News Update
Kuwestiyonableng polisiya ng gobyernong Arroyo sa krisis sa bigas: Walang wisyo sa plano
NAGKUKUMAHOG ang gobyernong Arroyo sa pag-iikot sa ibayong-dagat para punan ang pangangailangan ng mga Pilipino sa bigas. Pero batay mismo sa datos ng gobyerno, lumalabas na sasapat na ang ating suplay.
Ang masahol pa, mas mahal na nabibili ng gobyerno ang inaangkat na bigas kaysa sa lokal na mga bigas.
Para tugunan ang diumano’y napipintong “krisis sa suplay ng bigas,” nakatakdang mag-angkat ang DA (Department of Agriculture) ng tinatayang 2.1 milyong MT (metro tonelada) ng bigas ngayong taon. At para mapadali ang pag-aangkat, iniutos ni Pangulong Arroyo sa Department of Finance na pag-aralan ang pagbaba ng taripa sa inangkat na bigas. Bilang pang-engganyo ito sa pribadong sektor para makapag-angkat ng mas maraming bolyum katuwang ang NFA (National Food Authority).
Sa ngayon, nasa 50 porsiyento ng presyo ng inangkat na bigas ang ipinapatong na taripa pagpasok ng nasabing bigas ng Pilipinas.
Pero para sa mga magsasaka ng KMP (Kilusang Magbubukid ng Pilipinas), “gutom”, sa halip na “ginhawa”, ang idudulot ng liberalisasyon ng industriya ng bigas.
Ayon kay Rafael Mariano, tagapangulo ng KMP, palalalain lang nito ang dati nang tumitinding krisis sa bigas. Lalong tataas ang presyo ng bigas sa merkado at mawawasak ang kabuhayan ng mga magsasaka ng palay.
Kakulangan sa suplay?
Sa totoo lang, kaiba sa sinasabi ng gobyerno ngayon, masasabing walang “krisis sa suplay ng bigas.” Batay ito sa datos mismo ng DA, na nagsasabing aabot hanggang Oktubre ang kasalukuyang nakaimbak na palay ng gobyerno at makakatawid sa mga buwang walang ani (lean months) na Hulyo hanggang Setyembre.
Noong Marso 25, idineklara ng DA na aabot pa ng 57 araw ang nakaimbak na bigas ng gobyerno na 1.2-M MT. Isama pa rito ang aanihing palay ngayong tag-init, na kapag ginawang bigas ay aabot sa tinatayang 4.6-M MT. Ibig sabihin, makapag-iimbak ang gobyerno ng palay na tatagal nang 139 araw.
Nakabatay ang kalkulasyon na ito ng KMP sa 33,000 MT bigas kada araw na tinatayang makokonsumo ng Pinoy o national rice consumption; tinatayang 7.1-M MT na aanihing palay sa buong taon; at 65 porsiyentong recovery rate sa pagbibigas ng palay.
Ang natitira pang kakulangan sa suplay ng bigas para sa 2008 ay maaari nang kunin sa aanihin ng lokal na mga magsasaka ng palay sa Oktubre. “Kaya mali ang solusyon kung ibinabangga natin ang ulo natin sa importasyon, dahil wala naman palang pangangailangan at kaya naman pala nating likhain anuman ang kakulangan,” sabi ni Mariano.
Matumal man, tumataas pa rin ang taunang produksiyon ng bigas sa bansa.
Krisis sa presyo
Lumalabas na hindi “krisis sa suplay ng bigas” kundi “krisis sa presyo ng bigas” ang nararanasan ng bansa ngayon. Tumaas na nang P3 hanggang P4 kada kilo ang presyo ng commercial rice – dagok sa ordinaryong Pinoy na kanin ang pangunahing isinusubo sa araw-araw.
Sinasamantala lang umano ng kartel o malalaking mangangalakal ng bigas ang mataas na presyo ng bigas sa pandaigdigang merkado para makapagtaas ng presyo sa lokal na merkado, ayon kay Mariano. (Basahin ang kaugnay na artikulo)
Epekto raw ito ng polisiya ng gobyerno na ipaubaya sa pribadong sektor ang pagtakda ng presyo ng bigas. “Parang nakondisyon pa ’yung isip ng taumbayan, na dahil mahigpit ang suplay sa world market, mataas na ang presyo doon. Kaya sa mga trader, parang go signal na ito na itaas din ang presyo dito. Wala namang kontrol eh, di naman sila mapaparusahan kasi nga deregularisado (ang industriya),” aniya.
