News Update
Charles Barkley tumirada kontra konserbatibo ng US
UMIINIT ang pagtanggap ng mga mamamayan ng Estados Unidos sa rumaratsadang kampanya ng mga presidentiables ng bansa, na ngayo’y nasa homestretch na para sa magkabilang panig, ang Democrat na pinaglalabanan nina Hillary Clinton at Barack Obama, at ng Republicans na pinangungunahan ni John McCain.
Isa si Charles Barkley sa may mabigat na pasaring sa mga konserbatibo na nakaanib sa Republicans: Tinawag niya silang "mga pekeng Kristiyano."
Sinambit niya ito sa isang panayam sa CNN noong Pebrero 15. Sinabi ng dating manlalaro ng National Basketball Association na huwag nang pag-usapan ang basketbol at tanungin na lang siya kung sino ang susuportahan niya sa darating na halalang pampangulo ng US.
Aniya, dati siyang sumusuporta sa mga Republicans dahil sa paniniwalang tataasan lamang ng mga Democrats ang buwis ng mga mamamayan. Nagpalit siya ng tono dahil sa napuna niyang pagiging "pekeng Kristiyano" ng mga Republicans.
"Ayoko sa paraan ng pamumuno ng Republicans sa bansa," sabi ni Barkley. "Kapag naririnig ko ang salitang ‘conservative,’ nasusuka ako dahil sa totoo’y pekeng Kristiyano lamang sila, tulad ng tawag ko sa kanila."
Pinaalawig ni Barkley sa panayam ang kanyang paratang na "pekeng Kristiyano" ang mga Republicans. Sinagot naman ni Barkley na tingin niya ay gusto ng mga Republicans na maging Huwes at Hurado.
"Ako halimbawa ay pabor sa gay marriage. Hindi ko na papakialaman pa kung gusto ng mga bakla ma magpakasal. Pro-choice ako. At sa tingin ko, itong mga Kristiyanong ito, unang una, ay hindi dapat manghusga ng tao. Sa tingin ko, sila ang pinaka-ipokritong mga tao sa bansa. At dito ako nababagabag nang husto. Umaasta silang Kristiyano. Hindi naman sila nagpapatawad."
Tahasan din ang kanyang pagsuporta kay Barack Obama bilang pangulo dahil sa ekonomiya. "Hindi naman talaga ako maaapektuhan. Pero sinabi ko na "Mayaman ako tulad ng mga Republican" pero hindi ako bumoto ng Republican. Independiyente ako. Pero sinusuportahan ko si Barack dahil dapat kong tingnan ang malaking larawan. Ang bansang ito ay nahahati ng ekonomiya ng mahirap at mayaman, at gusto kong suportahan si Barack hanggang sa huli. Gusto ko ang lagay niya ngayon."
Hindi takot si Barkley sa mga reaksiyon na matatanggap niya sa kanyang mga komento. "Wala silang magagawa sa akin. Hindi ako nagtatrabaho para sa kanila."
May plano si Sir Charles na tumakbong gobernador ng Alabama sa 2014, ngunit hindi niya sinabi kung paano siya mangangam-panya sa naturang estado na kilala sa pagiging konserbatibo.
RSS