News Update

Ang bagong people power

Carol Pagaduan-Araullo

Isang bagong “People Power” ang kailangan ngayon, na hindi lamang magpapatalsik kay Gloria,  kundi magdudulot ng mas esensiyal at malalim na mga repormang matagal nang itinataguyod ng sambayanan.

Dapat idiin, sa simula pa lamang, na ang tunay na kailangan ay baguhin ang buong masamang sistema ng pulitika sa bansa at ang tagibang na sosyo-ekonomikong kaayusan. Para magawa ito, hindi sapat na tanggalin ang isang tiwali, imoral at despotikong lider. Mas malalim ang suliranin ng lipunang Pilipino sa kung sino sa naghaharing elite ang humahawak sa gobyerno. Ito ang masaklap na aral ng dalawang “People Power.”

Tagumpay ng sambayanan ang Edsa 1 – na rurok ng mahaba, mahirap at malupit na pakikibaka laban sa isang diktadura. Naibalik nito ang pormal na mga institusyong demokratiko at  kakarampot na mga kalayaang pampulitika’t sibil, habang pinanatili  ang kawalan ng pagkakapantay-pantay sa lipunan at ekonomiya.

Ang pagsidhi ng armadong labanan sa pagitan ng gobyerno at mga kilusang rebolusyunaryo ay  patunay sa kung ano mga limitasyon ng popular na mga pag-aalsang tipong Edsa. Ang mapaniil na makinarya ng estado ay muling ginamit para sugpuin ang panlipunang disgusto sa balatkayo ng naibalik na diumano’y mga institusyong demokratiko.

Bagamat wasto rin at matagumpay na nagpatalsik sa isang tiwali at kontra-mamamayang rehimen, parang paglukso ang Edsa 2 mula sa kawali patungo sa apoy. Ito ang sigaw ng mayorya ngayon sa ilalim ng rehimeng Arroyo: Mas masahol ito kaysa sa rehimeng Estrada. Ang balintuna, naging argumento ito laban sa pagpapatalsik kay Gng. Arroyo: Baka raw mas masahol ang pumalit. Kailangang ulitin, kung gayon, kung bakit hindi na dapat patagalin pa ng kahit isang araw si Gng. Arroyo sa puwesto.

Ang rehimeng Arroyo ang pangunahing kinatawan, tagapagtaguyod at benepisyaryo ng reaksiyunaryong sistema, ng status quo. Ito ang pangunahing kontra sa pagbabago. Kung hindi ito matatanggal sa puwesto, bagkus sasahol ang nabubulok na sistema. Titindi ang malubhang kalagayang pasanin ng mga mamamayan.

Malinaw na halimbawa ang pagsirit ng presyo ng batayang mga bilihin tulad ng mga produktong petrolyo at bigas. Lumalawak at sumisidhi ang karalitaan dahil sa mga patakarang pang-ekonomiyang pumapabor sa lokal na elite at sa dayuhang mga partner nila sa negosyo.  Ang palusot ng gobyerno: Pandaigdig ang krisis, hindi kayang kontrolin ng gobyerno. Pero ang totoo, nakaugat ang krisis sa bigas at pagkain sa sagad-sagaran, di-kritikal at makasariling pagpapatupad sa neo-liberal na mga patakaran ng deregulasyon at liberalisasyon, na pinapalubha ng korupsiyon at burukratang kapitalismo.

Ang patuloy na paghahari ng rehimeng Arroyo, gayong dapat papanagutin sa malulubhang krimen, ay di lamang resipi sa pangingibabaw ng reign of impunity. Wawasak rin ito sa batayang mga tuntunin at institusyong demokratiko – bagamat batbat ng kahinaan at nabaluktot nang husto – at hahantong hindi sa reporma, kundi sa pagpapanatili ng buhong na kaayusang pampulitika at panlipunan.

Hindi totoong ang pamamaraan ng pagpapalit ng gobyerno, kasama na ang ekstra-konstitusyunal o di-konstitusyunal,  ang sanhi ng instabilidad, o ng paghina o pagkawasak ng mga institusyong demokratiko. Tigib ang kasaysayan ng ekstra-konstitusyunal o “di-konstitusyunal” na pagbabalikwas na nagdulot ng demokrasya, ng katatagan at kaunlarang panlipunan.

Ang pagbasura ng naghaharing elite sa rule of law at pagyurak sa mga prosesong konstitusyunal at legal, tulad ng lantaran at tuluy-tuloy na ginagawa ng rehimeng Arroyo, ang tunay na bumaboy at nagwasak sa diumano’y demokratikong mga institusyong ito.

Hindi awtomatikong mababago ang sistema kapag natanggal na ang rehimen. Pero mahalaga at kailangang hakbangin ito para sa pagbabago. Marami pang kailangang gawin para mapatalsik ang rehimen at baguhin ang sistema. Pangunahin dito ang pagkaisahin at pakilusin ang mga mamamayan para magpunyagi sa pakikibaka.  

Lalong mas maraming kailangang gawin kapag nagtagumpay ang sambayanan na patalsikin ang rehimen. Magbubukas ito sa mayor na mga pagbabago sa panahon ng transisyon.

Kasama na rito ang masasaklaw na repormang elektoral para sa patas at malinis na eleksiyong pipili ng bagong Pangulo; pagsasampa ng mga kasong kriminal laban kay Gng. Arroyo at iba pa (pandarambong, mga paglabag sa karapatang pantao, at pandaraya sa halalan); kagyat na mga hakbanging magdudulot ng ginhawang pang-ekonomiya, (pagiging abot-kaya ng batayang mga produkto at serbisyo); pagpapatuloy ng usapang pangkapayapaan sa NDFP at MILF; pagbawi sa patakarang todo-giyera at pagtigil sa ekstrahudisyal na pamamaslang, pagdukot, tortyur, pagtataboy sa mga sibilyan; reporma sa AFP at PNP, lalo na’t para tugunan ang mga isyu ng katiwalian, paboritismo, kawalan ng propesyunalismo; pagsusulong ng nagsasariling patakaran at ugnayang panlabas na nagtataguyod sa pambansang soberanya at nagbabawal sa pagbabase at pakikipaglaban ng mga puwersang militar ng US sa Pilipinas sa palusot ng pagsasanay at “giyera kontra-terorismo.”

Kahit kayanin ng rehimeng Arroyo na magkapit-tuko at tapusin ang termino, hindi masasayang ang mga pagsisikap sa pagpapatalsik. Dahil sa pagkakalantad ng rehimen, mahihirapan ang sinumang basbasang “kahalili” na ipagpatuloy ang mga patakaran o protektahan ang makasariling mga interes ni Gng. Arroyo (tulad ng pag-iwas sa anumang habla). Ibayong lalabanan ng sambayanan ang anumang pagtatangka ni Gng. Arroyo na manatili sa kapangyarihan sa pamamagitan ng Charter Change o emergency/martial rule.

Pinaikling salin ng orihinal na Ingles na nalathala sa Business World, 11-12 Abril 2008

Reply

The content of this field is kept private and will not be shown publicly.
  • Web page addresses and e-mail addresses turn into links automatically.
  • Allowed HTML tags: <a> <em> <strong> <cite> <code> <ul> <ol> <li> <dl> <dt> <dd> <object> <embed> <param> <script>
  • Lines and paragraphs break automatically.

More information about formatting options