News Update

Angel Locsin sa piling ng maralitang bata

KR Guda

Nag-ikut-ikot siya, nakipag-usap sa mga nanay at mga bata, nakihalubilo. Ang mga nanay, nagkuwento sa mga karanasan nila sa pagpapalaki ng mga anak sa isang maralitang komunidad dito sa Kamaynilaan. Ang isang nakausap niya, may bitbit na isang-taong-gulang na sanggol habang apat na buwang buntis. Kagagaling lang ng nanay sa pangangalahig ng basura. Salitan sila ng kanyang asawa, na nagbabanat naman ng buto ng abutan ng bisita.

Nag-imbita ang bisitang ito sa pagtitipong gagawin sa susunod na linggo para sa kanyang kaarawan. Natuwa naman ang mga bata – basta’t kainan at selebrasyon, masaya sila. Kahit hindi nila kilala ang nag-imbita. Tutal, mukhang mabait na tao naman, anila.

Hindi nila nakilala na kausap nila si Angel Locsin, kilalang artista’t bida sa pantaserye sa telebisyon na Lobo. Nasubaybayan ng Pinoy Weekly ang bisita sa komunidad ni Angel, na nakasuot ng damit pangmaralita at nakakubli ang mukha.

“Bihira ang mga artistang tulad niya – na bukas na malaman ang mga nangyayari sa ating lipunan,” paliwanag ni Nerissa Guerrero, tagapangulo ng Samakana (Samahan ng Maralitang Kababaihang Nakikibaka) at isa sa mga lider-maralita na nakasama ni Angel na nag-ikot sa kabahayan sa isang maralitang komunidad. “Nakita naman siguro niya kung gaano kahikahos ang mga maralita ngayon – sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin, sa krisis sa ating ekonomiya at pulitika.”

Kasama ang Gabriela, Samakana at Salinlahi, nakatakdang ipagdiwang ni Angel ang kanyang kaarawan sa piling ng mga bata at nanay ng komunidad na kanyang binisita kamakailan.

Abangan sa Pinoy Weekly ang buong istorya ng pag-ikot ni Angel sa naturang maralitang komunidad, gayundin ang nakatakdang pagdiriwang niya ng kaarawan sa piling ng mga maralita.

Reply

The content of this field is kept private and will not be shown publicly.
  • Web page addresses and e-mail addresses turn into links automatically.
  • Allowed HTML tags: <a> <em> <strong> <cite> <code> <ul> <ol> <li> <dl> <dt> <dd> <object> <embed> <param> <script>
  • Lines and paragraphs break automatically.

More information about formatting options