News Update

Awayang Nadia-Greta, pinatitigil ni Boy Asistio

in
Boy Villasanta

NAGSIMULA ang lahat nang magdadakdak si Nadia Montenegro na hiwalay na sina Gretchen Barretto at Tonyboy Cojuangco kaya nang nakarating kay Gertchen ang balita, sinumbatan niya nang katakut-takot ang kaibigan.

Biruin mo nga naman ani Gretchen na siya pa ang umayos umano sa ari-arian nina Nadia sa Ayala Heights kung saan kinaduluhan ay nailit din ang malapalasyong bahay ni Montenegro. Nagkakahalaga umano ng P9 Milyon ang tahanan.

Kaya ang ginawa ni Boy Asistio, ang kasintahan ni Nadia, binigyan siya ng bahay sa St. Ignatius Village sa Libis.

Ayon sa balita, si Nadia ang ginagawang sangkalan ni Gretchen ’pag nakikipagtagpo umano ito sa isang batambatang kasintahan. Sasabihin umano ni Barretto kay Tonyboy na magkasama sila ni Nadia kaya huwag siyang intindihin pero ’yon pala ay may ibang kinakatagpo si Greta.

Pero pinabulaanan naman ito lahat ng aktres.

***

Kaya nga nag-walkout si Gretchen sa "Entertainment…Live" noong Sabado ay dahil napanood at narinig niya ang video kung saan ay ipininta siya na parang masamang babae.

Ayaw aniya niyang patulan ang mga walang kuwentang balita at kaya siya umalis bigla sa istudyo ng programa ay dahil isinalang siya nang walang kalaban-laban.

Nagpunta aniya siya sa palatuntunan para mag-promote ng kanyang bagong record album mula sa Star Records pero ang nakamtan niya ay panghihiya.

Hindi ani marunong magsaludar ng bisita ang mga taga-"Entertainment…Live."

***

Kami man ay naging "biktima" ng away na ito nina Nadia at Gretchen. Ibinigay sa amin na asignatura ng isa sa aming mga patnugot ang istoryang ito upang kunin ang panig ni Nadia sa kontrobersiya. Si Gretchen lang umano ang naririnig at wala ang panig ni Nadia.

Kaya ginalugad namin ang maaaring puntahan ni Montenegro. Pati ang kanyang dating bahay sa Ayala Heights ay pinuntahan namin kaya natuklasan naming ’yon pala ang inilapit ni Nadia kay Gretchen.

Pati ang mga kaanak ni Nadia—sa bisa ng kanyang pakikipagrelasyon sa isang Asistio ay pinuntahan namin sa Caloocan City ang mga bahay ng makapagtuturo sa amin ng kinalalagyan ng aktres.

Nag-text na ako sa mga kasama sa hanapbuhay—kina Mario V. Dumaual ng "TV Patrol" at Jobert Sucaldito ng "The Buzz" at sa iba pang peryodistang pampelikula para makuha ang cellpone number o landline ni Nadia pero hanggang sa mga sandaling ito ay hindi pa sumasagot sina Mario at Jobert.

***

Sa pagsagsag namin sa Caloocan ay nalaman naming ang isang pamangkin ni Nadia at ni Boy na si Onette Henson ay namatayan. Sumakabilang-buhay ang kanyang biyenan at baka anakin dumalaw doon si Nadia.

Kaya sumagsag kami sa Calaje Funeral Homes sa Karuhatan upang malaman lang kay Onette na hindi pupunta roon si Nadia. Pero nalaman namin kay Henson, ang kapitana ng University Hills sa Calocoan, na sa St. Ignatius na nakatira sina Asistio at Nadia.

***

Pero hindi rin namin nakapanayam si Nadia sa St. Ignatius dahil sabi ng kanyang personal bodyguard na si Eric ay wala roon ang kanyang amo.

"Ayaw na rin siyang pagsalitain ni Mayor Asistio tungkol sa isyu na ’yan kay Gretchen. Kaya habang nand’yan si Mayor, hindi makapagsasalita si Nadia," pahayag ni Eric.

