News Update

Taumbayan mag-iingay kontra sa mahal na bilihin

in
Soliman A. Santos

MAG-IINGAY ngayong Abril 2 ang Bayan (Bagong Alyansang Makabayan) para iprotesta ang patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin tulad ng bigas at mga produktong petrolyo.

Isinisi ng Bayan ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin sa diumano’y anti-mamamayang mga polisiyang pang-ekonomiya ng administrasyong Arroyo.

“Ito ang unang pagkakataon na magkasabay na umabot sa pinakamataas na presyo ang bigas at langis. Hindi lamang simpleng mga produkto ito kundi maselan at pulitikal. Hindi puwedeng basta sabihin na lang ng Pangulo na resulta ito ng presyo sa pandaigdigang merkado at hindi saklaw ng kapangyarihan ng gobyerno,” sabi ni ni Renato Reyes Jr., pangkalahatang kalihim ng grupo.

Iginiit pa ni Reyes na ang mataas na presyo ng bigas at langis ay taliwas sa paglago ng ekonomiya na ipinangangalandakan ng gobyerno.

Gaganapin ang noise barrage sa kahabaan ng España sa Maynila at lilibot sa mga komunidad at palengke. Inaasahang magdadala ng mga kaldero at kawali ang mga magpoprotesta bilang simbolo ng krisis sa bigas at langis.

Di populasyon ang dahilan
Hindi naman paglobo ng populasyon kundi “kainutilan” ng gobyerno sa pagseguro ng suplay ng pagkain ang pangunahing dahilan ng diumano’y kakapusan sa bigas ng bansa, ayon sa Gabriela.

Tugon ito ng grupo sa pahayag ni Rep. Edcel Lagman na ang lumolobong 88.6 Milyong populasyon ng Pilipinas ang masisisi sa kasalukuyang krisis.

“Napakadaling isisi ang kakapusan sa bigas at ang tumitinding kahirapan sa Pilipinas sa populasyon. Kung tutuusin, mas malamang na dahilan ang palpak na mga patakaran na ipinatutupad ng gobyerno, kung bakit patuloy tayong kinakapos,” ani Emmi De Jesus, pangkalahatang kalihim ng Gabriela.

Sabi pa ni De Jesus, dapat na mabatid ni Lagman, nagsusulong ng pagkontrol sa populasyon, na pangmatagalan at hindi pansamantalang mga solusyon sa krisis sa bigas ang kailangan ng bansa.

Magsasaka nagpiket sa DAR
Samantala, nagpiket sa harapan ng DAR (Department of Agrarian Reform) noong Marso 31 ang mga magsasaka mula sa Timog Katagalugan para kondenahin ang diumano’y kabiguan ng naturang ahensiya na maipamahagi ang mga lupain sa mga magsasaka.

“Nais naming bawiin ang inilabas na conversion order ng DAR sa Ayala Land Devt. Corp. at kaagad na ibalik sa lupa ang pinalayas na mga magsasaka sa Hacienda Fule siyam na taon na ang nakakaraan,” ayon kay Mario Esplana, pangulo ng Pagkakaisa ng Magsasaka sa Hacienda Fule.

Sumasaklaw sa 97 ektarya sa Alaminos, Laguna at Sto. Tomas, Batangas ang naturang asyenda.
Ang pagpapalit-gamit ng mga lupa mula agrikultural tungo sa ibang gamit ang pangunahing dahilan kung bakit mayroong krisis sa bigas, sabi ni Esplana.

Inihalimbawa pa ng grupo ang 7,100 ektarya ng pamilyang Yulo sa tatlong bayan ng Sta. Rosa, Cabuyao at Calamba City; Hacienda Zobel sa 13,000 ekt. sa Calatagan, Batangas; 400 ekt. ng Ayala Land sa Tibig, Silang, Cavite; at 2,700 ekt. sa Macabud, Montalban, Rizal.

Paliwanag ni Esplana, dating tinatamnan ang mga lupaing ito ng palay, niyog, tubo at mga gulay. Ngayon, pinalitan na ang gamit ng lupa sa komersiyal, residensiyal, panlibangan, at ekoturismo.

Sa 20 taong Comprehensive Agrarian Reform Program, naging inutil umano ang DAR dahil hindi nabuwag ang malalawak na lupaing kontrolado pa rin ng mga asendero, dagdag ng grupo.

May ulat ni Noel Sales Barcelona

Reply

The content of this field is kept private and will not be shown publicly.
  • Web page addresses and e-mail addresses turn into links automatically.
  • Allowed HTML tags: <a> <em> <strong> <cite> <code> <ul> <ol> <li> <dl> <dt> <dd> <object> <embed> <param> <script>
  • Lines and paragraphs break automatically.

More information about formatting options