Ipinaliwanag ni Mariano na walang dahilan ang mga mangangalakal na itaas ang presyo. Ito’y dahil ang nakaimbak nilang bigas na mula sa huling anihan ng palay noong nakaraang taon, nabili nila sa mga magsasaka sa mababang presyo: P12 kada kilo o minsa’y mas mababa pa sa support price o presyong binibili ng NFA na P11.50 kada kilo.
Kung pagbabatayan ang rule of thumb o kalakaran sa industriya ng bigas, 70 porsiyento lamang ng presyong ibinili sa palay ang dapat ipatong bilang tubo. Ibig sabihin, kung nabili ang palay sa P12 kada kilo, dapat P18.70 lang ang presyo nito sa merkado. Pero kadalasang lampas dito ang presyo ng bigas kada kilo dahil walang kontrol ang gobyerno sa kinikita ng kartel sa bigas, sabi ni Mariano.
Bilhin ang lokal na palay
Simple lamang ang inihahaing solusyon ng mga magsasaka sa krisis sa bigas: bilhin ng NFA ang 25 porsiyento ng lokal na produksiyon ng palay. Nang sa gayon, maibenta ito sa merkado sa halagang P18.25. Maiiwasan umano nito ang pagkubra ng kartel sa bigas sa lokal na palay na ibinebenta sa merkado bilang mamahaling commercial rice.
Mas matipid din ang hakbang na ito para sa gobyerno, na kapag bumili ng inangkat na bigas ngayon mula sa Vietnam ay gagastos ng $708 kada MT o katumbas ng halos P26 kada kilo. Isama pa ang interes at gastusin para sa iba’t ibang yugto ng transportasyon hanggang distribusyon, lumalabas na malaki ang lugi ng gobyerno sa importasyon.
“Kung gagastos na lang din ang gobyerno ng P2 Bilyon sa importasyon, bakit hindi na lang bilhin sa P11.50 support price ang palay ng mga magsasaka at ibenta niya ng P18.25? Kung di man break even may kaunti pa nga siyang kita,” sabi ni Mariano.
Sa kasalukuyan, umaabot lamang sa isang porsiyento ng lokal na produksiyon ng palay ang binibili ng NFA, ayon sa KMP.
Sa mandato ng NFA, dapat 10 porsiyento ng lokal na produksiyon ng palay ang binibili nito.
Pangamba pa ng KMP, kapag nahuli ang dating ng inangkat na bigas at pumasok ito sa Oktubre, kasagsagan ng anihan, lalong hindi mabibili o mababarat ang palay ng lokal na mga magsasaka.
Bukod pa rito, ibebenta sa isang subasta ang di naibentang inangkat na bigas, kahit sa presyong mas mababa na sa release price na P18.25. “May kikita na naman doon. May makaka-korner na naman doon. Ire-remill siguro yon tapos ibebenta nila bilang commercial rice,” paliwanag ni Mariano.
Pribatisasyon ng NFA
Pero ayaw gawin ng gobyerno ang mga mungkahing ito. Sa halip, itinutulak pa nito ang pagbaba ng taripa sa bigas. Naghahanda pa itong tupdin ang gusto ng WB (World Bank) na pagsasapribado ng NFA. Ito raw ang solusyon sa krisis.
Pagdating ng 2012, nais ng WB na tuluyang maliberalisa ang industriya ng bigas o malayang makapasok ang inangkat na bigas.
Nais din nitong maitalaga sa pribadong sektor, sa halip na sa NFA, ang pag-aangkat ng bigas. Dapat din daw bawasan ang kapangyarihan ng ahensiya na gumawa ng mga interbensiyon para mapababa ang presyo ng bigas, dahil diumano’y “hindi gumagana” ang mga ito.
Pero ayon kay Mariano, “Lalong mawawalan ng kakayahan ang bansa na umasa sa sarili para sa pangangailangan sa pagkain. Lalong lalalaya ang kartel sa bigas na magdikta ng presyo ng bigas.”
Mapapalala umano ang krisis sa pagkain na kinasadlakan ng bansa simula nang pumasok sa World Trade Organization noong 1995 at umasa sa inangkat na bigas mula sa kapitbahay na mga bansang Asyano at sa US.
