News Update
Mga Isla ng Kalayaan
"MGA ISLA ng Kalayaan" ang opisyal na pangalan ng Spratly Islands sa Pilipinas. At sa pagsasanla nito ng gobyernong Arroyo sa Tsina, higit pa sa kapirasong mga isla ang nawala sa bansa. Kalayaan na nga, pati ang ating soberanya, ang tuluyang ipinagkanulo ni La Gloria.
Matagal nang itinatago ng administrasyon na nakipagkasundo ito sa Tsina para sa eksplorasyon ng dalawang bansa sa mga reserbang langis sa Spratlys. Taong 2003 noon; iniiwasan nila marahil na maisapubliko ang kasunduan para hindi na maging usapin sa halalang 2004 kung saan nakasalang ang pagkapangulo ni La Gloria. Ang malinaw, itinulak ang pag-apruba nito ng mga galamay ni La Gloria kahit tutol diumano ang mismong Ombudsman nito na si Merceditas Gutierrez. Duda si Gutierrez na tapat sa interes ng bansa at sa Saligang Batas ang kasunduan.
Kung naeskandalo ang taumbayan sa $130 Milyong suhol diumano sa Pangulo, sa asawa nito, at sa mga alalay nito sa kasunduang National Broadband Network, mas dapat ikagulat ang kasunduang para sa Spratlys. Ayon sa mga ulat, nangako ang Tsina ng taunang pautang na $2 Bilyon sa gobyernong Arroyo kapalit ng eksplorasyon ng langis sa mga isla. Hanggang 2010 ang kasunduan, at dahil utang ito, papasanin ng taumbayan ang pagbabayad sa kabuuang $8-B na gastos sa eksplorasyon.
Hindi nakapagtataka na Tsina pa rin ang kasundo ng rehimen ni La Gloria sa Spratlys. Sinasabing kumpara sa ibang bansa na inuutangan ng gobyerno ng Pilipinas, Tsina ang isa sa pinakamaluwag sa mga hinihingi nitong rekisito bago makautang. Mas madaling kasundo, mas madaling utangin, mas madaling hingan ng suhol.
Hindi nakakagulat, kung gayon, kung bakit marami sa kontrobersiyal na mga proyekto ng pamahalaang ito – mula Northrail hanggang Southrail, cyber education hanggang mga proyektong pang-agrikultura – panay Tsina ang kasundo ni La Gloria. Kung palalalimin ang pag-aaral sa mga kasunduang ito, malalamang halos sabay-sabay pang nilagdaan ng Tsina at Pilipinas ang marami sa mga ito noong Setyembre 2004.
Pero sa totoo lang, ambon lamang sa Malakanyang at mga basalyos nito ang bilyun-bilyong nakukuhang suhol diumano mula sa Tsina. Ang naturang bansa pa rin ang pangunahing makikinabang sa kasunduan sa Spratlys. Bukod sa lumalakas ang pag-angkin nila sa mga islang ito at sa likas na yaman nito, napapalawak pa ng Tsina ang pampulitika at pang-ekonomiyang impluwensiya nito sa rehiyon.
Kailangang singilin si La Gloria sa kasunduang ito, at sa marami pang iba. Matagal na niyang ibinukas ang bansa sa pagbuhos ng tropang Kano sa ngalan daw ng giyera "kontra-terorismo." Matagal nang ibinuyangyang ng pamahalaang ito sa pinakamurang halaga ang ilang natitira pang likas na yaman natin sa bisa ng samu’t saring batas tulad ng Mining Act of 1995 at National Fisheries Code of 1998.
Mabuti’t nabubulgar ngayon si La Gloria hindi lamang bilang nangungunang mandarambong ng kabang-yaman ng bansa kundi nangunguna ring bentador ng pambansang kapakanan. Madaragdagan lamang ang ngitngit ng taumbayan na matagal nang naghahangad ng makabuluhang pagbabago hindi lamang sa liderato kundi sa pamamaraan ng pagpapatakbo sa gobyerno. Hangad nila, higit sa lahat, ang isang bansang masagana at progresibo – isang "kapuluan ng Kalayaan." (KRG)
RSS