News Update

Desisyon ng SC kay Neri, ‘delikado’

in
Ilang-Ilang Quijano

“DELIKADO” para sa demokratikong sistema ng gobyerno ang paggamit ng desisyon ng Korte Suprema na nagtataguyod sa executive privilege higit sa kapangyarihan ng Senado, ani Senate President Manuel Villar.

“Ang nakikita natin ngayon, may kalayaan ang Pangulo na gawin ang anumang gusto niya dahil wala nang kailangang ipagpaliwanag. Lahat ng miyembro ng gabinete ay hindi na puwedeng sumagot. Wala nang magtatanong sa kanila,” aniya.

Noong nakaraang linggo, sinabi ng SC na maaaring hindi sagutin ni Kal. Romulo Neri ng Ched (Commission on Higher Education) ang tanong ng mga senador hinggil sa anomalyang NBN-ZTE.

Binatikos ng mga senador si Punong Kalihim Eduardo Ermita na nagsabing dapat ilathala muna ng Senado ang rules of procedure nito para maging balido ang isang pagdinig o imbestigasyon.

Iginiit ni Villar na unang inilathala ng Senado ang Senate Rules of Procedure Governing Inquiries in Aid of Legislation noong Agosto 20, 1992 sa Philippine Daily Inquirer at Agosto 21, 1992 sa Philippine Star. Nang maaymendahan, muling inilathala ang nasabing mga batas sa Agosto 24, 1995 sa Philippine Star at Malaya. Muling inilathala ang mga batas na walang amyenda noong Disyembre 1, 2006 sa Inquirer at Philippine Star.

Inihayag pa ng senador na nagkamali ang korte nang sabihin nitong kailangang ilathala ang nasabing mga batas sa umpisa ng bawat Kongreso.

“Naniniwala kami na ang Senado ay isang continuing body na laging nariyan. Anytime, may 12 senador ang hindi umaalis sa puwesto,” aniya.

Reply

The content of this field is kept private and will not be shown publicly.
  • Web page addresses and e-mail addresses turn into links automatically.
  • Allowed HTML tags: <a> <em> <strong> <cite> <code> <ul> <ol> <li> <dl> <dt> <dd> <object> <embed> <param> <script>
  • Lines and paragraphs break automatically.

More information about formatting options