News Update
Babala ng Senado: ‘Kay Gloria ang Korte Suprema’
NAGBABALA ang Senado sa Korte Suprema na nakalikha ng pagtinging publiko na mayroong “Korte Supremang Arroyo” dahil sa desisyon nitong itaguyod ang executive privilege na hiniling ni Kal. Romulo Neri ng Commission on Higher Education para ilihim ang pinag-usapan nila ng Pangulong Arroyo hinggil sa maanomalyang proyektong NBN-ZTE.
Kasama ang iba’t ibang mga tagasuporta, nagmartsa noong Abril 8 ang mga senador mula Adamson University sa Taft Ave. hanggang Korte Suprema sa Padre Faura St. para ihain ang Motion for Reconsideration ng Senado sa desisyon ng SC noong Marso 25.
Nanguna sa martsa sina Sen. Alan Peter Cayetano at Benigno “Noynoy” Aquino III, Adel Tamano na tagapagsalita ng UNO ( United Opposition), Alkalde Jejomar Binay ng Makati na presidente rin ng UNO, at aktor na si Pen Medina.
105-pahinang mosyon
Sa 105-pahinang mosyon, iginiit ng Senado na walang kinalaman sa pambansang seguridad at hindi state secret o sikreto ng estado ang pinag-usapan nina Neri, dating direktor heneral ng National Economic Development Authority, at Arroyo hinggil sa proyektong NBN-ZTE.
Iginiit ng Senado na may karapatan ang publiko sa impormasyon.
Inilinaw rin nitong nailathala sa website ang mga batas ng Mataas na Kapulungan hinggil sa kondukta ng mga pagdinig, rekisitong hinanap ng SC sa pagharap ng mga testigo sa nasabing mga imbestigasyon.
“Sa pagtaguyod ng sa umano’y executive privilege para protektahan ang Pangulo laban sa umano’y pakikialam (ng Senado), ginawang inutil (ng desisyon) ang Senado at mga komite nito para alamin ang mga aksiyon ng Pangulo na may kaugnayan sa malalim na pambansang mga usapin at kinakailangan para magkalikha ng mga batas para tugunan ang nasabing mga usapin,” ayon sa mosyon.
Binatikos ng Senado ang umano’y “pagbubulag-bulagan” ng SC sa naiulat na mga fact o ebidensya. Hindi umano ito naging kritikal sa mga pahayag ni Neri.
Itinaob rin ng desisyon ng SC ang naunang mga desisyon o jurisprudence hinggil sa relasyon ng makakapantay na sangay ng gobyerno, ayon sa mosyon.
Umano’y “delikado at nakakapinsala” ang desisyon sa lehitimong mga imbestigasyon ng Kongreso sa hinaharap hinggil sa mga kontrata o kasunduang pinasok ng gobyerno na gumagamit ng pondong pampubliko.
Mawawalan din ng kapangyarihan ang Senado para masawata ang korupsiyon partikular sa matataas na antas ng gobyerno, ayon pa sa mosyon.
Duda si Roxas
“Kumpiyansa kami sa aming agrumentong ligal,” ani Cayetano, tagapangulo ng Blue Ribbon Committee na nag-iimbestiga sa NBN-ZTE.
Pero inilinaw ng senador na hindi layon ng martsa na puwersahin ang SC na magdesisyon pabor sa kanila. “Ito ay bahagi lamang ng advocacy na lumabas ang Senado kaugnay ng mga nangyayari (sa bansa) at makakuha ng suporta,” aniya.
Bagaman suportado ang mosyon ng Senado, duda naman si Sen. Manuel Roxas II na magbabago pa ang desisyon ng Korte Suprema na may botong 9-6, pabor kay Neri.
“Palagay ko mahirap nang palitan pa nila ‘yung kanilang desisyon. Ibig sabihin na dalawa o tatlo ang magbabago ng isip. Iyon ang dahilan kung bakit noong simula pa ay talagang masugid kong iminungkahi na maganda sana ay ‘yung kompromiso na kung saan inutusan ng Korte Suprema si Neri na humarap doon sa Senado at matatanong namin siya ng isanlibo o dalawanlibong katanungan bukod lamang doon sa tatlong subjudice,” ani Roxas.
Ang tatlong tanong kay Neri na umano’y hindi maaaring sagutin, ayon sa SC, ay 1) kung kinamusta muli ng Pangulo ang NBN-ZTE; 2) kung sinabihan si Neri ng Pangulo na iprayoritisa ang proyekto; at 3) kung sinabihan siya ng Pangulo na aprubahan ito sa kabila ng kaalamang inalok si Neri ng suhol ni Benjamin Abalos, dating komisyuner ng Commission on Elections.
Samantala, wala pang nakatakdang petsa ang susunod na pagdinig sa NBN-ZTE. Hinihintay pa ang tugon ng bagong testigo, ayon kay Cayetano.
RSS