News Update
Rep. Gunigundo kinalampag sa pangako sa P125 dagdag-na-sahod
Ilang-Ilang Quijano
MAY 17 araw na lamang si Rep. Magtanggol Gunigundo na magpatawag ng pagdinig sa panukalang batas para sa P125 dagdag-na-sahod, ayon sa KMU (Kilusang Mayo Uno).
Nagpiket ang grupo sa harap ng bahay ni Gunigundo, tagapangulo ng Congress Labor Committee noong Agosto 14 para singilin ang pangako ng kongresista sa mga manggagawa.
Sa naunang piket ng KMU sa bahay ni Gunigundo noong Hunyo 19, nangako ito na diringgin sa Agosto ang House Resolution No. 345 na inihain ni yumaong Anakpawis Rep. Crispin Beltran.
Sa pinakahuling piket, hindi na sila hinarap ng kongresista. Hinarang pa sila ng mga pulisyang nagbarikada sa iba’t ibang lagusan ng bahay nito sa Barangay Marulas, Valenzuela City.
“Ano ang ikinakatakot niya? Ang mga manggagawa ang dapat
mabahala sa posible niyang mga maniobra para harangin ang pagsasabatas ng P125
dagdag-na-sahod,” sabi ni Joselito Ustarez, executive
vice-president ng KMU.
Itinakda ni Gunigundo ang pagdinig sa Agosto 20, pero ipinagpaliban ito sa Setyembre 3.
Nagbabala ang grupo sa kongresista na huwag “paglaruan” ang kanilang mga iskedyul dahil muni-minuto diumano silang “sinasampal” ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
“Hindi na kami makapaghintay na maisabatas ang dagdag-na-sahod. Matagal na itong nararapat sa mga manggagawa,” ayon kay Ustarez.
Dagdag pa ng grupo, handa silang muling lusubin ang bahay ni Gunigundo kung hindi tutupdin ng kongresista ang kanyang tungkulin na umagapay sa mga manggagagawa sa panahon ng matinding krisis pang-ekonomiya.
RSS