News Update
Panalo sa papel
PANALO ang mga manggagawa sa kaso laban sa korporasyong kanilang dating pinagtatrabahuan. Ngunit hindi makapagpa-sheriff ang mga manggagawa dahil sarado na ang korporasyon at wala na itong pag-aari na maaaring gamiting pambayad sa utang nito. Sa ganitong pagkakataon, maaari bang baguhin ang desisyon para maisama ang mga opisyal ng korporasyon upang personal silang managot sa utang nito sa mga manggagawa? Ang sagot sa tanong na ito ay matunghayan sa kasong "Mandaue Dinghow Dimsum House, Co., Inc., and/or Henry Uytengsu versus National Labor Relations Commission, et. al.", (GR No. 161134) na dinesisyunan ng Korte Suprema noong Marso 3, 2008.
Sa nasabing kaso, nagtatrabaho bilang waitress, helper, o food handler ang ilang manggagawa sa isang malaking kainan. Korporasyon ang may-ari ng kainang ito. Kalaunan, dahil nalulugi na diumano ito, nagsara ang nasabing kainan.
Nagdemanda ang mga manggagawa. Idinemanda nila ng kasong illegal dismissal sa tanggapan ng Labor Arbiter ang korporasyon kasama ang general manager nito.
Sa naging hatol ng Labor Arbiter, inutusan niya ang korporasyon na bayaran ang separation pay ng mga manggagawa. Ganu’n pa man, inabsuwelto niya ang general manager nito sa dahilang hiwalay ang personalidad ng korporasyon sa mga taong bumubuo rito at hindi maaaring panagutin ang huli sa kasalanan ng korporasyon.
Nag-apela sa NLRC (National Labor Relations Commission) ang mga manggagawa. Iginiit nilang bukod sa korporasyon ay dapat ding panagutin ang general manager nito. Subalit kinatigan ng NLRC sa kanyang desisyon ang Labor Arbiter. Tama daw ang naging pasya nito na huwag papanagutin ang general manager.
Naging final and executory ang desisyon at kumuha na ng writ of execution ang mga manggagawa para ipatupad ito. Subalit wala na silang makitang ni anumang ari-arian ng korporasyon. Dahil dito, hiningi nila sa Labor Arbiter na kung maaari ay pati ang general manager at ang iba pang opisyal ng korporasyon ay pagbayarin. Sinabi nilang ito lamang ang paraan para maipatupad ang desisyon. Nakumbinsi nila ang Labor Arbiter at agad siyang naglabas ng writ of execution laban sa general manager at iba pang opisyal ng korporasyon.
Nakakita ang mga manggagawa ng pera sa bangko sa pangalan ng general manager at agad nila itong ipinakuha sa sheriff. Nagreklamo naman ang general manager sa Labor Arbiter ngunit hindi siya pinagbigyan. Hindi rin niya nakumbinsi ang NLRC at Court of Appeals na ibalik sa kanya ang kanyang pera.
Napilitang dalhin ng general manager sa Korte Suprema ang kaso.
Nagpasya ang Korte Suprema na hindi dapat managot ang general manager sa pagkakautang ng korporasyon. Ayon sa Korte Suprema, tapos na ang desisyon ng NLRC. Nang iapela ng mga manggagawa ang kanilang kaso, nagdesisyon ang NLRC na hindi kasali sa mananagot sa separation pay ang general manager. Tanging ang korporasyon lamang ang inutusan ng NLRC na magbabayad sa separation pay na ito.
Kung may reklamo ang mga manggagawa sa desisyon ng NLRC, dapat umakyat sila sa Court of Appeals. Ngunit hindi nila ito ginawa, pansin ng Korte Suprema. Sa katunayan, naging final and executory na ang nasabing desisyon.
Ang isang desisyon na naging final and executory na ay hindi na dapat baguhin, paliwanag ng Korte Suprema. Gaano man kasama ang isang desisyon, kailangan itong sundin kapag tapos na ang kaso.
Ang pagsali sa general manager bilang isa sa mananagot sa separation pay ng mga manggagawa ay pagbabago ng desisyon. Ito ay hindi pinapayagan ng ating batas.
Lumalabas na hanggang papel na lamang ang panalo ng mga manggagawa dahil sarado na at wala nang perang pambayad sa kanila ang korporasyon. Naiwasan sana ito kung patuloy nilang inapela ang desisyon.
RSS