News Update

Gobyernong Arroyo haharap sa UN Human Rights Council

in
Ilang-Ilang Quijano

SASAILALIM ang gobyernong Arroyo sa kauna-unahang UPR (Universal Periodic Review) ng United Nations Human Rights Council na gaganapin sa Abril 11 sa Geneva, Switzerland.
Umaasa ang Karapatan, alyansang pangkarapatang pantao, na mabubunyag ng United Nations ang diumano’y kabalintunaan na inaasahang ilalako ng mga kinatawan ng gobyerno hinggil sa karapatang pantao sa bansa.

Hindi kayang pagtakpan ng gobyernong Arroyo ang “madugong rekord” nito sa karapatang pantao, dagdag ng grupo.

Sa kabila ito ng pagpuri kamakailan ng EU (European Union) sa pagbaba diumano ng bilang ng mga kaso ng pampulitikang mga pamamaslang at pagdukot sa nakaraang mga buwan.

“Hindi dapat magdiwang sina Pang. Arroyo at Punong Kalihim Eduardo Ermita dahil alam ng buong mundo na hindi pa nakakamit ang hustisya at patuloy ang mga pagpaslang at pagdukot,” sabi ni Ruth Cervantes, public information officer ng Karapatan.

Inihayag ng EU na “nagagalak” ito sa pagtulak ni Arroyo sa mabilis na prosekusyon at paghatol sa mga responsable sa mga paglabag sa karapatang pantao.

Sabi pa ni Cervantes, walang naparusahan sa mga militar na itinuro ni United Nations Rapporteur Philip Alston na nasa likod ng mga pamamaslang at pagdukot sa ilalim ng programa kontra-insurhensiya ng gobyernong Arroyo.

Magdaraos ng People’s UPR Forum sa Quezon City sa Abril 3 para talakayin ang kahalagahan ng UPR at mga dapat makamit sa pambansa at pandaigdigang kampanya laban sa pampulitikang mga pamamaslang at pagdukot.

Tagapagtipon ng Philippine UPR Watch ang mga grupong Karapatan, National Council of Churches in the Philippines, Hustisya, Desaparecidos, Bayan, Ibon Foundation, IPHR Monitor, Bayan Muna at GMA Watch.

Reply

The content of this field is kept private and will not be shown publicly.
  • Web page addresses and e-mail addresses turn into links automatically.
  • Allowed HTML tags: <a> <em> <strong> <cite> <code> <ul> <ol> <li> <dl> <dt> <dd> <object> <embed> <param> <script>
  • Lines and paragraphs break automatically.

More information about formatting options