News Update
Archive - May 7, 2008 - photo_essay
Laban para sa P125 dagdag-sahod
Noong Mayo Uno, Araw ng Paggawa, mahigit 10,000 manggagawa ang dumagsa sa mga lansangan ng Maynila para igiit ang P125 dagdag-sahod at pagbaba sa presyo ng mga bilihin. Mula sa iba't ibang lugar, maaga silang nagtipon sa Liwasang Bonifacio. (Boy Bagwis)
Mainit pa rin
Pinatutunayan ng mga manggagawang itong nagmartsa sa kabila ng matinding sikat ng araw, mainit pa rin ang panawagang patalsikin sa puwesto ang Pangulong umano'y kontra-manggagawa. (Boy Bagwis)
Itanong mo sa mga bata
Apektado ang mga bata sa krisis sa pagkain kaya't katuwang nila ang kanilang mga magulang na nakikipaglaban para sa mas mabuting kalagayan. (Ilang-Ilang Quijano)
Pagsasadula ng hustisya
Isinadula ng grupong pangkulturang Sinagbayan ang diumano'y pagpapahirap ni Pangulong Arroyo sa mga mamamayan at ang papel ng huli sa pagsingil ng hustisya. (Ilang-Ilang Quijano)
Talas
Kasing-talas ng barbed wire na sumalubong sa kanila sa Mendiola ang panawagan ng mga manggagawa para sa P125 dagdag-sahod. (Ilang-Ilang Quijano)
Sigaw ng maralita
Ayon sa mga maralita ng grupong Kalipunan ng Damayang Mahihirap sa Caloocan, ang pananatili ni Pangulong Arroyo sa puwesto ang patuloy na nagsasadlak sa kanila sa kahirapan. (Boy Bagwis)
Kalasag at plakard
Nakababa ang mga kalasag ng mga pulis. Pero patuloy na itinataas ng mga demonstrador ang kanilang mga plakard para ibadya ang galit ng mga mamamayan dahil sa matinding krisis na dinaranas. (Ilang-Ilang Quijano)
Isyung pampamilya
Isyung pampamilya ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin at kawalan ng nakabubuhay na sahod, kaya't bitbit ng nanay na ito ang kanyang mga anak sa mobilisasyon. (Ilang-Ilang Quijano)
Pulang bandila
Nagtapos ang paggunita sa Araw ng Paggawa sa pagkanta ng mga manggagawa ng Internationale at pagwagayway ng mga bandilang pula. (Ilang-Ilang Quijano)










RSS