News Update

Sino Ang Uutuin Pa?

KAHIT personal na  napakiusapan ni Presidente Gloria Macapagal-Arroyo si Sheik Sabah Al Ahmed Al Sabah – Emir ng Kuwait – na huwag ituloy ang nakatakdang pagbitay kay Marilou Ranario – hindi naman dapat mamayagpag si La Gloria at ang kanyang mga basalyos kung ibinaba man ng Emir sa habang-buhay na pagkabilanggo ang hatol kay Marilou.  Nailigtas man siya  sa kamatayan, pagdurusa pa rin at mapait na mga alaala ang patuloy niyang magiging kayakap araw-araw sa bilangguang libingan na rin ng marami niyang pangarap para sa iniwan niyang mga mahal sa buhay sa sariling bayan.

Isang guro si Marilou, 33 taong gulang pa lamang, tiniis   iwan ang dalawang anak kaakibat ang  lungkot at pangungulila para makipagsapalaran sa Kuwait sapagkat, sa bansang nilisan, hindi niya mabanaagan ni anino ng pag-asa.  Dahil minaltrato siya ng amo niyang babaing si Najat Mahmoud Faraj -- sinaktan, ginutom,  parang hayop na ayaw pagpahingahin, halos di pinasusuweldo,  at labis pang ininsulto ang mga Pilipino – napilitan siyang ipagtanggol ang dignidad kaya niya napatay ang abusadong amo.  Matapos ang paglilitis sa hukuman, ibinaba ang hatol na bitay sa kanya noong Enero 11, 2005.

Maaalaala, noong 1995, sa ilalim ng rehimeng Ramos,   walang nagawa ang gobyerno kaya tuluyang nabitay sa Singapore ang isang Flor Contemplacion sa sala ring pagpatay.  Noong 2004, sa rehimen ni La Gloria,  nailigtas naman na maputulan ng ulo ang tsuper ng trak na si Angelo de la Cruz nang kidnapin ito sa Iraq.  Tatlo lamang sina Marilou, Flor at Angelo sa mahabang listahan ng mga manggagawang Pilipinong itinaboy na parang layak sa kung saan-saang panig ng mundo na naging biktima ng pang-aabuso/t kalupitan ng kani-kanilang amo.  Hindi na nga mabilang ang iniuwing mga bangkay na lamang, nagpakamatay man o sadyang pinatay; ang iba’y wala sa sarili’t nabaliw, lalo na ang mga kababaihang ginahasa; at may ibang buhay nga pero baldado naman.

Kung tutuusin, hindi na mahalaga ngayon kung nailigtas man sila ng gobyerno sa kamatayan, o naibalik ng Pilipinas, o nabigyan ng kahit bahagyang katarungan.  Sa nagdaang iresponsableng mga  pambansang liderato’t mapagsamantalang rehimen, at hanggang sa kasalukuyan, maliwanag na nandayuhan sa iba’t ibang bansa ang milyun-milyong manggagawang Pilipino dahil sa kawalan ng oportunidad – at pag-asa --  sa sariling bayan upang makapamuhay sila, gayundin ang mga mahal nila sa buhay – bilang mga tunay na tao sa pinapangarap nilang  mapayapa, maunlad at demokratikong lipunan. 

Kung pinalad mang magkatrabaho dito ang iba, lalo na  ang ordinaryong mga mamamayan, binubusabos naman sila nang husto ng gahamang mga kapitalista’t asendero, kaya  napakamiserable ang suweldong hindi pa yata sapat na pambili ng kahit palotsinang kabaong.  

Higit sa lahat, biktima pa sila ng balintunang mga patakarang pang-ekonomiya ng gobyernong higit na naglilingkod sa dayuhang mga interes kaysa kapakanan ng masang sambayanan at pambansang kinabukasan.  Sapagkat umiiral nga ngayon ang mapang-aliping kontraktuwalisasyon, isinusulong pa  ng gobyerno ang pribatisasyon at, sa ngalan ng mapandambong na globalisasyong idinidikta ng imperyalistang mga bansa – tulad, unang-una, ng Estados Unidos – lalo lamang ibinubulid ng rehimen sa karalitaan ang milyun-milyong mamamayan habang, sa kabilang banda, naglulublob sa grasya’t kuwarta ng bayan sa pamamagitan ng talamak na korupsiyon sa burukrasya ang ganid na pambansang lideratong manhid na sa daing at mumunting mga pangarap ng uring dayukdok at busabos.  (Batay nga sa sarbey ng Transparency International, numero 10 na ang Pilipinas sa mga bansang talamak ang katiwalian).

Masisisi ba, kung gayon, na magpatuloy ang exodus ng manggagawang mga Pilipino sukdulan man silang pagmalupitan, lunurin ng luha, at  paulit-ulit mang  maging biktima ng trahedya sa pangingibang-bansa mapagkalooban lamang ng desente’t matatag na kinabukasan ang iniwang pamilya?

Sapagkat malinaw na patunay ang patuloy na pandarayuhan sa ibang mga bansa ng mga manggagawang Pilipino na bansot at bagsak ang pambansang ekonomiya,  lubha tuloy nakatatawa ang ipinagyayabang ni La Gloria na mabilis itong umuunlad.  Ipinangalandakan pa niya ito kay Reyna Elizabeth II ng Bretanya,  gayundin sa mga nakasalamuha niya sa Espanya at Pransiya,  sa walong araw na pagliliwaliw niya at ng kanyang esposo sa Europa, kabuntot ang ilang miyembro ng gabinete at sangkaterbang mga basalyos sa Kongreso.  Hindi pa rin malinaw, tulad ng maraming anomalyang nakaapekto sa ekonomiya, at sa marawal na kalagayan ng milyun-milyong maralita,  kung pribadong pondo o  salapi ng nagdaralitang bayan ang niwaldas sa gayong walang kapararakang paglalakbay habang kumain-dili ang milyun-milyong manggagawang labis na naghahangad na makapangibang-bansa dahil sa kainutilan ng gobyernong malutas ang malaganap na disempleyo.

Higit na masakit, at nakasusuklam pa nga – sa kabila ng mapapait na karanasan at trahedyang sinapit ng mga Marilou, Flor at iba pang tulad nila  --  inuuto pa ng rehimen ang migranteng mga manggagawa, tinatawag na mga “bagong bayani” dahil lamang nasusuhayan ng bilyun-bilyong dolyar na ipinadadala ng mga ito sa bansa taun-taon ($12.8-B noong 2006) ang napakabuway at atrasadong pambansang ekonomiyang patuloy na binabansot ng kainutilan, kawalang-malasakit, at mapandambong na interes ng pambansang liderato’t uring mapagsamantala.  Higit pang masama, inuuto rin nang husto ng rehimen ang sambayanan sa pamamagitan ng kahangalang propaganda  sa isang estasyon ng telebisyon: “Ramdam nila ang pag-asenso!” 

Sino ang uutuin pa? -- RLO

Reply

The content of this field is kept private and will not be shown publicly.
  • Web page addresses and e-mail addresses turn into links automatically.
  • Allowed HTML tags: <a> <em> <strong> <cite> <code> <ul> <ol> <li> <dl> <dt> <dd> <object> <embed> <param> <script>
  • Lines and paragraphs break automatically.

More information about formatting options