News Update
Krisis sa bigas di dapat isisi sa empleyado ng NFA
BINATIKOS ng KMP (Kilusang Magbubukid ng Pilipinas) ang Malakanyang at mga alyado nitong sina Mayor Joselito Pinol ng Malang, North Cotabato at kapatid nitong si Efren Pinol sa paninisi sa mga empleyado ng NFA (National Food Authority) kaugnay ng napipintong krisis sa bigas sa kasalukuyan.
Ayon kay Rafael Mariano, tagapangulo ng KMP, ang pangunahing responsable sa napipintong krisis ay si Pangulong Arroyo dahil sa mga polisiya nito kaugnay ng liberalisasyon at kaseguruhan sa pagkain ng bansa.
“Maaaring may korupsiyon sa pagitan ng NFA at mga mangangalakal ng bigas at dapat itong imbestigahan, pero hindi ito malaki para maapektuhan ang buong suplay ng bigas ng buong kapuluan,” sabi ni Mariano.
Nilinaw pa ni Mariano na ang NFAEA (National Food Authority Employees Association) pa nga ang naglantad ng ginagawang pagbebenta ng bigas-NFA bilang komersiyal na bigas. Ginagawa umano ang “raket” na ito para palakasin ang impluwesiya ng Malakanyang sa mga paborito nitong mangangalakal ng bigas.
Ginagamit pa umano ng administrasyon ang mga proyektong Kalahi at Tindahan ni Gloria sa gawaing ito.
“Dapat itigil na ng pangulo at mga alyado nito ang paninisi sa iba. Dapat din nilang aminin na mayroon talagang napipintong krisis sa bigas. Dapat itong masolusyonan at hindi patse-patseng solusyon lamang tulad ng kupon sa bigas at pagkain,” ani Mariano.
RSS