News Update
Muling pagtalakay sa visitorial powers ng Dole
NOONG nakaraang buwan, tinalakay natin ang tungkol sa "visitorial power" ng Secretary of Labor. Nakita natin kung paano ito mabisang magamit upang singilin ang kompanya sa kanyang pagkukulang sa mga manggagawa. Sa kasong "Mrs. Alberta Yanson/Hacienda Balabag vs. Honorable Secretary, Department of Labor and Employment and Mardy Cabigo, et. al." (G.R. No. 159026) na hinatulan ng Korte Suprema nito lamang Pebrero 11, 2008, muli nating tunghayan kung paano nagagamit ang "visitorial powers" sa layuning ito.
Manggagawa sa isang asyenda sa Negros itong sina Mardy. Isang araw, si Mardy at kanyang mga kasama ay nagpadala ng kahilingan sa Department of Labor District Office sa Bacolod City na kung maari ay magsagawa ng inspeksiyon sa kanilang asyendang pinagtatrabahuan upang malaman kung ito ba ay nagbabayad ng tama sa kanyang mga manggagawa.
Nagsagawa ang Dole-Bacolod ng kaukulang "payroll inspection" sa naturang asyenda. Nakita nilang may paglabag nga ito sa batas dahil hindi nito sinasahuran ang kanyang mga manggagawa nang ayon sa batas. Dahil dito, naglabas ang Dole-Bacolod ng kaukulang "notice of inspection report" kung saan binabanggit na may paglabag ang may-ari ng asyenda sa batas dahil kulang ang binabayad nitong benepisyo at sahod sa kanyang mga manggagawa. Dagdag rito, nagsagawa din ang Dole-Bacolod ng kaukulang mga hearing upang marinig naman ang panig ng may-ari ng asyenda. Ngunit ni isa sa mga hearing na ito ay walang dinaluhan ang may-ari.
Isang Compliance Order ang inilabas ng Dole-Bacolod kung saan inuutusan ang may-ari ng asyenda na bayaran ng tamang sahod at benepisyo ang kanyang mga manggagawa na umaabot sa kabuuang halaga ng P372,000.00. Pagkatapos noon ay isang writ of execution ang nilabas ng nasabing tanggapan na nag-uutos sa sheriff na ipatupad ang nasabing kautusan.
Dito napilitang kumilos ang may-ari ng asyenda. Naghain ito ng pagtututol sa Compliance Order at sa writ of execution dahil umano ay wala siyang kaalam-alam sa ginawang mga hearing tungkol sa kanyang mga paglabag. Binalewala ng Dole-Bacolod ang pagtutol ng may-ari ng asyenda.
Napilitang mag-apela ang may-ari ng asyenda sa Dole Secretary. Ibinasura ng Dole Secretary ang kanyang apela. Pumunta siya sa Court of Appeals ngunit hindi pa rin nabago ang desisyon. Napilitang pumunta ang may-ari sa Korte Suprema.
Naging pabor sa manggagawa ang desisyon ng Korte Suprema. Ayon sa Korte Suprema, ang desisyon ng DOLE-Bacolod ay inilabas sang-ayon sa visitorial powers ng nasabing tanggapan. Batay sa Art. 128 ng Labor Code, ang desisyong inilabas kaugnay ng visitorial powers ay maaari lamang i-apela kung may kasamang appeal bond. Dahil sa walang kasamang appeal bond ang apela ng may-ari ng asyenda, mali at walang epekto ang nasabing apela. Tama lamang ang ginawa ng Dole na pagbasura dito.
Napansin ng Korte Suprema na may kasamang Motion to Reduce Appeal Bond ang apela na ginawa ng may-ari ng asyenda. Inilinaw ng Korte Suprema na puwede sana ito kung ang desisyong ina-apela ay desisyon ng Labor Arbiter. Ayon sa batas, maaaring babaan ang appeal bond sa desisyon ng Labor Arbiter. Ngunit sa mga kasong hinatulan ng Dole sang-ayon sa kanyang visitorial powers, hindi pinapayagan ang pagpababa ng appeal bond. Walang batas na nagsasabing maari itong babaan. Kaya’t balewala ang ginawang Motion to Reduce Appeal Bond ng may-ari ng asyenda.
Kaya mga kasama, sana’y matuto tayong gumamit ng visitorial powers ng Dole. Malaking tulong ito para proteksiyunan ang kapakanan ng ating hanay.
RSS