Kumakain ani Eric sa labas sina Nadia at Boy nang sadyain namin ang tahanan ng aktres sa Fordham Street. Pero hiningi sa amin ni Eric ang aming contact number at kung magpapainterbyu aniya si Nadia ay tatawagan o iti-text kami. Pero hanggang sa mga sandaling ito ay wala ni ha, ni ho mula sa kampo ni Montenegro.

Ito ay dahil bantay-sarado nga si Nadia kay Boy at pinagsabihan na huwag nang palalain ang sitwasyon. Kaya nga nagpadala na rin ng sulat ng paghingi ng tawad si Nadia lalo kay Gretchen. Nais niyang maibalik ang kanilang pagsasama.

***

Nagkakaintindihan nga ng mga damdamin sina Nadia at Gretchen dahil parehong mas matanda sa kanila ang kanilang kinakasama.

Pero ano nga ba ang napulot ng masang Filipino sa isyung ito?

Marahil ay ang pang-unawa sa kalungkutan na sumasaklob kina Nadia at Gretchen kahit na sila man ay nahihiga sa salapi.

Hindi nga naman mabibili ng mga materyal na bagay ang kanilang kaligayahan pero maaaring kusang umusbong na ang kasiyahan sa kanilang puso at isip sa pagdaraan ng panahon.

Na masuwerte pa rin ang sambayanang Filipino sa pagsusog sa utos ng utak kaysa utos ng puso.

***

Samantala, dalawang himala ang naranasan ni Gary Valenciano nitong mga nakaraang linggo.

Ang una ayon sa kanya ay ang pagpapadoktor niya mga dalawang Lunes na ang nakakaraan. Hindi nga ba’t may diabetes siya at ang may karamdaman na tulad nito ay lumalabo ang panginin na maaaring maging sanhi ng pagkabulag.

"But I couldn’t believe it. Ang linaw-linaw ng paningin ko kahit na ilang dekada na ang diabetes ko," pahayag ni Gary sa "Rebirth" concert niya sa Crossroad 77 kamakailan.

***

Nang maaksidente ang kanilang panganay ni Angeli Pangilinan na si Paolo Valenciano, kabadung-kabado ang mag-asawa ng isang hatinggabi ay tumawag sa telepono si Paolo.

"Dad, the whole car is smashed up. I’m so sorry," sabi ni Paolo sa kabilang linya.

Hindi na pinatapos ni Gary ang pagsasalita ng kanyang anak at ang tinanong na lang ay kung ligtas ito.

"I’m safe, dad," sabi ni Paolo, humihingi ng paumanhin.

Noon din ay pinawi ni Gary ang alinlangan ni Paolo at sinabing ang mahalaga ay buhay siya at nagpapasalamat sila sa Panginoong Diyos na siyang nangangalaga sa kanila at sa ibang mga tao.

***

Napaka-inspirational ng mga awitin nina Gary ng gabing ’yon na itinanghal ng Fairview Fundamental Baptist Church ang palabas.

Kinanta muna ni Gary ang "Only Hope" at nagtuluy-tuloy na ang mga makabagbag-damdaming bilang na nakapagpapaalsa ng damdamin upang magmahal sa kapwa at kay Hesukrsito.

Tinapos ni Gary ang kanyang humigit-kumulang sa dalawang oras na pagtatanghal sa pamamagitan ng "Take Me Out Of The Dark" na sinabayan ng masayang pag-awit ng mga manonood na pumuno sa lugar.

Mabuhay ka, Gary!

Reply

The content of this field is kept private and will not be shown publicly.
  • Web page addresses and e-mail addresses turn into links automatically.
  • Allowed HTML tags: <a> <em> <strong> <cite> <code> <ul> <ol> <li> <dl> <dt> <dd> <object> <embed> <param> <script>
  • Lines and paragraphs break automatically.

More information about formatting options