News Update
Pagtaas ng presyo ng langis pinakamadalas kay GMA
SIMULA nang ipatupad ang batas deregulasyon sa langis, naganap ang pinakamaladalas na pagtaas ng presyo ng langis sa ilalim ng administrasyong Arroyo, ayon sa Ibon Foundation.
Hindi lamang ito dahil sa tagal ng termino ng pangulo kundi dahil sa patuloy na pagpapatupad sa batas deregulasyon sa langis sa kabila ng mga pagtutol dito at ang pagpataw ng Rvat (reformed value-added tax) sa naturang produkto.
Halos 42% ng kabuuang pagtaas ng presyo ng langis mula noong 1996 ang bahagi ng pagtaas sa panahon ni pangulong Arroyo.
Ayon pa sa Ibon, maliit lamang ang ginawa ng administarsyong Arroyo para pigilan ang pagtaas ng produktong petrolyo.
Simula nang maging pangulo si Arroyo, tumaas nang 147% ang presyo ng premium gasoline, habang 151% naman ang itinaas ng unleaded gasoline. Sandaan at limampung porsiyento naman ang itinaas ng regular gasoline.
Mas malaki naman ang itinaas ng presyo ng mga produktong petrolyo na mas ginagamit ng maraming tao. Tumaas ang presyo ng diesel ng 168% habang 196% naman sa gaas.
Nanananawagan ang Ibon sa pag-alis ng 12% Rvat sa langis para mabawasan ang epekto ng pagtaas ng presyo ng langis sa mahihirap na mga mamamayan.
Simula nang patawan ng value added tax ang langis noong 2005, tinatayang 20% na ang itinaas halos lahat ng produktong petrolyo.
Ayon sa Ibon, mahalagang maalis ang 12% Rvat sa langis dahil na rin sa bumababang kita ng pamilyang Pilipino at patuloy na pagtaas ng presyo ng pangunahing mga bilihin tulad ng bigas at mga bayarin tulad ng kuryente.
Gayunman, mas malaki umano ang maitutulong kung ibabasura ang Republic Act 8479 o Downstream Oil Industry Deregulation Act ng 1998.
Samantala, nagpaplano naman ng pambansang welgang pangtranspormasyon ang Piston o Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide sa loob ng darating na dalawang buwan.
Ayon kay George San Mateo, tagapagsalita ng Piston, naghahanda na sila ng mga serye ng pagkilos ngayong linggo na hahantong sa pambansang welgang pangtranspormasyon.
Idinagdag pa ni San Mateo na magpepetisyon rin sila para muling dinggin ng Land Transportation and Regulatory Board ang hiling nilang dagdag na P1 sa pamasahe sa unang apat na kilometro at P0.25 kada susunod na kilometro.
RSS