News Update
Ang walang kamatayang People Power
MAGANDA ang panahon para sa demonstrasyon noong Pebrero 25, ayon sa Pag-asa. Pero pagdating ng mismong araw na iyon, patigil-tigil ang ulan. At ang mahigit 6,000 nagmartsa mula Welcome Rotonda at nagprograma sa paanan ng Mendiola, basang-basa. Marami sa kanila, nagtataka sa ulan: "Nag-cloud seeding kaya si Gloria?"
Ito raw ang nausong pangontra ni dating diktador Ferdinand Marcos sa mga rali. Bago siya napatalsik sa puwesto noong Pebrero 24, 1986, palaki nang palaki na rin ang mga demonstrasyon. At sa mga panahong hindi na kinakaya ng banta at pananakot ("Lalahukan ng NPA ang mga rali") ang mga demonstrador, huling bala ni Macoy ang cloud seeding. Pero di paaawat ang bayan sa ulan.
Hindi lang ito ang pagkakatulad ng senaryo ng 1983-86 at ngayon. Bukambibig na rin ng marami ang mga katagang nakapagpanginig sa tuhod ni Macoy at lahat ng sumunod na lider na nag-astang diktador – "People Power."
Pag-aalsa ng bayan
Para kay Leah Navarro, isa sa orihinal na mga mang-aawit ng "Handog ng Pilipino sa Mundo," ang tinaguriang anthem ng "People Power 1," at lider ng grupong kontra-Arroyo na Black & White Movement, simple lang ang "People Power": "Ito ay ang kapangyarihang lumaban."
"Ibig sabihin, kapag nahaharap tayo sa isang bahay na labis ang kapangyarihan, nakukuha natin mula sa loob ang lakas para ipakita ang kakayanan nating (lumaban)," ani Navarro.
Ito ay isang diwa ng pag-aalsa, ng paglaban. Para kay Navarro, makikita ang "People Power" sa lahat ng uri ng "paglaban sa kasamaan": mula sa pagte-text at pagi-email bilang pagpapahayag ng pagtutol, hanggang sa pagmamartsa.
Pero mas matalas naman si Renato Reyes Jr., pangkalahatang kalihim ng Bayan (Bagong Alyansang Makabayan), sa pagpapakahulugan ng "People Power": "Ang People Power ay direktang pagkilos ng mga mamamayan para igiit ang kanilang interes at karapatan. Mataas na pagpapahayag ito ng demokrasya dahil ’ika nga, nasa sambayanan ang soberanya (sovereignty resides with the people)."
Demonstrasyon, o pagbuhos ng mga mamamayan sa kalsada para magprotesta at igiit ang kanilang panawagan, ang pinakakongkretong porma ng "People Power." "Siyempre, para maging epektibo ang People Power, kailangang magsama-sama ng mga tao, sa porma ng malakihang mobilisasyon," paliwanag pa ni Reyes.
Karahasan sa pag-aalsa
Paliwanag naman ni Manuel Quezon III, historyador at kolumnista, may kinikilalang dalawang "People Power" sa kasaysayan, at pareho itong dumulo sa pagpapatalsik sa nakaupong presidente. Una, noong panahon ni Marcos. Pangalawa, ang tinaguriang "Edsa Dos" na nagpatalsik kay dating Pang. Joseph Estrada sa poder noong Enero 2001.
Para kay Quezon, may dalawang katangian ang "People Power" para di masabing simpleng "mob rule", o paghahari ng magulong madla, ito. Una, kailangang nakasandig sa "prinsipyong moral" ang mga pagkilos. Ibig sabihin, may kinokondenang kasamaang nagaganap sa gobyerno. Pangalawa, dapat ito’y mapayapa.
Walang ganitong pagtatangi si Reyes. Ang mahalaga, aniya, ay ang pagkakaisa ng mga mamamayan at paglalahad nito sa pamamagitan ng malakihang mga demonstrasyon. Mapayapa ang mga martsa hangga’t hindi ginagamitan ng karahasan ng estado.
