News Update

Bangayan sa Simbahang Katoliko : Pulitika sa pamamastol

Soliman A. Santos
Obispo Angel Lagdameo ng Jaro, Iloilo

SUNUD-SUNOD ang pamamaslang sa mga aktibista at sibilyan noon sa iba’t ibang bayan ng Bulacan. Isang araw noong Nobyembre 2005, nakatanggap si Fr. Rolly de Leon, kura-paroko ng St. Andrew Parish Church sa Norzagaray, Bulacan, ng isang mensahe sa papel na inilaglag sa collection bag ng kanyang simbahan: "Isang babala para sayo: Ikaw na ang isusunod!"

Tagapagsalita ng Almma (Alyansa ng Mamamayan para sa Pantaong Karapatan), alyansang pangkarapatang pantao sa Bulacan, si Fr. Rolly.

Dahil dito, nagsampa si Fr. Rolly ng reklamong impeachment laban kay Pangulong Arroyo noong Hulyo 2006. Bilang pari at tagapagtanggol ng karapatang pantao, saksi siya sa sistematikong pang-aabuso ng militar sa mga sibilyan sa ngalan ng "giyera kontra-insurhensiya." Kailangan umanong managot si Arroyo.

"Hindi hiwalay sa Simbahan ang gawain sa pangangalaga ng karapatang pantao," sabi ni Fr. Rolly.

Ganoon din ang karanasan ni Sr. Cecile Ruiz. Matagal nang aktibong tagapagtanggol ng karapatang pantao ng Karapatan sa Gitnang Luzon si Sr. Cecile, kung kaya di na siya nakapag-aktibo sa pagiging madre.

"Tumutugon ako sa mga biktima at mga kaanak nila. Karaniwan, dokumentasyon. Pero meron ding QRT (Quick Reaction Team), para sa mabilisang pagpunta sa presinto o detatsment kung may dinukot," sabi ni Sr. Cecile.

Dahil sa mga naranasan at nasaksihan nina Fr. Rolly at Sr. Cecile, natural lamang na manawagan sila ng pagbaba sa puwesto ni Arroyo. Pero iilan lamang sila sa mga alagad ng Simbahang Katoliko na ganito ang posisyon. Noong nakaraang linggo, naglabas ng pahayag ang CBCP (Catholic Bishops’ Conference of the Philippines) na hindi nananawagang magbitiw si Arroyo.

"Kung pag-aaralan lang (ng mga obispo) ang rekord ng karapatang pantao ng gobyernong ito…," sabi ni Fr. Rolly.

Pulitika sa kanilang hanay

Dahil sa pakikisangkot ng mga taong- simbahan sa People Power 1 at 2, hindi maiwasang mapag-usapan ang Simbahang Katoliko sa gitna ng maiinit na usaping pampulitika sa kasalukuyan.

Noong Pebrero 26, inasahan ng marami na titindig ito pabor sa pagpapatalsik kay Arroyo. Kaya di nakakapagtaka kung bakit nadismaya ang mga nagkakampanya para sa pagpapatalsik kay Arroyo, sa "malabnaw" na pahayag ng CBCP (Basahin ang kaugnay na artikulo).

Kabilang ang Bayan (Bagong Alyansang Makabayan) sa nadismaya sa CBCP. "Mula umpisa, sistematikong itinatago ni Arroyo at ng kanyang mga kasabuwat ang katotohanan sa publiko. Nagtataka kami kung paano napalampas ng CBCP ang lantarang pagtatakip sa eskandalong National Broadband Network," ayon sa Bayan.

Ayon sa ilang impormante ng Pinoy Weekly na nakadalo sa ilang pulong sa pagitan ng CBCP at mga grupong militante bago ilabas ang pahayag, may matinding hidwaan sa pagitan ng mga obispo hinggil sa panawagang magbitiw sa puwesto si Arroyo. Gayunman, napagkasunduan nilang tumindig sa iisang posisyon matapos magbotohan para hindi masabi sa publiko na hati ang Simbahan.

Sa panayam ng Pinoy Weekly, sinabi ni Arsobispo Oscar Cruz ng Lingayen-Dagupan, na sa kasalukuyan, may pitong obispo na aktibong nananawagan ng pagbitiw ni Arroyo. Kabilang siya dito, si Obsipo Antonio Tobias ng Novaliches, Obispo Emeritus Antonio Labayen, Obispo Deogracias Iñiquez ng Kalookan, at si Obispo Angel Lagdameo, presidente ng CBCP.

