News Update

Krisis sa bigas, sirit-presyo, disempleyo: Magreresulta sa riot—KMU

in
Noel Sales Barcelona

Maaaring lumikha ng kaguluhan ang napipintong krisis sa suplay ng bigas, pagsirit ng presyo ng pangunahing mga bilihin, at pagtaas ng antas ng kawalang trabaho, ayon sa KMU (Kilusang Mayo Uno).

Ayon kay Prestoline Suyat, tagapagsalita ng KMU, “fatal combinations” o nakamamatay na kombinasyon ang mga krisis na nabanggit sa itaas kaya, asahan na ang mga riot sa iba’t ibang panig ng bansa.

“Kailangang agad na masolusyonan ito kundi, malaking gulo ang kakaharapin ng bansa,” sabi ni Suyat.

Inianunsiyo kamakailan sa isang sortee ni Pang. Arroyo sa Gitnang Luson, ang pagtaas ng presyo ng bigas, kasabay ang paglilinaw na hindi naman mawawalan ng suplay nito sa merkado.

Naunang nagpahayag ang IRRI o International Rice Research Institute, na maaaring humarap ang buong daigdig sa krisis sa bigas dahil sa paglaki ng pangangailangan sa mga ito.

Pilit namang pinapawi ni Administrator Jessup Navarro ng National Food Authority ang pangamba ng publiko na magkakaroon ng kakapusan sa suplay ng bigas sa pagsasabing patuloy ang ginagawang pag-angkat ng Pilipinas sa mga karatig-bansa para masapatan ang kakulangan sa lokal.

Gayundin, sinabi rin ni Navarro, na magkakaroon pang muli ng pag-aani ng palay ngayong mga buwan ng Marso at Abril, bukod pa sa inaasahang anihan sa pagsapit ng mga buwan ng Oktubre hanggang Disyembre.

Aminado naman si Navarro na hagyang tataas ang presyo ng bigas sa merkado dahil na rin sa pagmahal ng “agricultural inputs” o gamit para sa pagsasaka gaya ng abono, pestisidyo, at pagmahal ng presyo ng krudo o gasolina.

Dahil dito, pakiusap ng Department of Agriculture o DA at ng NFA, kailangang magtipid sa bigas.

Diskumpiyado naman sa ulat ng DFA, NFA at Pangulong Arroyo ang KMU at sinabing sa Bikol nga, ramdam na ang kakapusan sa suplay ng bigas.

“Sa Albay, napakahabang pila ang tinitiis ng ating mga kababayan upang makabili lamang ng NFA rice dahil iyon ang mura. Pero dahil sa kakulangan ng bigas sa bansa, tatlong kilo lamang ang pwedeng mabili ng bawat tao doon at nilalagyan pa sila ng indelible ink para hindi na sila makaulit. Maaaring nangyayari ito sa iba pang panig ng bansa o mas malubha pa. Nakakatakot lamang na dahil wala ring pera ang mga Pilipino dahil sa mababang sahod o kawalan ng trabaho, lilikha ito ng kaguluhan,” sabi ni Suyat.

Dahil dito, hinamon ng KMU ang gobyernong Arroyo na ibulgar ang katotohanan hinggil sa ng krisis sa pagkain at kakapusan sa trabaho. Iginiit din ng grupo ang P125 dagdag-sahod para sa lahat ng manggagawa sa pribadong sektor.

Ani Suyat, tanging ang pagdaragdag lamang sa sahod ng mga manggagawa at mga oportunidad sa trabaho ang makapipigil sa ibinababalang riot sa bawat panig ng bansa.

“Hindi lamang dapat magkasya si Sek. Yap sa pagsasabing kailangang magtipid sa konsumo ng bigas ang mga Pilipino dahil noon pa man, nagtitipid na ang mga manggagawang Pilipino, katulad ng iba pa nating kababayan. Noodles na nga ang naging pangunahing pagkain ngayon ng mga Pinoy," dagdag pa niya.

Reply

The content of this field is kept private and will not be shown publicly.
  • Web page addresses and e-mail addresses turn into links automatically.
  • Allowed HTML tags: <a> <em> <strong> <cite> <code> <ul> <ol> <li> <dl> <dt> <dd> <object> <embed> <param> <script>
  • Lines and paragraphs break automatically.

More information about formatting options