News Update

Mga mito, kasinungalingan at kalahating katotohanan (Ikalawa at huling bahagi)

Carol Pagaduan-Araullo

Nang ideklara kamakailan ng National Security Adviser na “tapos na ang pinakamasahol,” mahihiling mo, para sa ikakabuti ng bansa, na sana ay tinutukoy niya ang piyesta ng katiwalian, panunuhol, pamumuwersa, pamamaslang at pagdukot, at maging kataksilan na naging tatak na ng administrasyong Arroyo.

Sa halip, ang tinutukoy pala niya ay ang pinaka-kinatatakutan ng rehimen: Na maging isa na namang people power ang lumalaking alon ng protesta at pananawagan para sa katotohanan at pananagutan, na magpapatalsik kay Gng. Arroyo at magluluklok ng bagong gobyerno.

Pilit na nagpapanggap si G. Gonzales bilang manunuring walang kinikilingan, na nagbabasa lamang ng pampulitikang sitwasyon. Inilahad pa nga niya ang mapurol na prediksiyong huhupa ang mga protesta dahil sa Semana Santa at summer vacation.

Kapansin-pansin, gayunman, na hindi niya kinilala ang halaga ng mga serye ng aksiyong protesta na ilang linggo nang nasustine mula nang maglantad si Lozada – mula sa mga porum at “Misa para sa Katotohanan” sa mga paaralan at simbahan, hanggang sa lokalisadong mga noise barrage, pampublikong mga pahayag, pagsasabit ng mga balatengga ng iba’t ibang grupo, maliliit at katamtaman-laking mga demonstrasyong nagpalahok ng mula daan-daan hanggang libu-libo, at malalaking raling humatak ng sampu-sampung libo na may tunay na malapad na representasyon ng lipunang Pilipino.

Wala rin siyang binanggit na malinaw at tiyak na resolusyon ng mga kontrobersiyang gumigiyagis sa kanyang bosing. Ang ipokritong pagpapanggap ng Malakanyang na pinapamunuan ni Gng. Arroyo na lumalaban ito sa katiwalian – gayong pinapalala at pinapakinabangan nito ang katiwalian – ay gumagalit sa publikong tuluy-tuloy nang humatol, sa pamamagitan ng independiyenteng mga sarbey, sa rehimeng Arroyo bilang tiwali at mapanlinlang. Idagdag pa rito ang mas bagong pananaliksik ng Political and Economic Risk Consultancy Ltd. na nagpapakitang ang Pilipinas ay tinatanaw ng dayuhang mga negosyante na pinakakurakot na ekonomiyang Asyano.

Di nakakagulat na ipinagyabang ni G. Gonzales at ng kampo ni Arroyo ang tila kawalan ng kakayahan ng mga kritiko ng rehimen na magpasiklab ng people power. Nakakabahala, gayunman, ang rekord ng rehimen: Kapag humupa ang mga protesta at ang pagmamatyag ng masmidya, umaarya ito sa mas malalaki at mas maraming kontratang maanomalya, kasama na ang pagbebenta ng pambansang patrimonya at soberanya. Tila ito ang leksiyon sa kontrobersiya sa kontrata ng joint exploration na pinasok ng gobyerno sa Tsina. Ayon sa mga eksperto, ipinahamak nito ang paghahabol ng Pilipinas sa teritoryo, sa ilan sa pinagtatalunang Spratly Islands na sagana sa likas na yaman.

Di rin nakakagulat na natuwa si Gng. Arroyo dahil ang Senado ay hindi nakapagpalitaw ng katotohanan at ebidensiya, huwag nang sabihin ng pag-amin, mula kay G. Leo San Miguel, dating “sorpresang testigo” ni Sen. Panfilo Lacson, sa maanomalyang kontratang NBN. Walang duda, pinalakas ng di-inaasahang pangyayaring ito ang tiwala ng rehimen sa kakayahan nitong pawiin ang mga bakas nito at hadlangan ang makakasamang testimonya ng dapat sana’y mga whistle-blower sa pamamagitan ng pananakot, kundi man pagkabig.

Idinidiin ng pinakahuling mga pakana at maniobra ng Mafiang Arroyo ang mga limitasyon at maging kahungkagan ng purong “legal at konstitusyunal na mga proseso” na gustong ipanlinlang ng Malakanyang sa mga mamamayan bilang tanging katanggap-tanggap na paraan para ilabas ang katotohanan at kamtin ang accountability. Anu’t anuman, maaaring nagpigil ng makakasamang testimonya sina G. Neri, Razon, Atutubo, Gaite at San Miguel – tulad ng paghadlang sa impeachment ng walanghiyang mga alyado ni Gng. Arroyo sa Kamara – pero nagsimula nang makita ng sambayanan ang katotohanan sa likod ng mga kasinungalingan at maruruming taktika.

Sa pagtatagumpay ng rehimeng GMA na sagkaan ang buo at walang hadlang na pagpapalabas ng katotohanan, naiwasan nito ang pananagutan at pagkakahabla. Ang di nito mapigilan ay ang papahusay na pagbasa ng publiko sa katotohanan sa likod ng mga pagsisinungaling at paghadlang. Lalong nagiging napakahirap para sa rehimen na tumakas sa paghusga at pagkondena ng publiko.

Di ito ang unang pagkakataong mapapatunayang mali ang hambog na si G. Gonzales at ang kanyang bosing sa kanilang sinungaling, bara-bara at makasariling mga prediksiyon. Makakadagdag lamang ang gayong aroganteng postura sa alab ng pagkamuhi, protesta at paglaban na mabilis na lumalaganap sa buong bansa.

Pinaikling salin ng orihinal na Ingles na nalathala sa Business World, 14-15 Marso 2008

Reply

The content of this field is kept private and will not be shown publicly.
  • Web page addresses and e-mail addresses turn into links automatically.
  • Allowed HTML tags: <a> <em> <strong> <cite> <code> <ul> <ol> <li> <dl> <dt> <dd> <object> <embed> <param> <script>
  • Lines and paragraphs break automatically.

More information about formatting options