Sa kabilang banda, di hamak na mas marami ang mga obispong miyembro ng CBCP na maituturing na "konserbatibo" at lumalaban sa pagtindig ng organisasyon para sa pagbibitiw ni Arroyo. Sa kasagsagan ng eskandalong NBN-ZTE, 12 obispo mula sa Hilagang Luzon sa pamumuno ni Arsobispo Diosdado Tamalayan ng Tugegarao ang nanindigan laban sa panawagang magbitiw. Labing-walong obispo naman mula sa Mindanaw, sa pamumuno ni Obispo Juan de Dios Pueblos ng Butuan, ang nagdeklara ding lalabanan nila ang naturang panawagan.

Sinabi ni Cruz na sinusuportahan din naman niya ang pahayag ng CBCP. Gayunman, naniniwala siyang marami pang obispo ang ayaw na sa Pangulo pero tumatanggi pang magsalita. "May iba sigurong ayaw na sa Pangulo pero nananatiling tahimik," dagdag ni Cruz.

Waring isang halimbawa na si Arsobispo Paciano Aniceto ng San Fernando, Pampanga nang bigyang-diin nito sa misang dinaluhan ni Pangulong Arroyo noong Marso 8 ang panawagan ng CBCP sa paghahanap ng katotohanan at panlipunang konsensiya sa pambansang pamahalaan.

Ang duda ni Cruz, may kinalaman ang Malakanyang sa patuloy na pagkakahati ng CBCP. Binatikos niya ang miting kamakailan na ipinatawag ng Malakanyang kasama ang ilang obispo na hindi naman kumakatawan sa CBCP.

Binatikos kamakailan ang ilang obispo na nakakatanggap ng mga donasyon mula sa ilang ahensiya ng gobyerno tulad ng PCSO (Philippine Charity Sweepstakes Office), na nasa ilalim ng Tanggapan ng Pangulo. Bago sumiklab ang krisis pampulitika noong Pebrero, naglabas ang PCPO ng P1.6 Milyong "donasyon" sa diyosesis ng Bayombong, at P2.5 Milyong ad placement sa Radio Veritas, opisyal na estasyong pangradyo ng Simbahan.

Itinatanggi ng CBCP na may kinalaman ang mga "donasyong" ito sa pagtanggi nila na manawagang magbitiw si Arroyo.

Maaari pang magbago

Para naman kay Obispo Deogracias Iñiquez, isa sa mga obispong aktibong nananawagan ng pagbibitiw ni Arroyo, maaari namang magamit ang pahayag ng CBCP para igiit ang katotohanan sa kasalukuyang krisis.

"Sinasabi sa [pahayag] na tayong mga obispo ay mga pastoral leader, ibig sabihin, tayo’y gagabay, mamumuno at maglilingkod sa sambayanan sa pamamagitan ng paglilinaw sa mga aspektong moral at isyu na kailangang ilinaw," sabi ni Iñiquez, sa panayam sa Pinoy Weekly.

Sa kabila ng limitasyon ng pahayag, sang-ayon si Iñiquez sa pahayag ng CBCP hinggil sa "moral na pagkabangkarote" ng pamahalaan. Gayunman, inamin niya na malaki ang kinalaman ng kanyang pagsang-ayon sa kanyang pagiging obispo. Kung tatanungin siya bilang indibidwal, maaaring iba ang maging sagot niya.

Para naman kay Cruz, hindi naman sila pinipigilang magsalita laban kay Arroyo. "Ganyan kami sa CBCP. May ilang hindi talaga magsasabing, ‘Gloria Out!’ May ilan namang ayaw na sa Pangulo na nananahimik. Pero hindi naman kami pinagbabawalang pitong [obispong kontra-Arroyo na] magsalita laban sa Pangulo," aniya.

Bukas din si Cruz sa posibilidad na maaaring magbago pa sa hinaharap ang posisyon ng CBCP. "Ang pahayag ng CBCP, dinamiko iyan. Hindi naman iyan static. Kapag nakita ng parang gabinete ng CBCP na kailangang baguhin, babaguhin naman iyan," ani Cruz. Abangan umano natin ang susunod na mga kabanata.

Naniniwala ang arsobispo na kapag malaking bilang ng mga mamamayan ang nagpahayag, siguradong susunod ang mga taong simbahan.

Sa bahagi ni Fr. Rolly de Leon, mahalaga pa rin ang posisyon ng mga obispo hinggil sa kasalukuyang krisis. Natataandaan niya na noong kasagsagan ng mga banta sa kanyang buhay, naglabas ng pastoral letter si Obispo Jose Oliveras ng Bulacan. Tungkol ito sa pagpapahalaga ng buhay, at binanggit nito ang pangalan ni Fr. Rolly. "Naging defensive ang militar," aniya. "Malaking tulong."

