News Update

Empleyado ng gobyerno nagkaisa vs korupsiyon

in
Ilang Ilang Quijano

NAGKAISA ang mga kawani ng gobyerno mula sa iba’t ibang panig ng bansa para labanan ang malawakang korupsiyon sa gobyerno at sumanib sa panawagan ng mga mamamayang Pilipino “para sa katotohanan at hustisya.”

Itinatag noong Marso 25 sa Quezon City ang P.S. Truth and Justice Now o Public Servants for Truth and Justice na nanawagan sa pagbibitiw sa puwesto ng nakatataas na opisyal ng gobyerno na sangkot sa anomalya, kabilang si Pangulong Arroyo.

Dumalo ang mga empleyado mula sa Quezon City Hall, Manila City Hall, Metro Manila Development Authority, National Housing Authority, Department of Agrarian Reform, National Food Authority, Department of Agriculture, Department of Social Welfare and Development, Senate of the Philippines, House of Representatives, Sandiganbayan, Makati Regional Trial Court, Department of Environment and Natural Resources, Philippine Overseas Employment Agency, at iba pang pambansa at rehiyunal na mga tanggapan ng gobyerno.

“Bilang bahagi ng burukrasya, naniniwala kaming kailangan magsalita at lumaban sa korupsiyon na dumudungis sa integridad at sinseridad ng mga empleyadong rank-and-file,” sabi ni Mar Aguilar, tagapagsalita ng P.S. Truth and Justice Now.

Samantala, binatikos ni Ferdinand Gaite, pambansang tagapangulo ng Confederation for the Unity, Recognition, and Advancement of Government Employees o Courage, ang umano’y paggamit ng gobyerno “para isulong ang interes ng iilang pulitiko, negosyante, at panginoong maylupa.”

Pumirma sa unity statement ng alyansa sina Josie Lichauco, dating undersecretary ng Department of Transportation and Communication, at Ernie Leung, dating kalihim ng Department of Finance. Kabilang sila sa dating nakatataas na mga opisyal ng gobyerno na nananawagan ng pagbaba sa puwesto ni Pangulong Arroyo.

“Ang isang ahensiya ang kasing-kurakot lamang ng kanyang lider,” sabi ni Lichauco, na 19 taon sa serbisyong sibil.

Ayon naman kay Leung, isang debt crisis o krisis sa pautang tulad ng nangyari noong 1983 ang nakaamba dahil sa pagpasok ng gobyernong Arroyo sa maanomalyang mga proyektong pinopondohan ng dayuhan tulad ng NBN-ZTE.

“Nakakadismaya na nababalewala ang mabubutingtao sa gobyerno dahil sa kurakot na mga opisyal. Saludo ako sa inyong moral na katatagan,” aniya sa mga kawani ng gobyerno.

Samantala, ipinamalita ni Bayan Muna Rep. Teddy Casiño sa mga kawani ng gobyerno ang inihain sa Kongreso na Whistleblowers Act o House Bill 1715.

Layon ng HB 1715 na protektahan ang mga kawani ng gobyerno na nagsiwalat hinggil sa korupsiyon, tulad nina Jun Lozada, Sulpicio Tagud, at Acsa Ramirez, mula sa buwelta ng estado sa pamamagitan ng pagtatago sa kanilang identidad at pagbibigay ng immunity from suit.

Reklamo ng mga kawani ng gobyerno, sila ang hinaharas at kinakasuhan sa tuwing maghahain ng kasong administratibo laban sa nakatataas na mga opisyal sa kani-kanilang ahensiya.

Pinipigilan din umano sila ng manedsment na maglunsad ng mga kilos-protesta kontra-Arroyo kahit isagawa nila ang mga ito tuwing lunch break alinsunod sa mga patakaran ng Civil Service Commission.

Magsasagawa ang P.S. Truth and Justice Now ng “pambansa-koordinadong aksiyon” sa Marso 26 sa iba’t ibang mga tanggapan ng gobyerno. Maglulunsad din ang alyansa ng mga porum “para sa katotohanan at hustisya” sa hanay ng mga kawani ng gobyerno.

Reply

The content of this field is kept private and will not be shown publicly.
  • Web page addresses and e-mail addresses turn into links automatically.
  • Allowed HTML tags: <a> <em> <strong> <cite> <code> <ul> <ol> <li> <dl> <dt> <dd> <object> <embed> <param> <script>
  • Lines and paragraphs break automatically.

More information about formatting options