News Update
Eksplorasyon para sa reserbang langis sa Spratlys: Isla sa murang halaga
LANGIS sa mga isla ng Spratlys ang pinag-aagawan ng anim na bansa, kasama ang Pilipinas.
Ayon sa Ministry of Geology and Mineral Resources ng Tsina, may 17.7 bilyong toneladang langis at natural gas ang Spratlys – ikaapat na pinamalaking reserba ng langis sa mundo. Para mahinuha ang laki ng reserbang ito, kailangan lamang malaman na ang bansang Kuwait – na tinangkang sakupin ni Saddam Hussein ng Iraq noong dekada ’90 – ay may 13 bilyong tonelada ng langis.
Ito ang dahilan kung bakit inaangkin ng Tsina, Malaysia, Vietnam, Brunei, Taiwan at Pilipinas ang ilang bahagi, kundiman ang kabuuan, ng Spratlys. Pero sa punto-de-bista ng nagdaang mga administrasyon ng Pilipinas, tayo ang may pinakamalakas na posisyon para angkinin ang ilang bahagi ng Spratlys.
May 426 kilometro ang layo ng mga isla ng Kalayaan sa Palawan, isang grupo ng mga isla na bahagi ng Spratlys. Kung tutuusin, mas malayo pa ang biyaheng Manila patungong Cebu o Davao. Sa mga islang ito, may mahigit 300 Pinoy na nakatira. Katunayan, bahagi ito ng probinsiya ng Palawan at may isang barangay, Pag-asa.
Kaya hindi nakakapagtaka na kaliwa’t kanang tumanggap ng batikos si Pangulong Arroyo matapos maibunyag sa publiko ang JMSU (Joint Maritime Seismic Undertaking). Ito ang kasunduang tripartite na nilagdaan noon pang Setyembre 2004, sa pagitan ng Pilipinas (PNOC o Philippine National Oil Corporation), Tsina (China National Offshore Oil Company, Ltd.) at Vietnam (Petro Vietnam) para siyasatin ang sinasabing reserba ng langis sa Spratlys. Para sa pagbubukas ng teritoryo ng Pilipinas, nagbibigay ang Tsina ng $2-Bilyon kada taon sa loob ng apat na taon.
Sa loob ng panahong ito, sinikreto nila ang kasunduan. Hanggang sa mabunyag ito ng mga mamamahayag nitong nakaraang buwan.
Labag sa Saligang Batas
Ayon sa mga kritiko ng kasunduan, labag ito sa Konstitusyon na nagsasabing Pilipinas ang dapat makinabang sa paggalugad at pagdukal ng likas na yaman ng bansa.
Matapos nabunyag sa midya ang sikretong kasunduan, buong depensa ang Palasyo. Anila, legal at sang-ayon sa interes ng bansa ang JMSU. Nakasaad sa kasunduan na layunin ng JMSU na “tipunin at iproseso ang datos hinggil sa stratigraphy, tectonics at structural fabric sa ilalim ng erya.” Ibig sabihin, pag-aaral lang naman sa reserbang yaman sa Spratlys ang ginagawa ng mga naturang korporasyon ng tatlong gobyerno.
Sinangkalan ng Palasyo ang dating DOJ (Department of Justice) Opinion No. 157, Series of 1990, petsang Agosto 27, 1990, bilang legal batayan ng JMSU. Ayon sa naturang opinyon: “Wala kaming nakitang legal na pagtutol sa panukalang proyekto at sa pagsasagawa ng MOA tungkol dito. Sa aming pananaw, ang panukalang proyekto na may kaugnayan sa pagti-tipon ng datos, pagproproseso at paraan ng interpretasyon ay mga gawain lamang bago ang eksplorasyon na hindi naman saklaw ng mga ipinagbabawal ng Konstitusyon.”
Ang naturang kasunduang sinasabi ay sa pagitan ng Pilipinas at Australia. Ayon kay Ignacio Bunye, tagapagsalita ng Pangulo, si dating DOJ Sek. Franklin Drilon pa mismo ang lumagda sa naturang opinyon. “Kaya, ano kaya ang dahilan ng malakas na pag-iingay ngayon?” aniya.
