News Update
Patuloy na mabubuhay ang pamana ni Ka Tanny
Carol Pagaduan-Araullo
NOONG 1980 ang una at huling pagkakataong nakausap ko si Sen. Lorenzo “Ka Tanny” M. Tañada, sa Bontoc, Mountain Province. Ipinakilala ako sa kanya ni Prop. Randy David ng UP. Kasama siya ng isang grupong lumilibot sa bansa para pulsuhan ang mga mamamayan noong nagsimula nang lumakas ang kilusang kontra-diktadura sa mga lungsod. Pigil-hininga ako sa paghanga sa Grand Old Man ng Oposisyon pero mataman siyang nakinig noong ikinuwento ko sa kanya ang mga karanasan ko bilang doktor ng kalusugang rural sa hanay ng mga katutubong mamamayan ng Kordilyera.
Pagkatapos niyon, natunghayan ko na lang siya mula sa malayo noong binobomba ng tubig at tini-tear gas siya sa Welcome Rotunda, pati na ang anak niyang si Bobby Tañada, si Direktor Behn Cervantes at iba pang kilalang personalidad; ang nagawa ko lang ay manood nang walang kalaban-laban mula sa mataas na palapag ng ospital sa gilid ng makasaysayang lugar na iyon ng di mabilang na pagbuwag sa mga rali. Kumikilos ako noon nang lihim at hindi puwedeng maging bahagi, lalo na’t pumuwesto sa harapan, ng gayong mga protesta.
Nahalal na tagapangulong tagapagtatag si Ka Tanny nang buuin ang Bayan (Bagong Alyansang Makabayan) noong 1985, samantalang sumali lang ako sa alyansa halos sampung taon pagkatapos. Hindi ako nagkaroon ng pagkakataong makatrabaho siya nang malapitan tulad ng batang mga lider-aktibista noon gaya ni Lean Alejandro, pinaslang na pangkalahatang kalihim ng Bayan. Kaya noong hilingin ni Kong. Erin Tañada na magsulat ako tungkol sa dakilang Pilipinong makabayan at statesman, na kanyang lolo, eksakto sa ika-110 anibersaryo ng kapanganakan ni Ka Tanny, nagdalawang-isip ako. Wala akong sariling kuwentong masasabi, walang masayang alaalang magugunita.
Pagkatapos, naalala kong malungkot na sinabi sa akin ni Senador Bobby Tañada ilang taon na ang nakakaraan, matapos niyang magsalita sa pambansang kumbensiyon ng College Editors Guild of the Philippines – ang deka-dekada nang asosayon ng mga mamamahayag pangkampus sa buong bansa – na tila hindi na kilala ng kabataan kung sino si Ka Tanny at ano ang pamana niya sa sambayanang Pilipino.
Totoong hindi pa nakakatanggap ang tunay na mga higanteng lider pampulitika ng bansang ito, makabayan at demokratang lahat – Claro M. Recto, Jose W. Diokno at Lorenzo M. Tañada – ng klase ng pagkilala at pagpapahalaga na karapat-dapat sa kanila, sa paraang mapapanatili ang kanilang pamana at maisasalin sa susunod na mga henerasyon. Indikasyon itong malayo pa ang kailangan nating lakbayin para maisakatuparan ang mga prinsipyong ipinaglaban nila.
Nagbigay ang Bayan ng simple ngunit taos-pusong parangal kay Ka Tanny noong Agosto 10 sa Bantayog ng mga Bayani. Naglaan ito ng espesyal na puwang sa website nitong www.bayan.ph para ipagdiwang ang buong-buhay niyang paglilingkod sa pakikibaka para sa kalayaan, katarungan at demokrasya para sa sambayanang Pilipino. Isang kaugnay na website, ang www.arkibongbayan.org, ang naglagay ng mga sanaysay-parangal sa kanya at mga larawan ng paggunita.
Kritikal ang halaga at kabuluhan ng pamana ni Ka Tanny sa pakikibaka ng ating sambayanan para malayang itakda ang ating tadhana nang hindi pinapakialaman ng US at iba pang dayuhang kapangyarihan; itatag ang isang tunay na demokratikong gobyerno; at magpayabong ng isang progresibong ekonomiyang maglalatag ng batayan para sa katarungang panlipunan at pangmatagalang kapayapaan.
Pinakamainam siyang naaalala bilang pigurang nakapamuno at nakapagbuklod sa 14 na taong pakikibaka para wakasan ang pasistang diktadura ni Marcos; nakapaglantad sa tinawag niyang “higanteng pagkakamali,” ang Bataan Nuclear Power Plant, at nakapamuno sa historikong Welga ng Bayan laban dito; at nanguna sa pananawagang ibasura ang RP-US Bases Agreement at kagyat na palayain ang bansa sa dayuhang mga tropa at baseng militar.
Walang pagod siyang nakipaglaban para sa katapatan at integridad sa gobyerno, na siya mismo ang maningning na halimbawa, sa kanyang 24 na taon sa Senado. Noong batas militar, ipinaglaban niya ang mga bilanggong pulitikal at di-mabilang na biktima ng paglabag sa karapatang pantao ng mga puwersang militar at paramilitar. Sa kabila ng kanyang katandaan, matatag na nagmartsa si Ka Tanny sa lansangan para militanteng igiit ang mga kalayaang sibil at itaguyod ang demokratikong mga karapatan ng mga mamamayan.
Naging halimbawa siya ng prinsipyadong pagkakaisa sa loob ng kilusang kontra-diktadura: nagsilbing hadlang ang kanyang katayuan, talino at prestihiyo gayundin ang kanyang pagpapakumbaba at pagiging bukas sa katunggaling mga pananaw sa ambisyon, yabang, matinding pagkiling at patalong sektaryanismo ng iba. Nakita ang kanyang statesmanship sa pagkilala niya sa iba’t ibang larangan at porma ng pakikibaka na kailangan para ibagsak ang diktadura at itatag ang isang tunay na demokrasya.
Higit sa lahat, may matatag na pananalig si Ka Tanny sa sambayanang Pilipino, lalo na sa masang manggagawa, magsasaka at kabataang estudyante, na sila – kung wastong mamumulat at maoorganisa – ay magbabangon laban sa mga nagsasamantala at nang-aapi sa kanila at gagamit sa kanilang kapangyarihan para magpaluwal ng tunay at kinakailangang pagbabago.
Ngayong nahaharap tayo sa ilehitimong gobyerno ni Gng. Gloria Arroyo – sagad-sagarin sa pagkatuta sa imperyalismong US, pagkagahaman sa kapangyarihan, tiwali at mapagsamantalang mga gawi at madugong panunupil sa mga mamamayan – dapat patuloy na magbigay-liwanag at inspirasyon ang mga prinsipyo at maningning na halimbawa ni Ka Tanny sa mga Pilipinong makabayan at mga nakikibaka para sa kalayaan saanman, sa henerasyong ito at sa susunod pa.
RSS