News Update
Mensahe ng Lakbayan: ‘Panunupil, wakasan na’
PAGKONDENA sa ibayong panunupil at pandarahas sa hanay ng organisadong mga manggagawa at mga mamamayan ang mensahe ng Lakbayan, ayon sa Pamantik-KMU (Pagkakaisa ng Mangagawa sa Timog- Katagalugan- Kilusang Mayo Uno).
Ang Lakbayan ay limang araw na paglalakbay ng mga manggagawa mula sa iba’t ibang unyon sa Timog katagalugan mula sa naturang lugar patungong Kamaynilaan.
Noong Martes, mainit na sinalubong naman ng mga taong-simbahan ang Lakbayan sa simbahan ng Baclaran kung saan idinaos ang isang gabi ng pagkakaisa at misa para sa mga mangagawa.
Naglunsad sa Baclaran ang mga manlalakbay ng mga progama sa tapat ng pabrika ng Nestle sa Cabuyao, Laguna gayundin sa Santa Rosa City Plaza, Biñan, Pacita Complex at palengke ng San Pedro, Laguna.
Ayon kay Romeo Legaspi, pangkalahatang kalihim ng Pamantik, pangunahing tampok sa Lakbayan ang pakikibaka ng mga manggagawa ng Nestle, Nissan at Toyota sa ilalim ng “peke, pasista at kurakot na administrayong Arroyo.”
Dagdag pa ni Legaspi, patuloy na nagpapasailalim ang gobyerno sa interes ng mga banyagang mangangalakal.
Hanggang ngayon, hindi pa rin kinikilala ng gobyerno ang paborableng desisyon ng Supreme Court sa mga manggagawa ng Nestle at Nissan noong 2006, patunay lamang ng pagiging inutil ng kasalukuyang gobyerno.
Magsasaka, nagkakaisa rin vs Arroyo
Samantala, nanawagan ang KMP (Kilusang Magbubukid ng Pilipinas) sa mga miyembro at kaalyado nito na tuyain at ipanawagan ang pagbaba sa puwesto ni Arroyo saan mang probinsiya magpunta ang pangulo.
Sinabi ito ng KMP isang araw matapos ang pagsigaw ng kabataang aktibista na nananawagan ng pagpapatalsik kay Arroyo sa pagdalo ng pangulo sa isang seremonya sa Calamba, Laguna.
Ayon kay Rafael Mariano, tagapangulo ng KMP, isa sa mga paraan ng pagpapahayag ng pagkadisgusto kay Arroyo ang kampanyang ito.
Dagdag pa niya, unang bahagi pa lamang ito ng kanilang kampanya sa mga probinsiya upang ipakita na malaking bahagdan ng mga magsasaka ang humihiling na bumaba na sa puwesto ang Pangulo. Sisiguraduhin umano nilang ngayon na maririnig na ito ni Arroyo.
Makikipagtulungan din ang kanilang mga pangkat sa mga lokal na yunit ng gobyerno na nakikiisa sa kanilang panawagan para malaman ang iskedyul ng Pangulo.
Nanawagan pa si Mariano nang agarang paglaya ng mga inaresto dahil ginamit lamang nila ang kanilang kalayaan sa pamamahayag. Aniya, dapat nang itigil ni Pangulong Arroyo at ng mga pulis ang pandarahas sa mga humihiling ng kanyang pagbaba sa puwesto.
RSS