Pero hindi pa rin nito nasasagot ang pagtinging ilegal ang JMSU. Sabi pa ni Atty. Harry Roque, guro sa College of Law ng Unibersidad ng Pilipinas at eksperto sa pandaigdigang batas, ang tunguhin ng pag-aaral sa reserbang langis ay para sa eksplorasyon at produksiyon ng langis sa hinaharap. Hindi basta-basta na lamang magsasagawa ng seismic study ang mga korporasyon ng tatlong gobyerno kung hindi nito pinaplanong anihin ang reserba ng langis sa hinaharap.
Sinang-ayunan ito ng UP Marine Science Institute. Ayon kay Senate President Manuel Villar na inihayag sa kanya ni Dr. Ma. Lourdes San Diego-Macglone ng UP Marine Institute na unang bahagi ang seismic study ng hydrocarbon exploration. “Mahalaga ito dahil kapag sinabi mong exploration, labag ito sa ang ating Konstitusyon,” sabi ni Villar.
Sinabi pa ni Roque na kahina-hinalang hindi ipinaabot ng Pangulo sa Kongreso ng nilalaman ng kasunduan, sang-ayon sa utos ng Saligang Batas. Nakasaad kasi sa Artikulo XII, Sek. 1, tal. 4 at 5 ng Saligang Batas, kailangang ipaalam ng Pangulo sa Kongreso ang mga tratadong pinapasukan nito sa loob ng 30 araw.
Pero bilang kasunduan para sa seismic study, sinasabi ng Palasyo na hindi ito maituturing na tratado tulad ng Visiting Forces Agreement ng Pilipinas at US, o General Agreement on Tariffs and Trade. Hindi na ito kailangang ipaalam at iapruba ng Kongreso.
“Kahit na ipasok pa sa isang tratado ang JMSU, isa lamang ang kahulugan niyon, pagbebenta sa pambansang soberanya ng Pilipinas at nararapat lamang na kasuhan at maparusahan ang sinumang maysala,” sabi naman ni Roque. Nagtataka pa si Roque na kung bakit isang government-owned and -controlled corporation tulad ng PNOC lamang ang lumagda sa isang kinasasangkutan ng mga bansa.
Kamay ng Palasyo
Samantala, sa kabila ng kontrobersiya sa legalidad ng JMSU, handa namang maghugas-kamay dito ang Malakanyang. Idiniin ni Bunye na walang kinalaman ang Palasyo sa JMSU. Simpleng kasunduan ito sa pagitan ng mga korporasyon ng gobyernong Tsino, Biyetnames at Pilipino.
Pero salungat ito sa ikinikilos ng Palasyo. Kasabay ng pagpapatupad ng kasunduan, hinarang din kamakailan ng Malakanyang ang pagdinig sa pagsasabatas ng House Bill 3216 na siyang mag-aamyenda sa naunang mga batas hinggil sa teritoryong saklaw ng Pilipinas para sumaklaw ang mga isla ng Kalayaan.
Sabi naman ni Henry Bensurto ng Commission on Maritime and Ocean Affairs Secretariat ng DFA (Department of Foreign Affairs), uulitin lamang ng Pilipinas ang depekto ng naunang mga batas hinggil sa pagguhit ng teritoryal na hangganan nito, kung ipipilit nitong isabatas ang HB 3216.
Sa panayam ng Pinoy Weekly, iminungkahi ni Bensurto na dapat inihawalay ang pagguhit ng hangganan ng teritoryo ng Pilipinas na hindi kasama ang Spratlys. Iguguhit naman nang hiwalay ang hangganan ng teritoryo ng Spratlys na sakop ng Pilipinas. Batay ito sa Unclos o United Nations Convention on the Laws of the Sea.
Pero sagot naman ni Roque, “Maraming mga bansang kapuluan, ang nagtatakda ng kanilang archipelagic baselines na hindi alinsunod sa Unclos. Maging ang Tsina, itinadhana ng kanilang batas ukol sa kanilang pambansang teritoryo ang mga isla ng Spratlys, kahit 900 kilometro ang layo nito sa punong lupain (mainland China).”