Kahit ang NPA (New People’s Army), ang hukbong nagsusulong ng rebolusyon sa pamamagitan ng armadong pakikibaka, nagdeklarang hindi aktibong lalahok sa mga protesta. Ayon kay Gregorio "Ka Roger" Rosal, tagapagsalita ng CPP (Communist Party of the Philippines) na siyang namumuno sa NPA, pinaiigting nila ang taktikal na mga opensiba para palakasin ang hanay para sa pagpapabagsak ng "buong naghaharing sistema." Inuuna nilang targetin ang mga "loyalista ni Arroyo" sa hanay ng militar.
Hindi lamang ang NPA ang di-aktibong lalahok sa "People Power." Kung masusunod lamang si Sen. Aquilino Pimentel Jr., Lider-Minorya sa Senado, dapat sana’y "tumabi-tabi na lamang" sa mga rali ang mga pulitikong tulad niya. Bagaman hindi naman niya pinagbabawalan ang mga ito na lumahok sa rali – at dapat nga ay kaisa pa sila sa mga ito – mas mabuti na raw na maging sentro ng mga pagkilos ang mga mamamayan.
Pagod na?
Sa kanyang talumpati noong Peb. 25, sinabi ni Pangulong Arroyo na magiging katawa-tawa ang Pilipinas sa mata ng mundo kung isang "People Power" ang maganap muli. Siyempre, inaasahang sasabihin niya ito dahil siya ang mapapatalsik kung sakaling mangyari ang panibagong "People Power."
Pagod na rin daw ang taumbayan sa "People Power." Ito rin ang sinabi ni Gaudencio Cardinal Rosales ng Maynila at Ricardo Cardinal Vidal ng Cebu (sinasabing kapwa may malapit na ugnay sa Pangulo): Hindi na papayag ang mga mamamayan na muling mag-alsa dahil wala namang makabuluhang pagbabago na naganap matapos ang dalawang "People Power."
Pero para kay Marie Hilao-Enriquez, pangkalahatang kalihim ng Karapatan, alyansang pangkarapatang pantao, hindi pagod ang mga Pilipino. Hindi rin daw tamang sabihing walang nakamit ang mga mamamayan sa pagpapatalsik kina Marcos at Estrada.
"Hindi dapat maliitin ang pagpapatalsik ng mga Pilipino sa isang brutal, magnanakaw at traydor na diktadura na 14 na taong sinuportahan ng imperyalismong US," sabi ni Enriquez. "Hindi rin dapat maliitin ang pagpapabagsak sa mafia boss sa Malakanyang."
Hindi rin naniniwala si Reyes sa sinasabing "People Power Fatigue." "Ngayon nga ay masigla ang kampanya mula sa iba’t ibang sektor," aniya.
Inaamin ni Reyes na marahil ay may agam-agam pa ang ilan sa publiko sa maaaring maging resulta ng bagong pag-aalsa. "Marami kasi ang frustrated matapos maluklok si Arroyo at sa naging pamamalakad ng rehimen niya. Du’n siguro nagmumula ang sinisismo," sabi pa ni Reyes. "Pero kapag nasagot naman ang mga katanungan at agam-agam, handa ang mga mamamayan na kumilos para sa pagbabago. Kapag matindi o sukdulan na ang pang-aabuso, kikilos pa rin ang mga mamamayan."
Bukas ang Bayan sa anumang magiging resulta ng pagpapatalsik – maging constitutional succession man iyan (ibig sabihin, si Bise-Presidente Noli de Castro ang papalit kay Arroyo) o isang transition council na mula sa kilusang kontra-Arroyo, basta’t magkaroon ng mas makabuluhang representasyon ang mga mamamayan sa bagong gobyerno. Pero sa ngayon, abala muna sila sa pagpapatalsik kay Arroyo.
