News Update
Senado di magpapapigil sa Korte Suprema
HINDI magpapapigil ang Senado sa desisyon kamakailan ng Korte Suprema na kinatigan ang paggamit ni Kal. Romulo Neri ng Commission on Higher Education ng executive privilege para huwag isiwalat ang lahat ng nalalaman hinggil sa maanomalyang proyektong NBN-ZTE.
“Hindi kami sumasang-ayon sa desisyon ng Korte Suprema at maghahain ng motion for reconsideration,” sabi ni Senate Majority Leader Kiko Pangilinan.
Sa botong 9-6, sinabi ng SC na hindi nila maaaring puwersahin si Neri, dating direktor ng National Development Authority, na sagutin ang pagsisiyasat ng mga senador.
Sakop umano ng executive privilege ang tatlong tanong na ito: kung kinulit ng Pangulo si Neri hinggil sa NBN-ZTE; kung sinabihan siya ng Pangulo na iprayoritisa ang proyekto; at kung sinabihan siya ng Pangulo na aprubahan ang proyekto sa kabila ng alok ng suhol kay Neri.
Bumoto pabor kay Neri sina Arturo Brion, Renato Corona, Minita Chico-Nazario, Presbitero Velasco, Antonio Nachura, Dante Tinga, Leonardo Quisumbing, Ruben Reyes, at Teresita de Castro.
Kumontra naman sina Chief Justice Reynato Puno, Consuelo Ynares-Santiago, Alicia Austria-Martinez, Conchita Carpio-Morales, Adolfo Azcuna, at Antonio Carpio.
Sa kanyang dissenting opinion, sinabi ni Puno na hindi inabuso ng Senado ang kapangyarihan nito nang iutos ang pag-aresto kay Neri.
“Nais lang namin malaman ang katotohanan sa NBN-ZTE. Nakakalungkot na hindi ito nakita ng mayorya ng SC,” dagdag ni Pangilinan.
Samantala, kinuwestiyon ng Bayan (Bagong Alyansang Makabayan) ang partisipasyon sa mga deliberasyon ng bagong hirang na huwes na si Arturo Brion, dating kasapi ng gabinete ni Pangulong Arroyo. Ipinakikita umano nito ang “kawalan ng delicadeza” ni Brion.
RSS