Anuman ang dapat pagbatayan para maiguhit ang hangganan ng bansa, ang mahalaga’y napapangalagaan ng Palasyo ang teritoryal na integridad nito – kasama ang ilang bahagi ng Spratlys na mga Pilipino mismo ang nakatira, at kung saan matatagpuan ang napakahalagang likas na yaman.
Pero hindi ito ginagawa ng gobyernong Arroyo.
| Spratlys: pinaglalawayan |
TAONG 1975, panahon ni dating Pangulong Marcos, nang ideklara ng gobyernong Pilipino na pag-aari nila ang mga isla ng Spratlys o kilala bilang Kalayaan Islands. Mulang 1976, sinimulan ng bansa ang pagpapaunlad ng mga diumano’y mapagkukunan ng langis sa naturang mga pulo. Nauna rito, Mayo 1956, nagkaroon ng isang pribadong ekspedisyong Pilipino sa mga isla at inokupahan ng mga naggalugad ang ilan sa mga ito. Dahil isa sa mga “trusteeship” ng Allied Powers (mga bansang kakampi ng Amerika) ang Pilipinas, kaya nabigyang laya ang mga tropang Pilipinong nagkukuta sa lugar na manatili roon. Subalit nang humina ang garantiyang ito ng Allied Powers, napagpasyahan ng Pilipinas na palakihin ang tropang itinalaga sa lugar. Noong 1976, naglagay ang Pilipinas ng garison sa Palawan at noong 1978, nagtalaga ito nang mas marami pang mga sundalo sa Spratlys. Tinatayang 1,000 Marines ang inilagay sa lugar. Taong 1979 naman, idineklara ng Pilipinas ang kagustuhan nitong kontrolin at isailalim nang tuluyan sa kapangyarihan ng gobyernog Pilipino ang pitong isla ng Kalayaan. Ibinatay ng Malaysia ang karapatan nito, sa katotohanang nasasaklaw ng kanilang continental shelf, ang naturang mga isla, ayon na rin sa sinasabi noong ng Law of the Sea Convention (ang ina ng kasalukuyang Unclos III). Inangkin din ng Sultanato ng Brunei ang mga isla, gamit ang garantiya ng LSC. Gayunman, mula rin nang 1956, nananatili na ang tropang Taiwanese sa ilan sa mga isla, gayundin ang mula sa Mainland China. Katuwiran ng dalawa, nadiskubre ng mga manlalayag na Tsino, noong Ika-145 Siglo, ang mga isla kung kaya, dapat na sa kanila ang mga isla. “Nansha” ang itinawag ng Tsina sa mga ito. Nauna rito, taong 1946 nang magpadala ng sugo ang Taiwan sa mga isla at inokupa ang isa sa pinakamalalaking isla nito. Historikal din ang batayan ng pag-angkin ng Vietnam sa mga isla. Anila, taong 1815 nang magpadala ng ekspedisyon si Haring Gia Long ng Annam (Vietnam) sa mga isla at inangkin ang mga iyon. Taong 1933 naman, sa bisa ng isang kautusan ng gobyernong Pranses na sumasakop noon sa Vietnam, isinama sa teritoryo ng Vietnam ang mga isla. Noong Setyembre 1973, pormal na idineklara ng Vietnam ang Spratlys bilang bahagi ng probinsiya ng Phuoc Tuy. Nagkaroon nang mainitang pagtatalo sa pagitan ng Tsina at Vietnam noong 1988. Nagpadala noong Enero 1988 ng isang barkong pandigma ang Tsina sa lugar at nagsimulang magtayo ng mga tanggulan. Marso 1988, pinalubog ng Tsina ang dalawang barkong panlayag ng Vietnam na nakahimpil sa isla. Bukod sa isyu ng pagpapalubog ng mga barko, nagpapatuloy pa rin, hanggang ngayon ang pandarahas sa mga mangingisda—buhat sa anim na bansa—na napapagawi sa lugar. Hanggang ngayon din, patuloy pa rin ang matatag na pag-angkin ng anim na mga bansa, sa mayayaman at magagandang pulo ng Spratlys. (Datos mula sa Trade Environment Database Project 1990). |
