News Update
Dahas sa pagawaan
Soliman A. Santos
KILALA ng mga manggagawa sa Timog Katagalugan si Arturo Brion. Katunayan, maka-ilang beses na silang nagkakatagpo ng landas. Kilala rin nila ang mga pulis at militar. Sa kanilang kabahayan, sa kanilang pagawaan, hanggang sa tanggapan ni Brion kung saan minsan na silang dumulog nang siya’y kalihim sa Paggawa. Sa lahat ng pagkakataong ito, iisa lang ang pagbati ni Brion, ng mga pulis at militar, at ng gobyernong Arroyo: pandarahas.
May espesyal na galit ang mga manggagawa kay Brion, na ngayo’y Associate Justice na ng Korte Suprema matapos maitalaga ni Arroyo. Paano ba naman, noong kalihim pa lamang ito ng Dole (Department of Labor and Employment), ilang beses na silang dinahas ng militar at pulis. Sa piket, sa mga pagkilos, laging nakabantay. Umaali-aligid sa mga pagtitipon. Saanman may itinayong kubol o opisina ang mga unyon, nandoroon sila kahit hindi tinatawagan.
Katunayan, bisperas ng appointment ni Brion sa Korte Suprema noong nakaraang Marso 5, muling dumulog ang mga manggagawa ng iba’t ibang pagawaan at pabrika sa Timog Katagalugan sa tanggapan ng Dole sa Maynila para idulog ang kanilang mga hinaing. Sa karimlan ng Intramuros, patraydor na inatake ng mga pulis ang nagmamartsang mga manggagawa. Umabot sa 17 ang sugatan. Lima ang arestado.
Duguan ang mga manggagawa. Pero hindi pa rin sila nagpaawat. Kinabukasan, muli silang nagmartsa sa Mendiola para magprotesta. Hindi sila aatras sa pandarahas.
Papatayin si Brion?
Di na kaila sa mga manggagawa ng Timog Katagalugan ang bangis ni Brion at ng gobyerno. Noong Agosto 16, 2007, naghain ang mga manggagawa ng Toyota Motor Philippines ng motion for reconsideration (tingnan ang kaugnay na istorya) sa Dole kaugnay ng kanilang kaso laban sa manedsment ng kompanya. Sinalubong na rin sila ng dahas noon.
Kuwento ni Virgilio Colandog, miyembro ng Board of Directors ng Toyota Motors Phils. Corporation Workers’ Association, ayaw silang papasukin ng mga guwardiya pero nagpilit sila dahil ihahain lang naman nila ang mosyon. Ayaw talaga ng mga guwardiya, nagpilit ang mga manggagawa hanggang sa nagkatulakan. Sa loob mismo ng Dole, nagpaputok ang mga guwardiya. Nataranta ang mga manggagawa, hindi sila makalabas dahil nakasara ang mga pinto. Umakyat sila hanggang makuyog nang dumating pa ang mga guwardiya, at siyempre, ang mga pulis na talaga namang napakabilis rumesponde sa ganoong mga pagkakataon.
Sampu sa mga manggagawa ang sugatan at ikinulong. Sa tulong ng mga pulis at korte, kinasuhan sila ng assault, sedition at physical injuries. Diumano, pumunta ang mga manggagawa sa tanggapan ng Dole para patayin si Arturo Brion.
Pagkalipas ng ilang taon, nadismis ang kaso, walang kasalanan ang mga manggagawa.
Nissan, sumagasa sa karapatan
Kahit ang mga manggagawa ng Nissan, kompanya ng sasakyan tulad ng Toyota na nakabase ang pabrika sa Sta. Rosa, Laguna, ay napapagbuntunan ng galit ng militar. Sa piketlayn naman naganap ang karanasan ni Joel Balagtas, miyembro ng Bagong Nagkakaisang Lakas sa Nissan Motors Phils. o Banal sa ilalim ng Olalia – KMU (Kilusang Mayo Uno).
Oktubre 2001, nagpiket sa harap ng Nissan Motors sina Joel para ibalik ang mga manggagawang tinanggal ng manedsment. Dahil nakakaabala umano sila sa pagpasok at paglabas ng mga tao at kagamitan sa pabrika, dinispers sila. Marami ang sugatan nang buwagin ng tinatayang 500 pinagsanib na puwersa ng mga guwardiya, goons at pulis ang kanilang piketlayn.
Dahil sa bigkis ng pagkakaisa ng mga manggagawa, muli nilang naitayo ang piket noong Nobyembre 30, 2001. Nakakuha sila ng suporta sa mga manggagawa ng iba pang pabrika. Pero hindi basta sumuko ang manedsment. Muling binuwag ang kanilang piketlayn noong Disyembre ng taon ding iyon. Pitong daan na ang itinapat ng manedsment sa piket ng mga manggagawa. Bukod sa pinagsanib na puwersa ng mga guwardiya, goons at pulis ng Sta. Rosa, may kasama pa silang RSAF, RMG, at ilan pang pulis mula sa mga kalapit-bayan.
“Parang buong probinsiya na ang itinapat sa amin ng manedsment,” sabi ni Joel.
