News Update

Ang pang-uunggoy kina Clarita at Jimmy

Kenneth Roland A. Guda

“MASARAP ba ang tulog n’yo? Ang matsing, tulo na ang laway, hindi makatulog.”

Ito ang text na natanggap ni Robisita Abenoja mula sa cellphone ng kanyang kapatid na si Clarita Luego-Soledad noong hatinggabi ng Huwebes Santo, Marso 20. Natakot siya. Kani-kanina lang kasi, pinadalhan na rin niya ng text ang kapatid, nangungumusta sa lakad nito sa Bacoor, Cavite. Pero di sumagot si Clarita.

Sinundan pa ito ng isa pang kaduda-dudang text. Mapangutya ang tono. Kinabahan na noon pa man si Robisita, pero di agad niya natanto ang ibig sabihin ng mga text. Sa susunod na mga araw, noong luminaw ang nangyari sa kanyang kapatid, sa asawa nitong si Jimmy Soledad at pinsang si Vilma Madrazo, nakuha na niya ang ibig sabihin ng mga text:

Nasa kamay ng militar sina Clarita at Jimmy, at tinotortyur sila. Sila ang mga “matsing” na “tulo ang laway” at “hindi makatulog.”

Tindera at nagpapautang lang

Dapat, kasama ni Robisita si Clarita noong gabing iyon patungong Bacoor. Gusto kasi ni Clarita na ibenta ang tindahan sa pinsang si Vilma. Pero maraming gawain sa bahay si Robisita. Sa huli, ang asawa niyang si Jimmy Soledad na lang ang sumama kay Clarita.

“Hoy, mga alipores, kumain na ba kayo? Ano’ng kinain n’yo?” pabirong text ni Robisita sa kapatid. Sanay na siyang biruin ang kapatid, at pinilit niyang magbiro sa cellphone kasi matagal nang hindi kumokontak si Clarita. Hatinggabi na siya nakatanggap ng kakaibang mga text mula sa cellphone ng kapatid.

Ala-una ng umaga, tumawag si Vilma kay Boy, isa pang kapatid ni Robisita na kasama niya sa bahay noong gabing iyon.

Sabi ni Vilma: “Kuya Boy, dinukot ako, pati si ate at kuya!” Ikinuwento ni Vilma ang nangyari: Alas kuwatro ng hapon, habang naghihintay nang sumakay ng traysikel sa tapat ng 7-11 sa Bacoor ang tatlo, humigit-kumulang sampung katao ang biglang pumuwersa sa kanilang isakay sa isang van na kulay silver, isang kotseng puti, at isang kayumangging sasakyan. Piniringan sila at pinosasan.

Hiwa-hiwalay ang tatlo. Mahigit dalawang oras nang umaandar ang sasakyan. Nagsalita ng Waray at Tagalog ang kalalakihan, ani Vilma. Pagkatapos, sinabi ng isa na palalayain na nila si Vilma dahil “wala naman siya sa lista.” Huwag na umanong magtanong sa kahihinatnan ng mag-asawang Soledad.

Kinabukasan ng pangyayari, tumungo si Robisita sa tanging organisasyong kilala niyang tumutulong sa inaabusong mga sibilyan – ang grupong pangkarapatang pantaong Karapatan.

Lider-rebelde raw sila – sa Silangang Bisaya
Linggo na nang makatanggap ng balita si Robisita. Sa pahayagang People’s Journal, ibinalita ang pagkahuli ng “dalawang namumunong lider-komunista ng Silangang Bisaya.” Pinangalanan sina Clarita at Jimmy. May litrato pa ang dalawa sa diyaryo – sa loob ng tanggapan ng “Philippine National Police Region 4A Intelligence Chief Supt. Primitivo Tabujara.” Si Maj. Gen. Delfin Bangit ng 2nd Infantry Division ng Philippine Army at hepe ng Internal Security Operations ng Timog Katagalugan pa mismo ang nagprisinta sa dalawa sa midya.

Agad na tumungo si Robisita sa Canlubang, Laguna kung saan nakadetine ang dalawa ayon sa ulat. Sa information desk, inamin ng sundalo na naroroon sina Clarita at Jimmy, pero agad namang binawi nito ang sinabi matapos makausap ang isang opisyal sa telepono.

Hanggang noong Lunes ng umaga, todo-tanggi pa rin ang mga opisyal ng Army na nasa kamay nila sina Clarita at Jimmy. Lunes ng hapon, matapos maglunsad ng press conference sina Robisita – at dahil hindi na mabawi ang pagpiprisinta ng dalawa sa midya nina Bangit at Tabujara – nagawang makausap niya ang mag-asawa.

Negosyante lang
Ayon sa militar, namumunong opisyal ng CPP (Communist Party of the Philippines) sina Clarita at Jimmy – sa Leyte. Bahagi umano ng peace panel ng National Democratic Front noong 1986 ang dalawa. Nabigyan pa ng amnestiya ang mga ito noong 1991. At nitong 2007, naisama pa ang pangalan nila sa nabasurang kaso laban kay Jose Maria Sison kaugnay ng mga biktima umano ng “pagpupurga” sa CPP.

Pero para kay Robisita, simpleng mga tindero lang sina Jimmy at Clarita. Tahimik silang nagnenegosyo ng pautang sa Kalookan. Sa anumang punto de bista tingnan, hindi rin makatarungan at ilegal ang pagdukot sa kanila. Muntik nang mapasama sina Jimmy at Clarita sa talaan ng aabot sa 180 biktima ng pagdukot sa mga aktibista at hinihinalang sumisimpatya sa mga komunista.

Ngayon, kabilang na sila sa mga detenidong pulitikal sa bansa – mga itinuturing ng gobyernong Arroyo na “matsing”, hindi taong dapat ay inirerespeto at iginagalang ang karapatan.

Paghahanap kay Jonas Burgos sa ‘sinapupunan ng halimaw’
SA PAGHAHANAP ni Edita Burgos sa kanyang anak na si Jonas, nakarating siya sa Amerika.
Inikot kamakailan ni Edita ang pitong lungsod sa US para magsalita hinggil sa pagkawala ng kanyang aktibistang anak. Binigyan siya ng mainit na pagsalubong ng mga grupong Pilipino-Amerikano, kabilang na ang NYCHRP o NY Committee for Human Rights in the Philippines sa New York City.
Sinikap din ni Edita na idulog ang kaso ni Jonas sa mga mambabatas ng US tulad nina Sen. Richard Lugar ng Indiana, Sen. Barbara Boxer ng California, Rep. Adam Smith ng Washington, Ellen Tauscher ng California, Doris Matsui ng California, Joseph Pitts ng Pennsylvania, at Jerry McNerney ng California.
Humingi rin ng suporta si Edita sa tanggapan ng dalawa sa nangungunang mga kandidato sa pagkapangulo ng US: sa Republican na si Sen. John McCain at sa Democrat na si Sen. Barack Obama.

KR Guda

 

Reply

The content of this field is kept private and will not be shown publicly.
  • Web page addresses and e-mail addresses turn into links automatically.
  • Allowed HTML tags: <a> <em> <strong> <cite> <code> <ul> <ol> <li> <dl> <dt> <dd> <object> <embed> <param> <script>
  • Lines and paragraphs break automatically.

More information about formatting options