| Ano ang Unclos? |
KILALA rin bilang The Law of the Sea Convention at Law of the Sea Treaty, siyam na taong singkad—mula 1973-1982—na pinagpulungan at tinalakay ang Unclos (United Nations Convention on the Law of the Sea). Isa itong pandaigdigang kasunduan na nabuo sa Ikatlong Pagpupulong ng UN (United Nations) sa Law of the Sea na nagtatakda sa mga karapatan at responsabilidad ng mga bansa o nasyon sa paggamit ng mga karagatan sa daigdig at ito rin ang lumikha ng mga pamantayan para sa mga negosyo, sa kapaligiran, at sa pamamahala ng mga yamang-dagat o tinatawag na marine natural resources management. Ang Unclos ang pumalit sa apat na tratado na nilagdaan noong 1958. Naging ganap ang kapangyarihan ng Unclos noong 1994, isang taon matapos na pumirma ang bansang Guyana sa kasunduan at naging ika-60 bansang nagpatibay rito. Sa kasalukuyan, nasa 155 bansa ang nakalagda sa Unclos at sumama rin sa Kumbensiyon ang mga bansa sa Europa. Lumagda rin ang Estados Unidos ng Amerika sa naturang kasunduan subalit, magpahanggang ngayon, hindi pa rin ito nararatipikahan ng kanilang Senado. Bagaman ang Pangkalahatang Kalihim ng UN ang tumatanggap sa “instruments” o mga dokumento para sa ratipikasyon at pagkakasundo hinggil sa itinatadhana ng Unclos, at ang UN ang nagbibigay suporta para sa mga pagpupulong ng mga bansang lumagda sa Unclos, wala itong direktang kontrol o kapangyarihan para ipatupad ang isinasaad ng kasuduan. Gayunman, may mahalagang papel ang mga organisasyong gaya ng International Maritime Organization, International Whaling Commission at International Seabed Authority (na itinatag ng UN Convention) sa pagpapatupad ng itinatadhana ng Unclos. May 17 bahagi ang Unclos, 320 na artikulo, at siyam na Annex na tumatalakay sa iba’t ibang usapin gaya nang depinisyon ng karagatan, continental shelf, at iba pa. Noel Barcelona |
| Ang Joint Marine Seismic Undertaking |
NILAGDAAN ng PNOC (Philippine National Oil Corporation), kumakatawan sa Pilipinas, CNOCC (China National Offshore Oil Company, Ltd.) at Petro Vietnam noong Marso 14, 2005 ang JMSU of the Petroleum and Resource Potential of the South China Sea (o simpleng JMSU). Ayon sa mga opisyal na dokumento hinggil sa JMSU, nalikha nito ang Dagat Timog-Tsina bilang lugar ng kapayapaan at pagkakaisa, mula sa dating lugar ng pagkakagulo o conflict. May tatlong bahagi ang JMSU: (1) pagkalap ng datos, (2) konsolidasyon ng mga datos na nakalap, at (3) interpretasyon ng mga datos na nakalap sa sama-samang pagsusuri sa mga katubigan at baybayin ng isla ng Spratlys (Nansha). Inaasahang sa pamamagitan ng JMSU, magkakaroon ng isang maayos na pag-uusap sa pagitan ng mga bansang umaangkin sa isla, makabuo ng tiwala sa isa’t isa, at gayundin, hindi naman madehado ang karapatan ng Pilipinas sa pag-angkin sa mga isla bilang bahagi ng kanyang mga teritoryo. Inaasahan din na pagkatapos ng JMSU, matapos na rin ang sigalot sa pagitan ng mga umaangking bansa. Pinasimulan ang kasunduan, bunga na rin ng pagtiyak sa seguridad ng enerhiya sa rehiyon. (Datos mula sa Office of the Press Secretary). |

RSS