News Update

Korupsiyon: palatandaan ng rehimeng Arroyo

Ferdinand Gaite

Sa kurso na Apsu (Advanced Public Sector Unionism) na ibinibigay na pag-aaral ng Courage, ang isa sa tatlong saligang suliranin ng ating bayan ay ang burukrata-kapitalismo. Ang kahulugan nito ay ang “pagpapatakbo sa gobyerno na parang negosyo at para sa pagpapayaman ng mga nakaupo sa kapangyarihan”.


Sa dinaranas ng mga mamamayang Pilipino, ito na ang pinakamalinaw na paglalarawan sa kasalukuyang rehimen ni Gloria Macapagal-Arroyo.


Ang administrasyon ngayon ni Arroyo ay isang bulok na sistema ng pamamahala ng negosyo na para lamang sa pakinabang ng malalaking dayuhan at lokal na kapitalista, panginoong maylupa at pulitiko.


Hindi pa nga tapos ang imbestigasyon sa maanomalyang proyekto para sa NBN (National Broadband Network), heto na naman ang mga “regalo” para sa mga kongresista at lokal na opisyales na nagkakahalaga ng P200,000 hanggang P500,000! Diumano’y galing daw mismo ito sa Malakanyang bilang suhol sa mga pinuno upang tangkilikin si GMA na humarap na naman sa bagong impeachment case at maaari ring para sa kanyang panibagong panlilinlang sa Charter Change.


Halos araw-araw, nababatid nating nasasangkot ang rehimeng ito at mga alipores nito sa samu’t saring uri ng katiwalian. Ang kabulukan o “korupsiyon” na ito sa gobyerno ay makikita natin sa iba’t ibang anyo at pamamaraan tulad ng sumusunod: (1) pagtanggap ng suhol sa pagpapatupad ng batas, utos at desisyon; (2) ibinubulsa ang pera sa bawat kontrata, konsesyon at lisensiya; (3)kinukurakot ang pondo ng gobyerno; (4) minamanipula ang pagbili ng gamit sa obras publikas, nangungupit sa pambili o nagnanakaw ng gamit; at (5) kinakamkam ang lupa ng mga setler at pambansang minorya sa pamamagitan ng pagmaniobra sa rehistro at titulo sa lupa.


Mula sa pag-upo ni Arroyo noong 2001 hanggang sa kasalukuyan, ating makikita ang maraming halimbawa ng iba’t ibang porma ng korupsiyon.


Bukod sa pinakahuling insidente ng panunuhol noong Oktubre, marami pang tulad nito ang naganap sa administrasyon ni Arroyo. Di natin makakalimutan ang pagkakasangkot ng Malakanyang sa bayaran sa mga kasapi ng Mababang Kapulungan upang aprubahan ang Epira Law para mabilis na makamkam ng dayuhan at lokal na mga kapitalista ang Napocor. Nandiyan din ang kontrobersiyal na P728-Milyong pondo para sa agrikultura na malinaw na ginamit ng tauhan ni Arroyo (tulad ni dating Undersecretary Joc-Joc Bolante ng Department of Agriculture) para makuha ang suporta ng lokal na mga opisyal sa eleksiyong 2004. Nandiyan na rin ang direktang panunuhol ni Arroyo sa taumbayan nang mamudmod siya ng PhilHealth Cards ilang buwan bago ang eleksiyon noon ding 2004.


Sa usapin ng pagbulsa sa perang nakalaan sa mga proyekto at pagkurakot sa pera ng gobyerno, ilang beses nang nasangkot ang rehimeng ito. Nariyan ang pagpapagawa ng President Diosdado Macapagal Avenue na pinaglaanan ng P827-M para sa kalsadang dalawang kilometro lamang. Pera itong inutang sa GSIS na nagkahalagang P1 Bilyon. Marami rin ang nagulat sa pagkurakot sa pondo ng gobyerno ni Hen. Carlos Garcia ng AFP General Staff, na umabot sa mahigit P500-M mula sa mga kickback at di maipaliwanag na yaman.


Malinaw din ang pagmanipula sa pagbili ng mga gamit o serbisyo na kailangan daw ng gobyerno. Sumingaw ang $75,000 kada buwang kontratang pambayad sa Venable LLP, isang lobby firm sa US para mag-lobby rin sa Estados Unidos para sa Charter Change kung saan sangkot ang National Security Adviser na si Norberto Gonzales. Di rin nakalusot ang mabahong US$ 503-M proyektong NorthRail na di dumaan sa public bidding o lumabag sa Republic Act No. 9184, o Government Procurement Reform Act at may maraming kahina-hinalang probisyon.


