News Update

Job contracting vs labor-only contracting

Atty. Remigio Saladero Jr.
ISA sa nakakalungkot na pangyayari dito sa ating bansa ngayon ay ang madalas na paggamit ng mga kompanya ng mga kontratista o "labor agency or contractors" . Sa pamagitan nito, naiiwasan ng mga kompanya na mabigyan ng regular status ang kanyang mga manggagawa. Kapag hindi regular ang mga manggagawa, kaunti lamang ang makukuha nilang benepisyo. Dagdag pa rito, wala silang mabubuong unyon sa kompanya. Kapag walang unyon , walang mangungulit sa manedsment upang madagdagan ang kanilang sahod . Wala ring magtatanggol sa kanila laban sa pang-aabuso ng manedsment.

Ngunit pinapayagan ba ng ating batas ang paggamit ng "labor contractors" ? Tunghayan natin ang kasong "Mandaue Galleon Trade, Inc. et. al., vs. Vicente Andales, et. al." G.R. No. 159668 na dinesisyunan ng Korte Suprema noong Marso 8, 2008 upang masagot ang kasagutang ito.

Sa nasabing kaso, gumagawa ng mga gamit na yari sa yantok ang kompanya. Ini-export ang mga gamit na produkto nito. kompanya. Nagtrabaho sina Vicente at kanyang mga kasamahan bilang mga "weavers", "grinders" o "finishers" ng mga produkto ng kompanya. Isang araw, ang ilan kina Vicente ay pinapirma ng kasulatang sila ay empleyado ng isang labor agency at nakatalaga lamang sa kompanya. Binigyan sila ng kompanya ng visitor's ID. Ang iba naman sa kanila ay hindi na talaga pinapasok dahil wala na raw trabaho sa kompanya.

Nagdemanda sina Vicente ng illegal dismissal at non-payment of 13th month pay laban sa kompanya. Sagot naman ng kompanya, hindi raw nito empleyado sina Vicente. Sila raw ay empleyado ng isang labor agency na kinuha ng kompanya upang tugunan ang pansamantalang pangangailangan nito ng manggagawa. Ngayon daw, tapos na ang pangangailangan nito ng dagdag na manggagawa. Kaya, tapos na rin ng kontrata ng kompanya sa agency nina Vicente at kailangang tanggalin na sila sa trabaho.

Nanalo sa Labor Arbiter sina Vicente ngunit nag-apela ang kompanya. Nakaabot ang kaso sa Korte Suprema.

Pinaliwanag ng Korte Suprema na sa ating Labor Code ay may dalawang uri ng " labor contracting" o pangunguntrata sa paggawa.. May tinatawag na "labor-only contracting" at "job contracting". Ang "labor-only contracting" ay pinagbabawal ayon sa alituntunin na nilabas ng Secretary of Labor. Ang "job contracting" naman ay pinapayagan.

Ano ang kaibahahan ng dalawa ? Sa "labor- only contracting", walang sapat na puhunan ang kontratista at ang ginagawa ng mga manggagawa ay direktang may kaugnayan sa negosyo ng kompanya. Ang kontratista din at hindi ang kompanya ang may kontrol sa pamamaraan ng paggawa ng manggagawa sa kanyang trabaho.

Kung may sapat na kapital ang kontratista o ang gawaing kanyang tinatalaga sa mga manggagawa ay walang relasyon sa negosyo ng kompanya, ito ay "job contracting". Magiging "job contracting" din ito kung ang pamamaraan ng paggawa ng empleyado sa kanyang trabaho ay kontrolado ng kompanya, paliwanag ng Korte Suprema.

Sa kaso nina Vicente, hindi napakita ng kompanya na may sapat na kapital o puhunan ang kontratista. Ang gawain nina Vicente bilang mga "weavers", "finishers" o "grinders" ay direktang may kaugnayan sa negosyo ng kompanyang paggawa ng kasangkapang yari sa yantok. Bukod pa rito, napatunayan din na kailangan nilang sundin ang kautusan ng kompanya at meron mga manedyer at superbisor ang kompanyang laging nakamanman sa kanilang mga kilos. Ito, sabi ng Korte Suprema, ay nagpapakita lamang na "labor-only contracting" at hindi "job contracting" ang umiiral sa kompanya.

Sa ilalim ng "labor-only contracting", ang kompanya ay direktang may pananagutan sa hinaing ng mga manggagawa. Ituturing din ang mga manggagawa bilang mga regular na empleyado ng kompanya na may kaukulang karapatan sa ilalim ng batas.

Dahil dito, sina Vicente ay dapat lamang ituring na regular na mga manggagawa ng kompanya. Dahil sa kanilang walang dahilang pagkatanggal sa trabaho, dapat lamang silang bayaran ng backwages at separation pay ng kompanya.

Saan ba kayo malalagay mga mambabasa, sa " job contracting" o sa "labor-only contracting " ? Ano man ang inyong sagot, mainam na yung alam ninyo ang inyong karapatan.

Reply

The content of this field is kept private and will not be shown publicly.
  • Web page addresses and e-mail addresses turn into links automatically.
  • Allowed HTML tags: <a> <em> <strong> <cite> <code> <ul> <ol> <li> <dl> <dt> <dd> <object> <embed> <param> <script>
  • Lines and paragraphs break automatically.

More information about formatting options