Tungkulin ng simbahan
Paliwanag ni Quezon, dahil maituturing ang "People Power" bilang "moral na laban," madalas na nagkakaroon ng mahalagang papel dito ang Simbahan.
"Nainsulto (ni Marcos) ang kolektibong pride at moralidad ng mga mamamayan. Nagkaisa tayo sa ilalim ng Simbahan, na hindi naman dapat maging pulitikal pero lagi namang (pulitikal). Kinailangan ng isang angkop na simbolong Katoliko sa konteksto ng Asya at sapat na lakas ng militar," paliwanag pa ni Quezon.
Hindi kaiba sa nakaraang mga krisis pampulitika at kapanahunan ni Jaime Cardinal Sin, nakikilahok pa rin ang mga obispo ng Simbahang Katoliko sa kasalukuyang sigalot. Sa isang kumperensiya sa midya noong Pebrero 19, nanawagan si Obispo Angel Lagdameo, presidente ng CBCP (Catholic Bishops Conference of the Philippines), ng "bagong tipo ng People Power."
"Ang aksiyong komunal ay People Power, na nasa ibang klase na. Hindi ito pag-uulit sa nakaraan," paliwanag ni Lagdameo. "Senyales nito ang pagkilos ng ilang grupo sa pambansang kampanya laban sa korupsiyon."
Pero paliwanag ni Obispo Deogracias Iñiquez ng Kalookan, hindi na dapat asahan ang Simbahan na mamuno sa pag-aalsa tulad ng ginawa ni Sin. "Kailangang pamunuan ng taumbayan ang laban, at siguradong susunod ang ating mga obispo."
Sang-ayon si Reyes. Aniya, ito na marahil ang sinasabi ni Lagdameo na "bagong uri" ng "People Power." "Ito ang kaibahan ng People Power ngayon: Walang isang influential religious leader tulad ni Sin. Mabuti na rin at hindi umasa ang tao sa mga religious leader para sa gayon tao mismo ang magpapasya, magsusuri at kikilos," ani Reyes.
"Progresibo ang sinasabi ni Lagdameo kaugnay ng bagong People Power."
Inaamin ni Reyes na marami pang kailangang gawin bago maisakatuparan ang tunguhin ng bagong "People Power" na patalsikin si Arroyo. Pangunahin dito ang pagpapalakas ng kanilang mga hanay at lalong pagpapalapad ng kilusang kontra-Arroyo.
Bagamat inaaashan ng Bayan na malakihang demonstrasyon ang porma ng "People Power" na pinakaposibleng magpatalsik kay Arroyo, kailangan ang marami pang pagkilos na magpupukaw sa marami pang mga mamamayang hindi pa lumalahok sa laban. Mula sa mga maliliit na ekspresyon ng pagtutol, hanggang sa paglahok sa rali tulad ng naganap noong Peb. 25, kailangan umano ng unti-unting paglaki ng hanay. Ito ang sikreto ng bawat matagumpay na "People Power" sa bansa.
At kapag dumating ang hinihintay na araw na iyon, hindi na mapipigilan ng pekeng ulan ang pagbuhos ng mga mamamayan sa lansangan.
