilang pulitika; naaadwa lang ako sa kanilang hilig sa paghiyaw ng mga islogan at sa astang magulo nila.
Pinadali ng pagiging lider-estudyante noong hayskul ang pagsali ko sa ekstra-kurikular na mga aktibidad, lalo na sa pulitikang pangmag-aaral, at nahalal akong konsehal sa konsehong pangkolehiyo noong ikalawang taon ko. Pero priyoridad ko ang pag-aaral. Habang nagboboykot ang mga estudyante para iprotesta ang di-makatarungang pagtaas ng presyo ng langis noon (dalawang sentimo lamang noon!) nakakulong ako sa kuwarto ng konseho ng mag-aaral ng Arts and Sciences, nag-aaral para sa susunod kong eksamen.
Tanging ang makulit na pang-aasar ng isang kaibigang aktibista tungkol sa pagtakas ko sa tungkuling pamunuan ang mga kapwa-estudyante sa pagpoprotesta ang nagtulak sa aking talikuran ang mga libro ko. Sa mabilis na panahon, nasaksihan ko ang pagbaril ng isang hibang, galit na galit na propesor sa Matematika, sa isang nagpoprotestang estudyanteng freshman, si Pastor Mesina, na bahagi ng hanay ng mga estudyanteng nakatipon sa main avenue ng UP patungo sa Oblation.
Sa ganitong dramatiko, makapigil-hiningang paraan ako unti-unting nahatak sa historikong serye ng pangyayaring humantong sa pagtatayo ng mga barikada ng mga estudyante sa mayor na mga lagusan sa kampus para hadlangan ang pagpasok ng mga tropang pulis at militar na inutusan ni Presidente Marcos na magpataw ng "batas at kaayusan." Naging bahagi ako, bagamat sa gilid-gilid lang, ng simbolikong pinalayang purok ng "Komyun ng Diliman" na idineklara ng mga estudyante, guro at iba pang miyembro ng komunidad ng UP noong Pebrero 1971.
Ito ang aking binyag ng apoy sa radikal na aktibismo ng mga estudyante. Naharap ako sa reyalidad ng pasismo ng estadong pinawalan nang walang pagpapanggap laban sa mga mamamayang walang kalaban-laban at nang lantad na lumalabag sa kalayaang pang-akademiko. Sa ganito ko kongrektong naunawaan ang kuwalitatibong kaibhan ng karahasan ng estadong ginagamit ng mga naghaharing uri para panatilihin ang status quo, at ng depensibong karahasang hinahantungan ng mga inaapi at pinagsasamantalahan para labanan ang umiiral na kaayusan at igiit ang kanilang mga karapatan.
At naganap iyon sa pusod ng UP noong ikalawang taon ko bilang estudyante ng AB Psychology. (Sa susunod na linggo: Pulitikang Pangkampus at Paaralan ng Medisina.)
RSS