News Update
OFW nagkaisa vs. PGMA
PATALSIKIN na! Ito ang nagkakaisang pahayag ng mga kaanak ng mga OFW (Overseas Filipino Workers) sa paglulunsad ng alyansang "Babay, Gloria" (Bagong Bayani, Ayaw kay Gloria).
Ayon sa grupo, hindi nalalayo ang sentimyento ng mga Muslim at Kristiyano hinggil sa pamamalakad ni Pangulong Arroyo na siyang dahilan daw ng pagdurusa ng mga OFW.
Ani Connie Bragas-Regalado, tagapangulo ng Migrante International, ang isa sa mga organisasyong nagbuo ng Babay, Gloria, direktang apektado ng korupsiyon ng gobyerno ang mga OFW dahil pera nila sa Owwa (Overseas Workers’ Welfare Administration) ang kinukulimbat nito.
Tinukoy ni Regalado ang P530 Milyong pondong medikal ng Owwa na inilipat sa PhilHealth noong 2004, kasagsagan ng pangangampanya ni Arroyo sa eleksiyong pampanguluhan.
Bukod pa rito, sa kainitan ng giyera sa Iraq noong 2003, ginamit din diumano ni Arroyo ang halagang US$293,000 para sa sarili nitong kapakanan. Sinabi noon ng Malakanyang na gagamitin ang naturang halaga para sa paglilikas ng mga apektadong migrante sa Iraq subalit nauwi lamang ito sa pagbili ng maluhong sasakyan at mga cellphone ng mga konsul at opisyal ng Embahada.
Hindi rin nakalusot ang patuloy na ipinatutupad ng Owwa Omnibus Policies hinggil sa pagbibigay-benepisyo sa mga OFW, maging ang hindi naman daw kinakailangang bayad na sinisingil sa mga marino kapag sila ay aalis ng bansa.
"Humahaba na ang listahan ng mga kasalanan ni Arroyo sa mga OFW, na patuloy nilang pinababayaan sa kabilang ang remitans nila ang bumubuhay sa naghihigalo nang ekonomiya ng bansa," sabi pa ni Regalado.
Samantala, naghahanda naman ang mga miyembro ng Migrante sa iba’t ibang panig ng mundo para sa malawakang mga protesta na humihiling sa pagbibitiw ni Arroyo.
RSS