Limampu’t anim ang nakulong sa naturang dispersal. Kasama na rito ang mga lider ng Banal. Nakulong din ang mga lider at miyembro ng mga unyon at sumuporta sa Banal, tulad ng Seaweld, Honda, Pamantik at iba pa.
Noon namang Enero 2003, itinalaga sa lugar ang 202nd Infantry Unifier Brigade ng Philippine Army. Tatlong buwan ang ilalagi ng mga sundalo doon para sa mga humanitarian mission tulad ng dental, medical at iba pang misyon.
Pero ang pangunahing dahilan daw ng pagtatalaga ng mga sundalo sa lugar ay bantayan ang nababalitang “pagpapasabog” daw ng barangay hall. May nahuli naman daw na suspek, pero ilang araw lang ikinulong at pinakawalan din. Ngayon, patuloy na gumagala sa lugar ang diumano’y magpapasabog sa barangay hall.
Nasa ikatlong buwan na ang mga sundalo, pero hindi pa rin umaalis. May mga banta pa rin daw ng kaguluhan.
Sila ang target
Ayon sa mga manggagawa, iba ang target ng sundalo sa lugar. Ipinakikita umano ito ng mga ginagawa nila. Halimbawa, nagse-census ang mga sundalo sa mga residente. Pero ang itinatanong nila’y kung sumasama ka sa rali. Ang iba pang tanong: “Sino ang mga lider-manggagawa rito?” “Mayroon bang nagtatawagan ng ‘Ka’, halimbawa’y Ka Lito, sa bahay ninyo?” Ang “Ka” raw kasi ay ang tawagan sa pagitan ng mga miyembro ng CPP-NPA.
Pilit daw na pinalalabas ng mga awtoridad na may kaugnayan ang mga unyon sa mga komunista. Nangangamba ang mga manggagawa, dahil ginagawa ito ng mga sundalo sa gitna ng pagpatay sa mga lider-manggagawa sa Timog Katagalugan. Mula 2001, may walong lider-manggagawa na ang napaslang, kabilang si Ding Fortuna, dating presidente ng unyon sa Nestle Philippines.
Pinakahuling biktima si Jerry Cristobal, dating pangulo ng unyon sa EMI-Yazaki sa Cavite na pinaslang noong Marso 10 ngayong taon.
Sa gabi rumoronda ang mga sundalo, na animo’y mga barangay tanod. At kung may mga kaguluhan, tulad ng pag-aaway, rumeresponde rin sila. Para na rin silang mga pulis.
May hinala ang mga manggagawa na itinalaga ang mga sundalo at pulis malapit sa mga pabrika para protektahan ang mga ito. Sa katunayan, labas-masok diumano ang mga sasakyan ng sundalo sa pabrika ng Toyota. Sa mismong bakuran nito, nagtayo naman ng estasyon ng pulisya.
Malaki ang malasakit ng gobyernong Arroyo sa engklabo ng mga industriya sa Laguna. Kamakailan lang, itinatag nito ang Laguna Industrial Police Action Group na laging handang rumesponde para buwagin ang piketlayn ng mga mangaggawa. May malasakit din si Arroyo sa militar, at hinahayaan lang niyang manatili sa mga pagawaan at pabrika sa Timog Katagalugan. May malasakit din si Arroyo sa mapandahas na si Brion – patunay nito ang regalo niyang puwesto sa Korte Suprema.
Samantala, duguan man at madalas na napapalaban, unti-unti nang nakikilala ng mga manggagawa ng Timog Katagalugan ang sarili nilang lakas.
Korte Suprema, walang pakinabang sa obrero?:
Manalo, matalo, dehado ang obrero
Ilang-Ilang D. Quijano
HINDI lamang ang 227 manggagawa ng Toyota Motors Phils. Corp. na tinanggal sa trabaho ang apektado ng desisyon ng Korte Suprema kamakailan, kundi ang buong kilusang paggawa.
Sa kauna-unahang pagkakataon, diumano’y pumabor ang Korte Suprema sa karapatan ng kompanya na kumita kaysa sa mas mahalagang karapatan ng mga mamamayan na magwelga at magpahayag. Sumandig ito sa rules and regulations ng kompanya kaysa sa Konstitusyon ng bansa.
‘Maka-kapitalista’
Noong Oktubre 17, 2007, nagdesisyon ang 2nd Division ng SC na ilegal ang welga ng TMPCWA (Toyota Motors Phils. Corp. Workers ‘Association) at iniutos na huwag bigyan ng separation pay ang tinanggal na mga manggagawa. Isa itong mapait na desisyon para sa mga manggagawang pitong taong naghintay ng “hustisya” mula sa korte.
Noong Marso 16, 2001, idineklara ng Dole (Department of Labor and Employment) ang TMPCWA na Seba (Sole and exclusive bargaining agent). Sa araw ding iyon, tinanggal ng manedsment ang mahigit-kumulang 300 manggagawa at opisyal ng unyon. Ginawang batayan ng kompanya ang hindi pagpasok sa trabaho ng mga manggagawa noong Pebrero 22 at 23 nang dumalo ang mga ito sa clarificatory hearing na ipinatawag ng BLR (Bureau of Labor Relations) para dinggin ang apela ng manedsment hinggil sa pagkakaloob ng Seba.
