News Update

Si Marilou at ang buladas ni GMA

Gert Ranjo-Libang

MGA MARE, narinig ba ninyo ang pagyayabang noong isang araw ni Gloria Macapagal-Arroyo sa pagbaba ng sentensiya ng OFW na si Marilou Ranario? Siya raw ang nakipag-usap sa Emir ng Kuwait, isang pagpapatunay ng patakaran ng gobyerno kaugnay ng karapatan ng mga mamamayang Pilipino sa loob at labas ng bansa. Ang kapal, ‘di ba, mga mare! Sino ba ang niloloko ni GMA? 

Malamang, sarili lang niya dahil wala naman talagang naniniwala sa kanya. Kung hindi pa lumapit ang pamilya ni Marilou sa Migrante International at halos isang taong nag-ingay para iligtas si Marilou, hindi kikilos ang gobyerno. Hindi malasakit sa mga mamamayan ang nagtulak kay Arroyo kundi malasakit sa sarili – natatakot siyang madagdagan ang mahaba nang listahan ng utang niya sa mga mamamayang Pilipino. Natatakot siyang makitang muli ang galit ng mga mamamayan gaya ng ipinakita sa panahon ng pagbitay kay Flor Contemplacion.

Si Marilou ang Pilipinang domestic helper sa Kuwait na hinatulan ng kamatayan sa salang pagpaslang sa kanyang amo noong 2005. Isa si Marilou sa 60,000 Pilipina na nagtatrabaho sa Kuwait na kalakhan ay domestic workers. Isa siya sa halos 30 kababayan nating OFW na nahatulan ng kamatayan sa ibang bansa.

Dating guro si Marilou, tubong Surigao del Norte. Tulad ng iba pa nating kabarong walang hanapbuhay o kulang ang kabuhayan dito sa Pilipinas, napilitang mangibang-bayan si Marilou para buhayin ang kanyang dalawang anak. Hindi na bago ang kuwento ni Marilou. Sampung taon bago maganap ang trahedya sa buhay niya, binitay si Flor Contemplacion sa Singapore.

Gaano karami na ba ang trahedyang narinig natin tungkol sa Pilipinang OFW na inabuso, ikinulong at namatay? Paulit-ulit pero patuloy pa rin ang pagdagsa ng kababaihan sa ibang bansa.  Mas marami na ngang babaeng OFW kaysa lalaki – pito ang babae sa bawat sampu.  At sa mga biktima ng pang-aabuso, 80-90% are kababaihang domestic helper.

Mga mare, kung may pagkakakitaan lang sa sariling bayan, kahit ano pang hirap basta’t kayang buhayin ang mga anak – mapakain nang maayos, mapag-aral, mapagamot kung nagkakasakit, mabigyan ng maayos na tahanan. Pero bihirang-bihira ang ganitong oportunidad para sa kababaihan, lalo na sa maralitang kababaihan. Kaya’t pikit-mata na lang isinusuong ang kahit anong panganib isalba lang ang kabuhayan ng kanyang pamilya.

Kaya’t sa halip na magbunyi ang gobyerno ni Arroyo, dapat itong mahiya sa balat niya.  Hindi daranasin ni Marilou ang trahedya sa buhay niya kung hindi niya kinailangang umalis ng bansa. Wala namang ibang dapat sisihin sa hindi matitigil na kuwento ng trahedya ng mga OFW kundi ang kainutilan at kapabayaan ng gobyerno. Pagkatapos pigain ng gobyerno ang remittances ng mga OFW – remittances na siyang pangunahing sumusuhay sa ekonomiya ng bansa – pinababayaan ng gobyerno ang mga kababayan natin sa ibang bansa. Tinatayang tataas ng 5% o aabot sa US$14.7 Bilyon ang remittance ng mga OFW ngayong taong ito. Ang masaklap, sa pagtaas ng halaga ng piso kontra sa dolyar, lumiliit ang halagang napupunta sa pamilya ng mga OFWs.

Tuwang-tuwa ang gobyerno sa “tagumpay” nito kay Marilou pero sa kaduluduluhan, si Marilou at katulad niyang mga kababayan pa rin natin ang talo. At marami pang tulad ni Marilou na kundi man nahatulan at nakulong ay inabuso, pinawian ng sariling bait o, mas masaklap, umuwing bangkay. Nakapagpabango si Arroyo pero nagdusa na si Marilou at ang pamilya niya at hindi na mababawi iyon.

Reply

The content of this field is kept private and will not be shown publicly.
  • Web page addresses and e-mail addresses turn into links automatically.
  • Allowed HTML tags: <a> <em> <strong> <cite> <code> <ul> <ol> <li> <dl> <dt> <dd> <object> <embed> <param> <script>
  • Lines and paragraphs break automatically.

More information about formatting options