News Update
Term extension ni GMA di pwede sa pederalismo –Pimentel
Ilang-Ilang Quijano
INIHAYAG ni Senate Minority Leader Aquilino Pimentel Jr. na may proteksiyon ang Joint Congressional Resolution 10 na nananawagan ng pederalistang sistema ng gobyerno laban sa pagpapahaba ng termino na maaaring “hidden agenda” ng pangulo.
Sinabi ni Pimentel, awtor ng panukala, na iiral pa rin ang probisyon ng 1987 Saligang Batas hinggil sa anim-na-taong term limit ng pangulo at pagbabawal ditong tumakbo muli para sa puwesto.
Aniya, ang pagbabago ng Konstitusyon lamang ang makakapagpahaba ng termino ni Arroyo.
Nagpahayag ng suporta si Arroyo sa panukalang batas ng Kongreso para sa pederalismo, bilang tugon umano sa sigalot sa Mindanao na idinulot ng Memorandum of Agreement sa pagitan ng gobyerno at rebeldeng MILF (Moro Islamic Liberation Front).
Inilinaw ni Pimentel na bagaman layong palitan ng Resolution 10 ang sistema ng gobyerno—hahatiin ang pamumuno ng bansa sa iba’t ibang estadong pederal—mananatili ang presidensiyal na porma nito.
Pabor ang panukalang batas sa Constituent Assembly na bubuuin ng Mataas at Mababang Kapulungan ng Kongreso. Kailangan ng ¾ na boto nito para mabago ang Saligang Batas.
Aniya, kung ipapatawag ang Constituent Assembly, dapat maging ispesipiko sa probisyon ng Saligang Batas na papalitan para maging pederalista ang sistema ng gobyerno.
Dapat din umanong bumoto nang hiwalay ang Mataas at Mababang Kapulungan ng Kongreso para hindi masalaula ang proseso ng mga kongresistang kaalyado ni Arroyo.
RSS