News Update
Hindi mababaw ang luha ko kaya tumatawa ako
Rebyu
TAWANAN natin ang mga "kalokohan" natin. Ito, sa kabuuan, ang nais iparating nina Bret McKenzie at Jamaine Clement, ng Flight of the Conchords, grupong mula New Zealand na naging sikat dahil sa kanilang animo’y kalokohang mga kantang Jenny, The Distant Future o Humans are Dead, at iba pa.
Kuwidaw ka, huwag maliitin ang mga musikero/komikerong ito. Dahil nito lamang nakaraan, nagwagi sila sa Grammy’s: ang pinakamataas na karangalan sa musika sa Amerika.
Hindi nga raw makapaniwala ang dalawa, kung kaya, kinailangang i-Google pa nila ang katotohanan hinggil sa pagkapanalo nila sa Grammy Awards.
Kung maririnig ng isang ordinaryong audiophile ang mga kanta nila at hindi paglilimian nang husto, masasabing wala lang na isang malaking kalokohan lamang ang mga kanta nina McKinzie.
Makinisasyon ng mga tao at ang hindi mapipigilang pag-aalsa
Hindi maitatatwang ang isa sa pinakakaakit-akit na kanta ng Flight of the Conchords ay ang "The Distant Future" o mas kilala bilang "Humans are Dead." Kuwento ito ng mga "robot" na pinatay ang mga "tao" dahil depresyon at opresyon lamang ang dulot sa kanila ng mga ito.
"Dehumanization" o pagturing bilang mga robot o makina ng lakas-paggawa ang pinakaubod ng nakatutuwang kanta sa itaas. Naisip ko tuloy ang sinabi ng pamosong pilosopo at lider-obrero na si Karl Marx, sa lipunang kapitalista, lahat ay nagiging produkto o makina dahil sa napakarawal na kalagayan sa paggawa.
Pagbasag sa dekadenteng kultura
Sa awiting "Hiphoppotamus vs. Rhymenocerous" naman, tipong asaran ang nagaganap sa pagitan ng isang totoong artistang hiphop at ng isang nagkukunwaring hiphop.
Narito ang ilan sa mga titik ng kanta,
Sometimes my rhymes are obscene
Described as smutty, pornographic scene that’s r18
They’re so filthy, I feel guilty
I have to rinse my mouth out with Listerine
Like when I rap about those xxxxxxx smothered in margarine
Hahahaha
Sa kasaysayan ng kantang hiphop, hindi ba’t mauugat ito sa protesta ng mga Negrong nasa ghetto kontra sa rasismo at pagsasamantala? Sa ngayon, kapag sinabing hiphop ka, isa ka lamang dekadente at makamundong mang-aawit. Iba ang paniniwala rito nina McKinzie.
Sabi nila, saan ninyo nakuha ang ideyang hiphoppotamus? Dahil ba sa kumakanta kami nang ukol sa katotohanan? Dahil ba umiinom ako ng tsaa ng lola ko?
Kontra walang pakialam, walang pakiramdam
Sa katuturan, kontra-apatetiko o kawalang pakialam at pakiramdam sa mga nangyayari sa lipunan ang mga awitin ng Flight of the Conchords.
Subalit sa halip na "hardcore" na propaganda ang gawin ng dalawang New Zealander na ito, ginawa nilang katawa-tawa at nakaaaliw ang kanilang anyo ng paggising sa kamalayan ng mga tao. Makialam ka! Iyon ang ubod ng mensahe. Siguro, kung iparirinig ito sa mga komunidad at mga rali, marami ang maeengganyong makisangkot. Lalo na ngayon, parang nangangailangan na naman ng isang People Power. Ano sa tingin ninyo?
RSS