May ulat nina Therese Co, Abigail Moreno, Winshayna Young, Gelo Villar, Michelle Mediana at Nicole Acala
| • Kabataan ang nangungunang puwersa sa pagbabago - Lozada |
| NATSAMBAHAN ng PINOY WEEKLY si Rodolfo Noel "Jun" Lozada Jr., ang nangungunang testigo sa kontrobersiyal na kontratang National Broadband Network sa ZTE Corp., sa pangalawang palapag ng UP Law Center noong Peb. 22, habang naghihintay na magtalumpati sa harap ng humigit-kumulang 1,000 estudyante mula sa UP, Ateneo, UE at iba pang paaralan. Sa gitna ng pagpapakuha ng larawan ng mga tagatangkilik na empleyado ng UP Law Center, nakapagbato kami ng ilang tanong. Ito ang ilan sa mga sagot niya: PW: Ano ang reaksiyon ninyo sa suportang nakukuha n’yo sa UP, Ateneo, atbp.? JL: In English, it is humbling, Sa Tagalog, nakakataba ng puso, kasi pagdating ko rito, puro problema na hinaharap ko. ’Yun bang it keeps me going. PW: Nakakapagpalakas ba sa family ninyo ang mga ganito? JL: Oo, parang it strengthens ’yung tired body. It lifts up your broken spirits. PW: Ano ang natutunan ninyo sa karanasang ito? JL: Talagang nasosorpresa ako. Kasi dati, talagang I’ve always thought the youth has been indifferent to what is happening to the country. And one thing that keeps me going, na nakikita ko ang mga estudyante, nakikialam na. So this is a pleasant surprise. Yung pagpapahalaga sa ginawa ko, kayo na ang bahala doon. Kapag sa mga nasaksihan at napanood ninyo, at sasabihin ninyo na itong si Lozada, mawawala rin iyan, iyan po ang pagpapahalaga ninyo sa ginawa ko. Pero kung matapos ang inyong nasaksihan at inyo pang masasaksihan at sinabi ninyong ako ay kikilos at iwawaksi ang bulok na sistema na nagtutulak sa kahirapan sa ating mga kababayan ang ibig sabihin po noon sa akin ay pinahalagahan po ninyo ang aking nagawa. Ang inyong pagkilos ay kinakailangang ngayon na. PW: Ano ang masasabi ninyo sa pagsalita ni Erwin Santos (ang pumalit kay Lozada sa katungkulan niya sa Philippine Forest Corp.) kaugnay ng katiwalian daw ninyo? JL: Ayaw kong personalin. Marami pa sigurong mga Erwin Santos na ibabato sila sa hinaharap. PW: Ano ang mga plano pa ninyo sa hinaharap? JL: Ang mga plano ko, magpatuloy pa rin sa pagsiwalat ng katotohanan. Magsalita sa mga pagkakataong tulad nito. KR Guda |
• Mga ekonomista ng Ateneo, ‘nagngangalit’ kay Gloria |
| NAGNGANGALIT kami sa mga isiniwalat ni Engr. Rodolfo Noel Lozada, Jr. sa pagdinig ng Blue Ribbon Committee ng Senado noong 8 Pebrero 2008 tungkol sa overpriced na proyektong NBN-ZTE. Una sa lahat, walang malinaw na batayang pampubliko ang proyekto. Nadidismaya kami sa ibinunyag ni G. Lozada na iniutos ni dating Tagapangulong Benjamin Abalos Sr. ng Comelec, at nang diumano’y sangkot si Unang Ginoo Jose Miguel Arroyo, ang pagsingit sa panukalang proyekto ng malaking halaga ng kickback, na umaabot sa $130 Milyon (o mahigit P5.2 Bilyon). Sapat na halaga ito para pawiin ang taunang backlog sa klasrum ng mga paaralang pampubliko, o bumili ng 5.8-M sako ng bigas-NFA, o kaya’y tiyakin ang batayang mga pangangailangan ng 29,000 maralitang pamilya sa loob ng isang taon. Sa madaling salita, masyadong marami ang isinasakripisyo para sa kasakiman ng iilan. Nagagalit kami sa patuloy na pagtatangkang pagtakpan ang maanomalyang sirkumstansiya ng proyekto, kasama na ang diumano’y pagdukot kay G. Lozada para hadlangan siyang tumestigo sa Senado. Iginigiit naming tanggalin ng gobyerno ang EO 464 at paggamit sa pribilehiyong ehekutibo para pahintulutan