News Update

Mga mito, kasinungalingan at kalahating katotohanan (Unang bahagi)

Carol Pagaduan Araullo

IILAN lamang ang argumento na lagi nating naririnig kung bakit sinasabing mali, masama para sa bansa, at iresponsable ang manawagan ng pagbibitiw o pagpapatalsik kay Gloria Arroyo, presidenteng de facto. Subukan nating saguting isa-isa ang mga ito.

Argumento 1: Walang katulad ang pag-unlad ng ekonomiya. Di makakabuti ang pagpapalit ng gobyerno sa ekonomiya ngayon sa anumang paraan –dahil sa malilikhang klima ng instabilidad at kalituhan, gayundin ang posibleng magulong pamamahala ng isang hindi angkop na Punong Ehekutibo.

Sakaling may pang-ekonomiyang pag-unlad nga, hindi iyon dama ng mayorya ng sambayanan. Sa estadistika sa kahirapan para sa 2004-2006 ng National Statistical Coordination Board, 4.7 milyong pamilya, o 26.9% ng kabuuan, ang maralita noong 2006 – tumaas mula 4 milyon o 24.4% noong 2003. Ang "maralita" ay yaong walang palagiang minimum na batayang rekisitos tulad ng pagkain, damit, tirahan, edukasyon at kalusugan.

Pinapabulaanan ng Ibon Foundation, independiyenteng think-tank, ang datos ng gobyerno sa hanapbuhay. Naibsan ang disempleyo di dahil ang ekonomiya ay nakalikha ng maraming trabaho kundi dahil minanipula ang estadistika. Binago ang kahulugan ng "disempelyo" para di maisama sa kuwenta ng puwersa ng paggawa ang mga nawalan na ng pag-asang magkatrabaho. Ang epekto ng metodolohiyang ito noong 2007: Grabeng bumaba ang tantos ng paglahok sa puwersa ng paggawa – o ang porsiyento ng populasyon na 15 anyos pataas na nasa puwersa ng paggawa – patungong 64% mula sa 66.5% sa tradisyunal na pakahulugan ng NSO sa kawalang trabaho. Ang resulta: Mahigit 1 milyong walang trabaho ang nabura sa talaan. 

Pero ang totoo: Di totoo ang pagyayabang ng gobyerno na malusog at lumalago ang ekonomiya. Di masustine at pinalobo ang paglago ng GDP/GNP, repleksiyon ng labis na pagsandig sa mga remitans ng mga OFW; paggastos ng gobyerno na bahagi ng pagsandig sa mga pautang, kasama na ang para sa mga proyekto ng official development aid na batbat ng korupsiyon; tuluy-tuloy na pagliit ng produktibong mga sektor ng ekonomiya, partikular ang manupaktura at agrikultura.

Ang tila pag-unlad ng katayuang pampinansiya ay resulta rin ng pagpapataw ng pinataas na 12% Vat at iba pang di-direktang buwis, hindi ng pagsulong sa koleksiyon ng buwis lalo na ng mga taripa sa adwana at buwis ng malalaking korporasyon at mayayamang indibidwal, kasama na ang mga opisyal ng gobyerno.

Bagamat ang kalagayang pampinansiya ay pinagaganda ng minsang pagpapasubasta sa mga pag-aari ng gobyerno, makitid ang patakarang ito. Ang nakakabahala, katumbas ng mahigit P90 Bilyong kinita sa pagbebenta ng mga ari-arian noong nakaraang taon ang lahat ng kinita sa pribatisasyon ng tatlong nakaraang administrasyon. 

Sa kabilang banda, ang paglakas ng piso ay resulta sa pangunahin ng paghina ng dolyar, na nagpapalakas naman sa lahat ng salapi sa buong mundo – ng mauunlad na bansang kapitalista man o atrasado at maldeveloped tulad ng Pilipinas. Malaking kahangalan ang sabihin ng rehimeng Arroyo na resulta ito ng mga hakbangin nito.

Ang totoo, ang walang kaparis na pagre-remit ng dayuhang salapi ng mahigit 8 milyong Pilipino sa ibayong dagat ang pangalawang mayor na sanhi ng paglaki ng kabuuang reserbang internasyunal at ng paglakas ng piso. Sa kasamaang palad, dahil sa katangian ng ekonomiya – nakasandig sa import at nakatuon sa eksport – hindi nangangahulugang mabuti sa ekonomiya ang malakas na piso. Patunay nito ang pagliit ng kakayahan ng mga pamilyang OFW na bumili ng mga pangangailangan nila, at ang kumikitid na pamilihan para sa mas mahal nang mga produktong pang-eksport ng bansa.

Tuwing sinasabi ng mga lider-pampulitika, manedyer na pang-ekonomiya at sosyo-ekonomikong elite na mahusay ang takbo ng ekonomiya, na ang tanging problema ngayon ay kung paano titiyaking tumatagos ang pakinabang sa mga maralita, kailangang ipakitang mayroon nang malaking agwat sa kita at kawalan ng pagkakapantay-pantay sa lipunan simula pa noong isilang ang republikang ito, na napalala ng diktadurang Marcos at lalo ng sumunod na mga rehimen. Hindi ito kagustuhan ng Diyos o kalikasan ng mga bagay kundi kagustuhan ng sosyo-ekonomikong elite at ng mga gobyernong kontrolado nito na panatilihin ang kalakarang pabor sa kanila.

Ang ginagawa ng administrasyong Arroyo ay pag-ulit sa dati at paggawa ng mas masahol. Kunwari’y ibinabalik nito, sa porma ng pamimigay (mga trabahong mababa ang kita at walang seguridad, pabahay na mababa ang kalidad at bagsak sa mga pamantayan, pantulong sa pagkain) ang kinukuha nitong bilyun-bilyong piso sa di-tahas na mga buwis tulad ng Vat at pasaning dayuhang pautang, tulad ng huling bugso ng mga proyektong ODA na pinondohan ng mga Tsino, na babayaran paglaon ng mga mamamayan. Sinasayang ang mga ito pagkatapos sa nakakabaliw na graft and corruption (NBN-ZTE at iba pang eskandalo, pandaraya sa halalan, panunuhol at pulitika ng pamamatron para bilhin ang katapatan ng mga kongresista at opisyal ng lokal na pamahalaan) at maaksaya at maling mga priyoridad (ang pagbabayad sa pasaning utang panlabas, pinalobong pondo ng militar at pulisya, hindi nao-audit na "pondo para sa paniktik" at ang mga pangingibang-bansa ni Gng. Arroyo).

Pinaikling salin ng orihinal na Ingles na nailathala sa Business World 8-9 Marso, 2008

Reply

The content of this field is kept private and will not be shown publicly.
  • Web page addresses and e-mail addresses turn into links automatically.
  • Allowed HTML tags: <a> <em> <strong> <cite> <code> <ul> <ol> <li> <dl> <dt> <dd> <object> <embed> <param> <script>
  • Lines and paragraphs break automatically.

More information about formatting options