Naririyan ang napakaraming insidente sa ilalim ng administrasyon ni Arroyo ng pangangamkam sa lupa ng mga katutubo, magsasaka at maralita para sa pakinabang ng mga panginoong maylupa. Walang patid ang kilos-protesta ng mga magsasaka sa Mapalad na inagawan ng lupa upang gawing industrial-commercial complex. Di natin makalimutan ang pagpaslang noong Nobyembre 2005 sa mga manggagawang bukid at magsasaka sa Hacienda Luisita na nagtatanggol lamang sa kanilang karapatan sa lupa, sahod, trabaho at karapatan.


Dito malinaw na sa harap ng lantarang katiwalian at galit ng mga mamamayan sa kawalan ng katarungan, pasismo o ang sistema ng pandarahas at matinding panunupil sa karapatan ng mga mamamayan ang ginagamit ng rehimeng Arroyo upang supilin ang lehitimong protesta.


Marami na ang nagbuwis ng buhay sa paglalantad ng katiwalian at sa paglaban para sa katarungan. Maaalala natin na biktima si Marlene Garcia-Esperat, isang aktibista at reporter na pinatay noong Marso 2005 sa paglalantad ng P728-M fertilizer fund scam. Gaya na rin ni Albert Terredano na kawani ng DAR sa Abra na nagsiwalat ng katiwalian sa irigasyon at dumulo sa kanyang pagkakapaslang.


Kahit na ang mga kawani ng pamahalaan ay biktima ng korupsiyon, partikular sa pondong nakalaan sa kanila. Talamak ang usapin ng korupsiyon sa paggamit ng pondo ng GSIS sa ilalim ng hinirang ni GMA na presidente at general manager nito na si Winston Garcia. Nariyan ang pagkakasangkot ni Garcia sa pagbili ng mga obra nila Juan Luna at Fernando Amorsolo na umabot sa mahigit P51-M gamit ang pondo ng kawani ng pamahalaan. Di rin mabubura sa limot ang paggawad ng E-Card at E-Card Plus ni Garcia sa pribadong Unionbank na di rin dumaan sa RA 9184. Ang dalawang naunang nabanggit ay parehong sinabi ng special task force ng COA (Commission on Audit) na ilegal ngunit magpahanggang ngayon ay wala pa ring aksiyon o parusang iginagawad. Ito rin ang dahilan kung bakit maraming retirado at aktibong kawani ang nagkakaroon ng suliranin sa pagkuha ng pensiyon at benepisyo. Laking galit din ng mga kawani sa tinatanggap na napakataas na sahod ni Garcia at ng matataas na opisyal ng GSIS kaya’t sumbat ng mga kawani na ang “GSIS” daw ay mga titik para “ginisa sa iyong sebo”!


Ating alalahanin na ang bawat sentimong ninanakaw ng mga pulitiko at negosyanteng ganid ay sentimong dapat sana’y napunta sa panlipunang serbisyo tulad ng edukasyon, kalusugan, pabahay at iba ba. Disin sana’y nagamit ito sa pagtaas ng suweldo ng kawawang mga kawani, guro, at manggagawang pangkalusugan ng pamahalaan, lalo na sa harap ng walang patid na pagtaas ng presyo ng pagkain, langis, tubig, kuryente, pamasahe at iba pa. Sa ngalan ng panlipunang katarungan, iyan sana ang priyoridad ng administrasyong Arroyo. Pero malinaw na hindi ito ang hangarin ng tutang si Gloria.


Ngunit hindi sa lahat ng pagkakataon ay tuluy-tuloy na mamamayagpag ang katiwalian. Nakita nating sa kasaysayan ng pakikibaka ng mga Pilipino na ginamit ang sama-samang pagkilos upang itaob ang katiwalian.


Sa hanay mismo ng mga kawani ng pamahalaan, napatalsik ang mga magnanakaw ng kaban ng bayan. Naririyan ang pakikibaka ng mga kawani sa NHA ng kanilang patalsikin ang kanilang General Manager sa usaping ng kabulukan, kasama ang pagbili ng daang libong pisong “Momi-momi” na upuang pangmasahe. Matingkad ang pakikibaka ng kawani laban sa korupsiyon sa NFA nang dumulo ito sa pagpapatanggal ng kanila ng administrador. Ilang ulit din itong nangyari sa iba’t ibang ahensiya ng gubyerno sa buong kapuluan.


Ngunit ang pinakamatingkad na halimbawa sa ating kasaysayan ay ang sama-samang pagkilos ng sambayanan para patalsikin ang dalawang kurakot at tiwaling rehimen nina Marcos at Estrada. Makikitang kayang magkaisa ng mga mamamayang Pilipino upang itakwil ang kabuktutan at ganid na mga lider.


Walang katapusan ang kasaysayan. At tiyak tayong mauulit ito.

Reply

The content of this field is kept private and will not be shown publicly.
  • Web page addresses and e-mail addresses turn into links automatically.
  • Allowed HTML tags: <a> <em> <strong> <cite> <code> <ul> <ol> <li> <dl> <dt> <dd> <object> <embed> <param> <script>
  • Lines and paragraphs break automatically.

More information about formatting options