News Update

Empleyado sa Makati sumanib sa kilusang kontra-Arroyo

in
Noel Sales Barcelona

Isang alyansa ang binuo ng mga unyon sa bangko sa Makati noong Marso 6 para igiit ang pagbibitiw ni Pangulong Arroyo.

Tinawag na CoME (Concerned Employees of Makati for the Resignation of Gloria-Macapagal Arroyo), binuo ang naturang alyansa ng PDBEU (Planters Development Bank Employees Union), New Philippine Veterans Bank Employees Union, BPI Employees Union, Philippine National Bank Employees Union, RCBC Employees Union, and Maybank Employees Union.

Ang nabanggit na mga bangko ang itinuturing na pinakamalalaking kompanya ng pananalapi sa bansa.

Pahayag ni Florentino “Bong” Salangon, pangulo ng unyon ng Veterans, hindi na masikmura ng mga empleyado sa Makati ang katiwalian ng gobyernong Arroyo, partikular ang sinasabing kickback ng Pangulo at Unang Ginoo sa kontrobersiyal na kasunduang NBN-ZTE.

“Bago nabuo ang CoME, nakita namin iyong galit ng mga tao sa rali sa Makati, na dinaluhan din namin. Kasi, maging kami—bilang mga ordinaryong tao na naghahanap-buhay—hindi na rin namin masikmura ang ginagawa ng gobyerno natin,” sabi ni Salangon.

Bagaman sinasabing malalaki ang sahod ng nasa bangko, hindi rin sila ligtas sa pagsasamantalang dinaranas ng mga obrero sa pabrika at iba pang industriya, ayon naman kay Resty Figueroa, pangulo ng unyon ng Planters Development Bank.

“Sa tipo ng trabaho namin, na may kinalaman sa pakikipagtransaksiyon sa mga taong may pera at napagdesisyunang ingatan ito, kailangan naming magdamit nang maayos. Pero sa kabuuan, ang mga empleyado ng bangko, nananating mababa ang sahod," paliwanag ni Figueroa.

Binatikos din ng mga empleyado ang pagpapahintulot ng gobyernong Arroyo sa patakarang buy-out, merging o pagsasanib ng malalaking bangko, at ilegal na pagsasara ng mga bangko na nagreresulta sa pagkasibak sa libu-libong mga empleyado.

Magpapalaganap ng mga polyeto ang CoME na hihikayat sa iba pang nagtatrabaho sa Makati na sumama sa panawagang pagpapatalsik kay Arroyo. Magkakaroon din umano sila ng regular na briefing para ipaliwanag ang kahalagahan ng pagpapatalsik sa punong ehekutibo.

Reply

The content of this field is kept private and will not be shown publicly.
  • Web page addresses and e-mail addresses turn into links automatically.
  • Allowed HTML tags: <a> <em> <strong> <cite> <code> <ul> <ol> <li> <dl> <dt> <dd> <object> <embed> <param> <script>
  • Lines and paragraphs break automatically.

More information about formatting options