Mula sa pagiging numero unong prodyuser at taga-eksport ng bigas, ang Pilipinas ay bumagsak sa pagiging numero unong taga-angkat ng bigas sa Asya.
Lumalabas na “walang wisyo” ang pamimili ng bigas ng gobyernong Arroyo sa ibayong-dagat para masolusyunan ang krisis na anila’y dulot mismo ng pagiging palaasa sa importasyon sa halip na sa lokal na produksiyon ng palay.
DATING taniman ng palay at mais ang malaking bahagi ng Mindanaw. Pero sa patuloy na pagpapalit ng pananim na itinutulak ng multinasyunal na mga korporasyon, unti-unti nang naglalaho ang mga ito.
Sa kasalukuyan, patuloy na sinasakop ng mga plantasyon ng saging, pinya, goma, asparagus at palma ang ilang lalawigan, sa kabila ng napipintong kakulangan ng suplay ng bigas sa bansa.
“Nawala na ang mga taniman ng palay at mais, napalitan na ng mga produktong inieksport,” ayon kay Antonio Flores ng KMP (Kilusang Magbubukid ng Pilipinas)
Bukod sa pinalalawak pang mga plantasyon ng saging at pinya, inokupa ng mga plantasyon ng asparagus, palma at goma ang mga lupain ng Mindanaw, mga produktong hindi sa konsumo ng mga mamamayang Pilipino, kundi para sa dayuhang mga korporasyon.
Ayon kay Flores, laganap ang pagpapalawak ng plantasyon ng saging sa Hilaga at Timog Cotabato, Compostela Valley at Davao City at del Norte.
Pinalalawak naman ang mga plantasyon ng goma sa Agusan del Sur, Hilaga Cotabato at Compostela Valley habang palma naman sa Sultan Kudarat, Agusan del Sur, Davao del Norte, Hilagang Cotabato at Compostela Valley.
Ang lawak ng isang plantasyon ay aabot sa libu-libong ektrya ng lupain. Halimbawa na lamang ang plantasyon ng pinyang pag-aari ng Tadeco sa Davao City, na umaabot sa 17,000 ektarya.
Ayon kay Flores, hindi ito mangyayari kung hindi pinahihintulutan ng gobyerno. Tinukoy niya ang sinabi ni Pangulong Arroyo sa state of the nation address nitong 2007, Mindanaw ang inilaan nito para sa agri-business.
“Ang sinasabi niyang agri-business ay para lamang sa dayuhang mga korporasyon. Hindi ito para sa mga magsasaka. Sabi niya, mabibigyan ng trabaho, pero ilan lang naman ang nakakapagtrabaho sa mga korporasyong iyan, at napakaliit pa ng sahod,” ani Flores.
Dagsa sa Mindanaw ang malalaking multinasyunal na korporasyon tula ng Dole, Del Monte, Sumitomo, Unifruits at Chiquita.
Binatikos din ni Flores ang Carp (Comprehensive Agrarian Reform Program) na nagagamit pa umano ng mga multinasyunal na korporasyon sa pagpapalawak ng mga plantasyon ng mga ito.
“Sa pamamagitan ng mga tinatawag na joint ventures, napapalawak ng mga korporasyon ang kanilang mga lupain. Nililegalisa lamang ng Carp sa pamamagitan ng Department of Agrarian Reform ang kanilang pangangamkam,” sabi ni Flores.
Malaganap rin ang pagpapagamit ng lupa sa Mindanaw. Ginagawang mga subdibisyon, golf course, ekoturismo, at iba pang mga development project.
Pero ang KMP sa pagpapalit-gamit ng lupa sa malalawak na lupain pati na ang mga kabundukan. Ani Flores, ang isa pang dahilan ng multinasyunal na mga korporasyon ay ang pagmimina. Mayaman umano sa mga mineral ang mga kabundukan ng Mindanaw.
“Tinataniman nila ng saging ang mga kabundukan pero sila rin ang papatay sa kanilang mga tanim para mapalitan ng gamit ang lupain sa kabundukan,” paliwanag ni Flores.
Pagkatapos nilang mapasok ang mga lupain sa pamamagitan ng mga plantasyon, malaya na silang makakapagmina.