ang pampublikong mga opisyal na mayroong kaalaman sa transaksiyon na tumestigo sa publiko hinggil sa sirkumstansiya ng kasunduan. Iginigiit naming ilabas ng Neda ang mga tala ng mga pulong na nagpahintulot na maiproseso ang kontrata. Dahil sa katangian ng trabaho ng Neda sa pambansang pagpaplanong pang-ekonomiya na isulong ang pambansang pag-unlad at pampublikong kagalingan (at hindi para sa pribado o indibidwal na mga interes), pampublikong mga dokumento ang mga katitikang ito. Gusto naming isiwalat ni Sek. Romulo Neri – isang gradweyt ng Ateneo High School at diumano’y matatag na tagapagsulong ng mga reporma para pawiin ang transaksiyunal na pulitika at paghahari ng mga oligarkiya sa bansa – ang lahat ng kanyang nalalaman hinggil sa isyu. Ito ang hinihingi ng efficiency at pagkakapantay-pantay. Nasusuklam kami sa kagawian ng administrasyong ito sa pagpasok sa lihim na mga kasunduan at pagsangkot sa mga prosesong hindi transparent sa pagsusulong at pagkontrata ng malalaking proyektong pang-imprastruktura, lalo na ang mga programang pinopondohan ng mga donor, taliwas sa mga prinsipyo ng matapat na pamamahala. Tinatawagan namin ang mga kaibigan at katrabaho sa gobyerno, lalo na ang mga nagtapos sa ating pamantasan, at ang ibang sektor na tumulong sa pagsisiwalat ng katotohanan tungkol sa iba pang inaakusang iregular na kontratang pinasok ng tiwaling pampublikong mga opisyal, kasama na ang eskandalo sa abono, ang eskandalo kaugnay ng mga libro ng Tesda at ang proyektong North Rail. Hinihikayat namin si Gloria Macapagal-Arroyo – aming kapwa-ekonomista, alumna at dating katrabaho sa Ateneo – na maglahad nang buo at sagutin ang lahat ng anomalya sa kanyang administrasyon para pigilan ang pagdausdos ng ating bansa sa isa na namang krisis na pampulitika at pang-ekonomiya. Ang totoo, nadidismaya kami na hindi pa ginagamit ni Gng. Arroyo ang masaklaw na kapangyarihan ng Pangulo para tiyaking hindi lamang nasasawata ang matinding katiwalian sa gobyerno, kundi napaparusahan din, na napatindi lamang ng mga iregularidad na ito ang pampulitikang instabilidad at kawalang-katiyakan sa bansa. Nadidismaya rin kaming ginamit ng Pangulo ang masaklaw na mga kapangyarihang ito para isulong ang pribadong kasakiman, kasama na ang maka-Machiavelli na pagbili sa mga kongresista, gobernador at lahat ng nakakahadlang. At ang nakakalungkot, pinapaguho ng mga abusong ito ang kahulugan at pagiging lehitimo ng pagiging Pangulo. Kung hindi niya buung-buong mailalahad at maipapaliwanag ang mga anomalya at tiwaling praktika sa kanyang administrasyon, ang pinakamarangal na puwede niyang gawin ay ang magbitiw sa pagkapangulo. Sa pagwawakas, pampubliko kaming nangangakong tatalima sa panawagan ng mga Obispong Katoliko para sa mga aksiyong komunal sa pagsuporta sa mga aktibidad na magtataguyod ng transparency, pananagutan at matapat na pamamahala, at nananawagan kami sa aming mga kapwa-siyentistang panlipunan at akademiko na suportahan ang adbokasiyang ito. Nangangako kaming ipaparinig ang aming tinig sa pamamagitan ng paglahok sa iba’t ibang paraan ng mapayapa at di-marahas na mobilisasyong pampulitika. Fernando T. Aldaba, Cristina M. Bautista, Germelino M. Bautista, Edsel L. Beja, Jr., Diana U. del Rosario, Luis F. Dumlao, Cielito F. Habito, Leonardo A. Lanzona, Joseph Anthony Y. Lim, Romelia I. Neri, Ellen H. Palanca, Malou A. Perez, Joselito T. Sescon, Tara Sia-Go, Patrick Gerard C. Simon-King, Rosalina P. Tan, Philip Arnold P. Tuaño |

RSS