News Update
Ang katotohanan sa likod ng migrasyon ng kababaihan
Gert Ranjo-Libang
Kahit na ano ang gawin o sabihin ni Arroyo, lalabas at lalabas ang katotohanang hindi natugunan ng kanyang administrasyon ang mga batayang pangangailangan ng kababaihan para sa kabuhayan at serbisyong panlipunan. Bagkus, lalong pa ngang inilulubog ng patuloy na pagsunod niya sa mga patakarang globalisasyon ang pamilyang Pilipino sa kumunoy ng kahirapan.
Kawalang pag-asa ang nagtutulak sa mayorya ng ating mga kabaro na makipagsapalaran sa labas ng bansa; Desperasyon ang humihila sa kanila para sumuong sa walang katiyakang buhay ng isang migranteng manggagawa.
Dahil sino nga ba sa atin mga mare ang kusang mag-iiwan sa ating mga anak upang mag-alaga ng anak ng iba at ang magpa-alipin sa mga di-kilalang tao na ang ugali ay kadalasang taliwas sa ating kinagisnan o maging aliwang kinukutya's itinuturing na bagay at hindi taong dapat bigyan ng respeto.
Ang pagiging domestic helper o katulong sa bahay, tagapag-alaga ng matanda at bata, o entertainers, iyan ang kinasasadlakang gawain ng halos otsenta porsyento ng kababaihang lumalabas ng ating bansa. Ang mga trabahong ito ay namumuhunan sa pyudal at tradisyunal na pagkakahon sa kababaihan bilang pambahay o pangkama lamang. At maski sa mga bansang napupuntahan ng ating mga kabaro, ang ganitong mga gawain ay tinitignang mababa at madalas pa nga ay tago dahil hindi itinuturing na tunay na trabahong dapat ibilang sa istatistika ng mga naka-empleyo.Samakatwid, ang mga gawaing pinapasok ng ating mga kababaihang migrante ay lalong naglalapit sa kanila sa pang-aabuso't karahasan.
Sa ganitong kalagayan ng kababaihang migrante, paano masasabing ang paglabas sa bansa ng dumarami nating mga kabaro ay kaunlaran. Lalo namang malabong ito ang maging dahilan upang ang piyudal na pagtingin sa kanila ng lipunang Pillipino bilang mas mababa sa kalalakihan ay mabago.
Muli, mga mare, nakikita natin ang panloloko't pambobola sa atin ni Arroyo. Muli, mga mare, dapat nating tutulan ang panloloko't pambobolang ito.
RSS