News Update

P43.7-B pondo sa agrikultura kukurakutin?

in
Soliman A. Santos/Noel S. Barcelona

Nangangamba ang mga magsasaka na maaaring makurakot lamang ang P43.7-Bilyong pondo sa agrikultura, tulad nang nangyari sa P728-Milyong pondo sa abono, P3.1-B pondo sa irigasyon at ang P5-B pondo sa babuyan na pawang nabahiran ng anomalya.

Inanunsiyo ni Pangulong Arroyo ang pagpapalabas ng naturang pondo para umano pasiglahin ang sektor ng agrikultura sa gitna ng napipintong kakulangan ng bigas na kinakaharap ng bansa.

Ayon kay Rafael Mariano, tagapangulo ng KMP (Kilusang Magbubukid ng Pilipinas), dapat umanong bantayan ang P43.7-B pondo habang nananawagan ng hustisya at pananagutan sa mga pondong nawawala.

Kaugnay ng P3.1-B pondo sa irigasyon, hiniling ng KMP sa lokal na mga pamahalaan na naging bahagi ng programa na sabihin ang lahat ng kanilang nalalaman at ibunyag kung nakatanggap ba sila ng pondo o hindi.

“Kung nakatangap sila, ano ang ginawa nila sa pera?,” tanong ni Mariano.

May listahan na umano ang KMP ng mga nakatanggap ng pondo at umabot ito mula sa Benguet hanggang Surigao del Sur at Basilan.

“Umaasa kami na magsasalita sila para sa katotohanan at katapatan. Pananagutan nila ito sa mga magsasaka sa buong bansa at sa sambayanang Pilipino na dumaranas ng krisis sa bigas na pinalalala ng mga katiwaliang ito,” sabi ni Mariano.

Umaasa rin ang KMP na iimbestigahan ng Kongreso ang mga katiwaliang ito sa nalalapit na pagbubukas ng sesyon.

Pag-angkat magpapalala sa krisis

Samantala, magpapalala lamang sa krisis sa bigas ang pagtaas ng 300,000 metriko toneladang quota ng pag-angkat para sa pribadong mga mangangalakal, ayon sa Bayan (Bagong Alyansang Makabayan).

Sinabi ng grupo na ang pagtaas ng quota ay hindi magreresulta sa mababang presyo para sa mga mamimimili dahil mas mahal ang inangkat na bigas kumpara sa lokal na bigas.

“Sa pandaigdigang presyo, dagdag ang gastos sa pag-angkat at taripa, maaaring umabot sa P40 ang isang kilo ng bigas,” sabi pa ng Bayan.

At dahil mapapapasakamay ng mga pribadong mangangalakal ang angkat na bigas, diumano’y mas mamanipula ng mga ito ang presyo ng bigas sa lokal na pamilihan.

Binatikos ng grupo ang pagsandig ng gobyerno sa pag-angkat ng bigas sa halip na pagpapaunlad ng lokal na produksiyon para sa lokal na pangangailangan.

“Inilalantad nito na retorika lamang ang naunang pahayag ni Pangulong Arroyo na papaunlarin ang pagsasaka at iaasa na lamang sa lokal na produksiyon ang bigas na kailangan ng bansa,” ayon sa Bayan.

Reply

The content of this field is kept private and will not be shown publicly.
  • Web page addresses and e-mail addresses turn into links automatically.
  • Allowed HTML tags: <a> <em> <strong> <cite> <code> <ul> <ol> <li> <dl> <dt> <dd> <object> <embed> <param> <script>
  • Lines and paragraphs break automatically.

More information about formatting options