News Update

Gasgas Nang Buladas

GARAPAL at matinding panlilinlang sa sambayanan ng umiiral na rehimen – at nakaugalian na ito – ang pahayag kamakailan ni Presidente Gloria Macapagal-Arroyo sa Mabalacat, Pampanga na “hindi kukulangin sa bigas” ang bansa sa kabila ng pagbagsak ng pandaigdig nitong suplay at pagtaas ng presyo. Gaya lamang ito ng paulit-ulit na pangangalandakan ni La Gloria na “patuloy na sumusulong ang ekonomiya at nababawasan ang karalitaan” sa kapuluan kaya, natural, sa ilalim ng kabisote niyang liderato at mailusyong diwa, tuluy-tuloy diumano ang pambansang kaunlaran at maihahatid niya sa piling ng mauunlad at industriyalisadong mga bansa sa malapit na hinaharap ang kanyang Matatag na Republika.

Maliwanag naman, sa kabilang banda, batay sa estadistika, naging 27% mulang 24% buhat noong 2003 hanggang 2006 ang maralitang mga pamilya sa bansa at, kung sumulong man ang ekonomiya, ilang mandurugas lamang sa lipunan ang nakikinabang habang nananatiling may bulser (kanser sa bulsa) ang nakararaming masang sambayanan. Batay naman sa dalawang dokumentong nakuha ng KMP (Kilusang Magbubukid ng Pilipinas) mula sa NFA (National Food Authority) at Kagawaran ng Agrikultura, parang bagyong hindi maiiwasan ang krisis sa bigas na nakaamba sa bansa kaya, ngayon pa lamang, nananawagan na sa Malakanyang sina Sen. Mar Roxas at Loren Legarda na pag-aralan at paghandaan ito.

Noon pa mang Pebrero 11, 2008, humingi na ng pahintulot mula sa Lupon ng NFA ang administrador nitong si Jessup P. Lopez upang bumili sa ibang bansa ng 500,000 metriko toneladang bigas at, noong Pebrero 27, sa pamamagitan ng isang memorandum, ipinaliwanag ni Sekretaryo Arthur Yap ng Agrikultura kay La Gloria ang hinaharap na kakulangan sa bigas ng mundo. Isang malaking kahangalang ipinayo pa nito tuloy kamakailan sa mga mamamayan na sa halip na isang tasang kanin ang kainin, gawin na lamang itong kalahati. Sikmura nga ng publiko ang nirerendahan gayong sa kabilang banda, walang habas naman ang pandarambong sa pera ng bayan sa napakatiwali na’t umaalingasaw na burukrasya.

Ano ngayon ang buladas at palabas ng Malakanyang na walang krisis sa bigas na nakaamba sa bansa?

Una, itinigil na ng Vietnam ang eksportasyon ng bigas at isang milyong metriko tonelada na lamang, sabi ng mga opisyal nito, ang kaya nitong ibenta sa Pilipinas Tinatayang hanggang 4.5 milyong metriko tonelada ang aanihin lamang nito sa Abril, 50-M MT ang Indonesia at 6-M MT ang Thailand na, kung tutuusin, hindi kayang sumuporta sa kailangang bigas ng ibang mga bansa sa rehiyon. Idagdag pa nga ang prediksiyon ng PAG-ASA na, hanggang Hunyo, limang bagyo ang inaasahang mananalasa sa bansa – bukod sa mga pagbaha sa Gitnang Luson na lamang -- na tiyak na pipinsala sa agrikultura.

Paano, kung gayon, matutugunan ang pangangailangang bigas ng bansa? Batay sa pagsusuri, 120 kilong bigas – kung kumakain pa nang ayos at may ibibili pa – ang konsumo ng isang Pilipino sa loob ng isang taon.

Hindi nga gasgas nang mga buladas ng naghaharing rehimen para lamang makapangunyapit sa kapangyarihan ang lunas sa krisis na itong kinakaharap ng bansa. Sikmura ng bayan – lalo na ng masang sambayanan – ang pangunahing nakataya dito. Sabi nga, tumaas man nang tumaas ang presyo ng langis at pamasahe, kaya pang maglakad ng ordinaryong mga mamamayan; tumaas man nang tumaas ang presyo ng elektrisidad, kaya pa nilang mag-ilaw ng gasera o magtiis sa dilim ng gabi pero, kapag sikmura na nila ang pinipilipit ng gutom, baka kainin na nila maging si La Gloria at iba pang pinagpala’t naghahari-harian sa lipunan.

Ayon nga kay Rep. Rafael Mariano ng Anakpawis at pangulo ng KMP, tapal-tapal lamang na parang “band-aid” ang ginagawang solusyon ng Malakanyang sa problemang ito. Hindi nga lubusang malulutas ang paulit-ulit na krisis sa bigas sa pamamagitan ng paulit-ulit ding importasyon nito. Nararapat lamang, ayon sa kanya, na pag-aralang mabuti kung paano wastong magagamit ang mga lupain at, kung maaari, iukol ang malaking bahagi para pagtamnan ng palay. Isa pa, dapat na ring ibasura ang pagpapahintulot sa dayuhang mga korporasyon na gamitin ang malalawak na lupain sa bansa, lalo na ang hawak ng China, Japan at Amerika. Panahon na ring buwaging ganap ang mapagsamantalang kartel ng bigas sa Binondo at, higit sa lahat, ipatupad ang tunay na reporma sa lupa para mapaunlad hindi lamang ang produksiyon ng palay kundi ang mismong miserableng buhay ng mga magsasaka at ng kani-kanilang pamilyang matagal nang itinanikala ng mga asendero’t propiyetaryo ang buhay at kinabukasan sa ilalim ng mapambusabos na sistema.

Sa kabila ng malinaw na reyalidad, at sensitibong problema ng bansa sa bigas – bukod sa nandudumilat, hanggang ngayon, na krisis pampulitika’t pang-ekonomiya – lubha ngang napakabalintunang nagkukubli pa rin ang mga makapangyarihan sa likod ng gasgas nang mga buladas o tandisang kasinungalingan sa halip na gumawa ng kongkretong mga hakbang upang puspusang makabayang harapin at lunasan ang pambansang mga problema. Ngayon pa nga lamang, ipinahihiwatig na ng mga senyales sa lipunan na lubhang maselan ang kinakaharap ng bansa na krisis sa bigas.

Sabi nga, batay sa mga aral ng kasaysayan, walang kinikilalang batas ang hungkag na mga sikmura. --- RLO

editorial-cartoon-7-11.jpg

Reply

The content of this field is kept private and will not be shown publicly.
  • Web page addresses and e-mail addresses turn into links automatically.
  • Allowed HTML tags: <a> <em> <strong> <cite> <code> <ul> <ol> <li> <dl> <dt> <dd> <object> <embed> <param> <script>
  • Lines and paragraphs break automatically.

More information about formatting options