Sa huli, malinaw umano na hindi sa mga magsasaka naglilingkod ang mga programa at patakaran ng gobyerno. Hindi rin ito tugon sa kaseguruhan ng pagkain ng bansa.
Soliman A. Santos
KARTEL o ang monopolyo sa industriya ng bigas ang isa sa pinakamalaking kalaban ng sektor ng agrikultura sa Pilipinas. Nililikha ng mga kartel ang artipisyal na kakapusan sa bigas para magkaroon sila ng pagkakataong ipagbili ang mahalagang produktong butil at magkamal ng napakalaking tubo.
Sa panahon ng anihan, mamimili ang isang trader sa mga magsasaka ng palay sa murang halaga. Dahil karaniwang ang mga mangangalakal din ang nagsisilbing tagapagpautang ng pataba at pestisidyo, at nag-aalok ng mataas-taas na presyo sa produkto, napipilitan ang mga magsasaka sa kanila ipagbili ang aning palay. Ang mga mangangalakal din na ito ang may kiskisan, makina sa pagsasako at mga bodega ng bigas sa mga probinsiya.
(Bagaman namimili ang NFA ng lokal na ani, higit na mas pinahahalagahan ngayon ng ahensiya, ang pag-aangkat sa halip na pamimili ng lokal na produkto.)
Sa pag-aaral ng KMP (Kilusang Magbubukid ng Pilipinas), napag-alamang marami sa mga nagmomonopolyo sa suplay ng bigas, tulad ng tinaguriang “Binondo 7”, ay malapit sa Malakanyang. Kabilang sa miyembro ng “Binondo 7” si Lucio Co, isa sa mga negosyanteng malapit kay Unang Ginoo Mike Arroyo at dati nang nag-ambag ng pondo sa kampanya ni Pangulong Arroyo noong eleksiyong 2004.
Binatikos naman ni Willy Marbella, pangalawang pangkalahatang kalihim ng KMP, mismong ang ilang tiwaling opisyal ng NFA na aniya’y kumakandili sa mga rice hoarder o mga umiipit sa suplay ng bigas.
Noel Sales Barcelona
KAPABAYAAN sa agrikultura ng mga gobyerno sa Asya-Pasipiko ang itinuturong isa sa mga dahilan ng pagdaralita ng 200 milyong katao sa lugar. Sa Pilipinas, nananatiling atrasado ang sektor ng agrikultura, na ayon kay Prop. Jovi Dacanay ng University of Asia and the Pacific, na siyang maituturing na pinakagulugod ng pambansang ekonomiya.
Sa kanyang presentasyon hinggil sa Economic and Social Survey 2008 ng United Nations Economic and Social Commission on Asia and the Pacific, sinabi niyang napakababa ang kita ng magsasakang Pinoy at dumadausdos ang bilang ng trabahong nalilikha sa agrikultura.
Dahil sa pagtaas ng presyo ng abono at iba pang farm inputs bunga na rin ng maling paling ng sektor ng agrikultura sa bansa hinggil sa mga pananim, partikular sa palay, hirap ang mga magsasakang palaguin ang kabuhayan.
Ayon pa kay Dacanay, maisisi rin sa kawalan ng sapat na serbisyo at pamumuhunan ng gobyerno ang patuloy na pagkabulok ng sektor na ito ng ekonomiya.
Walang sapat na imprastraktura gaya ng patubig, mga kalsada at maging ng post-harvest facilities ang bansa para masegurong mataas ang produksiyon natin ng bigas, sabi pa ni Dacanay.
Gayunman, sinabi ni Dacanay sa Pinoy Weekly na mahirap magbuhos ng subsidyo gaya nang abono o pataba at iba pang farm inputs sa kasalukuyang sistema ng pamamahagi ng subsidyo sa mga magsasaka. Laganap daw kasi ang korupsiyon.
Sang-ayon dito si Felipe Medalla, ekonomista at dating direktor-heneral ng Neda (National Economic Development Authority). Aniya, kung patuloy na magbubuhos ngayon ng pera sa ahensiyang namamahala sa agrikultura, na nananatili roon ang ilang tiwaling opisyal, muling magaganap ang pangungulimbat sa pondo ng mga magsasaka tulad ng kaso diumano ni Jocelyn “Joc-joc” Bolante.
Noel Sales Barcelona

RSS