News Update
Ingat sa pekeng trabaho sa UK – DFA
NAGBABALA ang DFA (Department of Foreign Affairs) sa mga nagnanais na maging OFW (Overseas Filipino Workers) na mag-ingat sa lumalaganap na maanomalyang mensahe sa e-mail, na humihikayat sa isa na mag-aplay ng trabaho sa UK (United Kingdom).
Ayon sa DFA, may ulat silang natanggap mula sa Embahada ng Pilipinas sa London, na nagsasabing may ilang sindikatong ginagamit ang internet para sa kanilang operasyon.
Sinabi ng DFA na nagkukunwaring mga opisyal ng BIA (British Border and Immigration Agency), ang yunit ng British Home Office na may kinalaman sa ugnayang panlabas sa UK, at iniengganyo ang biktima na magsumite ng kanyang papeles at magbayad ng itinatakda nilang halaga.
Bagaman nagtataglay ng lehitimong street address ng BIA ang sulat, ani Edgardo Espiritu, embahador ng Pilipinas sa UK, gumagamit naman ito ng isang e-mail address na nilikha sa isang komersiyal na internet at e-mail provider.
Ayon pa kay Espiritu, idinadawit din ng mga miyembro ng sindikato ang iba pang ahensiyang Pilipino at Briton, para mapaniwala ang kanilang bibiktimahin.
"Ang siste, kapag nakapagbayad na ang biktima ng halagang hinihingi nila sa pamamagitan ng money transfer, saka lamang nilang malalaman na peke pala iyong liham at maging iyong sinasabing ahensiya," ani Espiritu.
"Kung pinagbabayad kayo, bago kayo i-deploy o paalisin, pinapayuhan namin ang publiko na magdalawang-isip hinggil sa transaksiyon. Maging mapaghinala at agad na itigil ang pakikipag-ugnayan sa nagpapanggap na rekruter," pahayag ng DFA.
Dagdag pa ng DFA, dapat na makipag-ugnayan muna ang aplikante sa Philippine Overseas Employment Administration, para alamin kung tunay o peke ang patrabahong iniaalok sa kanila nang hindi "madapa" ang kanilang pera.
Ss kasalukuyan, nasa 200,000 Pinoy ang nagtatrabaho ngayon sa UK bilang mga nars at mga caregiver o tagapag-alaga ng may mga sakit.
Samantala, noong Pebrero 8, isang kasunduan ang nilagdaan sa pagitan ng Pilipinas at Canada hinggil sa pagpapadala at pagpapatanggap ng mga Pilipinong manggagawa sa Manitoba, isang estado sa Canada.
Batay sa 20-pahinang dokumento na nakalap ng Pinoy Weekly sa POEA, itinatakda ng MOU (Memorandum of Understanding), ang mga patakaran hinggil sa pagtanggap ng bagong mga trabahador sa Manitoba, mula sa kakailanganing dokumento, hanggang sa pangangalaga sa kapakan ng mga manggagawa.
Ayon kay Sek. Arturo D. Brion ng Paggawa, sa pamamagitan ng bagong MOU, makatitiyak ang mas magandang ugnayang pang-paggawa sa pagitan ng Pilipinas at gobyerno ng Manitoba.
RSS