News Update
Kababaihan mananawagan ng pagbaba ni Arroyo sa puwesto
Isang pambansang kilos-protesta ng mga kababaihan para sa pagbaba sa puwesto ni Pangulong Arroyo ang nakatakda sa Pandaigdigang Araw ng Kababaihan, Marso 8.
"Kababaihan, Magkaisa! Labanan ang Pambubusabos, Pangungurakot at Panunupil ng Gobyernong Arroyo!" ang tema ng nasabing kilos-protesta na inaasahang lalahukan ng 10,000 katao sa Maynila, ayon sa Gabriela, militanteng alyansang pangkababaihan.
Pangungunahan ng Gabriela at BabaLa! (Babae Laban sa Katiwalian), alyansa ng mga kababaihang tutol sa katiwalian ng gobyerno, ang martsa ng kababaihan mula Plaza Miranda patungong Mendiola.
Lalahok ang iba't ibang mga grupo tulad ng Concerned Women of Assumption, Concerned Citizens' Group, Wives of Military Officers, Be Not Afraid, Pwersa ng Kababaihan sa San Juan, Mare, Youth Act Now, Ecumenical Women's Forum, at Salinhali Alliance for Children's Concerns.
Inaasahan din ang pagdalo ng kilalang kababaihan na sina
Bibeth Orteza, dating
Sen. Leticia Ramos-Shahani, Amina Rasul, Atty. Evalyn
Ursua, Sr. Mary John Mananzan, Sandra Cam, Cong. Lani Cayetano, Sonia Roco,
Maita Gomez, Gina Alajar, at Armida Siguion Reyna.
Magkakaroon din ng iba't ibang anyo ng protesta sa Pandaigdigang Araw ng Kababaihan ang iba't ibang tsapter ng Gabriela sa mga lungsod ng Baguio, Naga, Legaspi, Sorsogon, Cebu, at Iloilo.
Catherine Bucu/Charlene Sarmiento
RSS