Ang pagtanggal sa mga manggagawa ay hakbang para buwagin ang unyon na 15 taon nilang pinagsikapang itayo, ayon sa TMPCWA. Ito ang nag-udyok sa kanila na maglunsad ng welga noong Marso 28, 2001 – ang kauna-unahan sa kasaysayan ng dambuhalang kompanyang Hapon.
Ngunit idineklara ng SC na ilegal na welga ang aksiyon ng manggagawa sa harap ng BLR. Labag umano ito sa rules and regulations ng kompanya na nagsasabing maaaring maging batayan sa pagkatanggal sa trabaho ang “pag-udyok o paglahok sa mga riot, kaguluhan, welga, at iba pang aksiyon na salungat sa interes (ng Toyota).”
Pinanigan ng korte ang kompanya na nagreklamong P50 Milyong kita ang nawala dahil sa dalawang araw na di pagpasok ng mga manggagawa sa trabaho.
Pero lumalabas na walang lugi ang kompanya noong 2001 batay sa ulat na pampinansiya nito sa Securities and Exchange Commission. Kumita ito ng P122.4-M noong taong iyon. Sa motion for reconsideration na isinampa ng TMPCWA, ginigiit din ng unyon na mas matimbang ang karapatan ng mga manggagawa na malayang magpahayag kaysa karapatan ng kompanya na kumita, batay na rin sa naunang mga desisyon ng SC.
Desisyong di naipatutupad
Samantala, kung “talo” ang mga manggagawa ng Toyota sa SC, “panalo” naman ang mga manggagawa ng Nissan Motor Phils. Inc. Pero tila walang silbi ang kanilang legal na tagumpay. Hanggang ngayon, hindi pa rin naipapatupad ang desisyong pabor sa kanila.
Nagwelga ang mga manggagawa ng Nissan noong Oktubre 1, 2001. Dahil ito sa pagsuspindi ng manedsment sa 140 manggagawa kaugnay ng naunang protesta na humihiling na bayaran sila ng 13th month pay; pag-alis sa 11 napagkasunduan sa CBA (Collective Bargaining Agreement); at pagtanggal sa trabaho ng 18 opisyal ng unyon habang nakikipagnegosasyon.
Si Efimaco Marica, 50, ay isa sa mga manggagawang natanggal sa trabaho. May 13 taon siyang assembler ng tangke. Nang matigil ang kabuhayan, pitong anak niya ang apektado. Ang pinakabata rito, pitong taon na niyang kasama sa piketlayn. Noong Agosto 8, 2005, kasama siya sa 22 manggagawang nakulong nang maglunsad ng kilos-protesta sa labas ng SC.
Kaya naman laking galak ni Efimaco nang iutos ng SC noong Hunyo 21, 2006 sa manedsment na ibalik sa trabaho at bayaran ang 144 na tinanggal na mga manggagawang kasapi ng Banal-Olalia-KMU (Bagong Nagkakaisang Lakas sa Nissan Motors Phils.- Organized Labor Association in Line Industries and Agriculture-Kilusang Mayo Uno).
Pero di kalauna’y muli silang binigo ng korte. Naglabas ng resolusyon ang Dole noong Hunyo 15, 2007 na nagsasabing taliwas sa desisyon ng korte, 25 manggagawa lamang ang pinababalik sa trabaho at babayaran ng manedsment. “Nag-iyakan kami noon,” aniya. Hanggang ngayon, hindi pa naipapatupad ng manedsment maging ang resolusyon ng Dole.
Nakabinbing mga kaso
Ayon sa Pamantik (Pagkakaisa ng Manggagawa sa Timog Katagalugan)- KMU, “Kung ano ang naipanalo ng mga manggagawa sa prosesong legal, tulad ng desisyon ng Korte Suprema sa mga manggagawa ng Nissan, ipinagkakait ng mga kapitalista.”
Sa Timog Katagalugan, may 504 na nakabinbing kaso ng paggawa sa iba’t ibang korte at ahensiya ng gobyerno. May 87 kaso sa National Labor Relations Commission o NLRC; 211 sa BLR-Region 4; lima sa Office of the Secretary ng Dole; 17 sa Court of Appeals, at anim sa Korte Suprema.
Mga kaso ito ng kontraktuwalisasyon, tanggalan, pagbuwag sa unyon, panghaharas, at marahas na pagdispers sa mga manggagawa sa Nestle, Aichi Forging, Honda Cars, Enkei, Nikko Materials, Toshiba, Nippon Paints, Daiwa-Seiko, FCC, Keihin, Uniden, National Panasonic (Matsushita), Yutakam Fujitsu Ten, Imasen, Isuzu, Chiyoda, Gunma Gohkin, Yazaki-Torres, Sun Ever Lights, Masuda, Soutech, at iba pang dayuhang mga kompanya sa industriyal na enklabo sa rehiyon.

RSS