News Update
OFW sa Gitnang Silangan inabandona ni GMA – Migrante
KINONDENA ng Migrante-Melbourne ang diumano’y pagpapabaya ng gobyernong Arroyo sa kalagayan ng 111 migranteng nabibinbin ngayon sa Saudi Arabia at 50 naman sa Kuwait.
Sa isang bukas na liham na nakapangalan kay Pangulong Arroyo, sinabi ni George Kotsakis ng Migrante-Melbourne, na hindi nila maintindihan kung bakit naaatim pabayaan ng gobyerno ang nabanggit na mga OFW (Overseas Filipino Workers) gayong labis itong nakadepende sa mga ipinadadalang pera ng mga OFW.
"Napilitang magkampo sa ilalim ng tulay ang 111 kababayan natin sa Saudi, nagmamalimos para lamang makakain, at hindi man lamang inintindi ng embahada natin doon noong humingi sila ng tulong. Noong Pebrero 3, pumunta sila roon (embahada) para personal na makipag-usap subalit ang ginawa nila, ibinalik nila iyong ibang biktima ng pang-aabuso ng kanilang mga amo, sa mga amo nila," sabi ni Kotsakis.
May ilan din daw na dinala patungong deportation center nang nakaposas, na tila ba mga kriminal, pag-uulat pa ni Kotsakis.
Samantala, ang 50 manggagawang nabibinbin ngayon sa Kuwait ay napababalitang napipilitang kumain ng panis na pagkain at magkalkal sa basura para lamang mabuhay. Biktima ang nabanggit na mga OFW ng contract substitution at nirekluta, mula Pilipinas, ng Gulf Link Transport Company.
Pagdating nila roon, sa halip na magtrabaho bilang mga tsuper, naging tagalinis lamang sila at hindi pinasusuweldo nang tama samantalang nagtatrabaho ng 12 oras. Hindi rin malaman ng 50 kung paano kinakaltasan ang kanilang suweldo dahil wala namang ibinibigay na pay slip o resibo ang kanilang kompanya.
Ipinananawagan, hindi lamang ng Migrante-Melbourne, kundi maging ng iba pang tsapter ng Migrante sa Gitnang Silangan, ang kagyat na tugon ng gobyerno sa hinaing ng nabanggit na mga OFW.
Noel Sales Barcelona
RSS