Hindi rin naman inaasahan ni Sr. Cecilia na buung-buong mananawagan na rin ng pagibibitiw ni Arroyo ang lahat ng mga obispo. Gayunman, nagbabakasakali siya na sana’y tuluyan nang "gampanan ng simbahan ang propetikong tungkulin ng Simbahan: kondenahin ang kasamaan."

May ulat sina Noel Barcelona, Winshayna Young, Nicole Acala, Michelle Mediana, Therese Co, Abigail Moreno, at Gelo Villar

Pagmamaniobra sa CBCP?
BAGAMAT pinaumunuan ngayon ang CBCP (Catholic Bishops’ Conference of the Philippines) ni Obispo Angel Lagdameo, na may progresibong mga tindig sa ilang isyung panlipunan, dominante pa rin sa grupo ang itinuturing na mga "konserbatibo."

Noong Hunyo 2007, nagsagawa ng halalan ang CBCP para sa permanenteng konseho sa susunod na dalawang taon.

Nahalal si Lagdameo bilang pangulo ng CBCP, pero natanggal sa puwesto bilang pangalawang pangulo si Arsobispo Antonio Ledesma ng Cagayan de Oro na itinuturing na "progresibo."

Sa tradisyon ng organisasyon, pinaglalaanan ng dalawang termino ang bawat presidente. Pagkatapos ng dalawang termino, nahahalal bilang kapalit niya ang bise presidente. Pero sa kasong ito, natanggal si Ledesma bilang kahalili sana ni Lagdameo. Pumalit sa kanya si Obispo Nereo Odchimar ng Tandag na itinuturing na "konserbatibo."

Marami rin sa permanenteng konseho ang madalas na di sumasang-ayon sa pagsangkot ng CBCP sa pulitikal na mga usapin. Kabilang dito sina Obispo Pablo David, Arsobispo Jose Palma, Obispo Pablo David, Obispo Jesse Mercado, Obispo Manolo delos Santos, Obispo Jose Advincula Jr., Obispo Antonieto Cabajog, Obispo Guillermo Afable, at Obispo Ramon Villena.

Binatikos kamakailan si Obispo Villena nang tumanggap ang kanyang diyosesa sa Bayumbong ng mga donasyon mula sa Philippine Charity Sweepstakes Office, isang government-controlled corporation sa ilalim ng Tanggapan ng Pangulo.

KR Guda

Laman ng pahayag ng CBCP
ILAN SA pinakatampok na punto sa liham-pastoral ng CBCP (Catholic Bishops Conference of the Philippines) noong Pebrero 26:

(1) Kondenahin ang nagpapatuloy na kultura ng korupsiyon mula itaas hanggang ibaba ng ating istrukturang panlipunan at pampulitika;

(2) Hikayatin ang Pangulo at lahat ng sangay ng pamahalaan na manguna sa paglaban sa korupsiyon, saan man ito makita;

(3) Inirerekomenda ang pagbasura sa EO (Executive Order 464) upang sinumang opisyal na may nalalaman sa korupsiyon sa saanmang sangay ng gobyerno, ay malayang makakatestigo sa harap ng kaukulang ahensiyang nag-iimbestiga sa korupsiyon;

(4) Hilingin sa Pangulo na pahintulutan ang mga tauhan nito na ibunyag ang anumang katiwalian, partikular sa kasunduang NBN-ZTE, nang hindi hinahadlangan sa kanilang pagtestimonya, kahit sino pa man ang masangkot;

(5) Pag-apela sa mga senador at sa Ombudsman na gamitin ang bukodtangi at iba-ibang kapangyarihan sa pag-iimbestiga sa sinasabing mga kaso ng korupsiyon, hindi para mapagsilbihan ang kanilang sariling interes kundi para sa kagalingan ng nakararami;

(6) Panawagan sa midya na maging positibong mapagkukunan ng impormasyon para sa paghahanap ng katotohanan at paglaban sa korupsiyon sa pamamagitan ng pagiging obhetibo sa kanilang pag-uulat nang walang kinikilingan at kinakatigan, nang walang pamimili at mapagkunwaring pagbabalita.

Bukod sa mga nabanggit, hinikayat din ng mga obispo ang lahat, mula batayang sektor at mga sangay at organisasyon sa loob ng Simbahan na magkaroon ng mga "circle of discernment" o sama-samang pagtimbang sa mga pangyayari, para sama-samang kumilos, hindi lamang para sa pagbabagong pansarili kundi maging panlipunan.

Noel Barcelona

Reply

The content of this field is kept private and will not be shown publicly.
  • Web page addresses and e-mail addresses turn into links automatically.
  • Allowed HTML tags: <a> <em> <strong> <cite> <code> <ul> <ol> <li> <dl> <dt> <dd> <object> <embed> <param> <script>
  • Lines and paragraphs break automatically.

More information about formatting options