News Update

Kalatas mula sa Geneva

Atty. Edre Olalia

Sabado, ika-12 ng Abril, 2008, alas-7:10 ng umaga. Hinihintay ko pa ang press statement na sinusulat ng isang miyembro ng Philippine UPR (Universal Periodic Review) Watch na rerepasuhin namin. Hindi agad naipadala ito dahil sa ilang problemang teknikal at mabigat na iskedyul. Kagabi lang nakapagpadala sa e-mail ng statement at mga larawan ng piket–sa loob mismo ng tanggapan ng UNHRC (United Nations Human Rights Council).

Nauna pa sa kanilang press statement, mayabang na inihayag ng GRP (Gobyerno ng Republika ng Pilipinas) sa pamamagitan ng Executive Sec. Eduardo Ermita na “tagapagtanggol ng karapatang pantao” ang GRP at “matapat at mabuti” ang pinresenta nilang ulat.

May ilang “itinanim” na nagpapuri sa GRP at magalang na nagtanong ang ilang alyado nitong mga bansa. Pero hindi napigilan ng ipokrisiya, pantasya at kasinungalingan ng GRP na kumuwestiyon o magkomento ang malaking bilang ng mga bansa (hal. ng 17 bansa tulad ng France, Norway, Slovenia, Japan, New Zealand, UK, Canada, Latvia, Azerbaijan, Brazil, Algeria, Korea, Australia, Switzerland, Netherlands, Mexico at kahit na US). Diplomatiko pero madiin nilang tinanong ang malaking junket ng GRP hinggil sa mga isyu ng ekstrahudisyal na pamamaslang, sapilitang pagkawala, karapatan ng kababaihan at mga bata, karapatan ng migrante, korupsiyon at di-paglagda/ratipikasyon ng mga instrumento laban sa tortyur at pagkawala.

Dahil wala nang bahid ng diplomatikong paggalang at ang inaasahang “kakamutin ko ang likod mo, kamutin mo ang likod ko,” inihayag ng malaking bilang ng mga Estado na masusing binabantayan ng mga ito ang rekord sa karapatang pantao ng GRP.
Maingay na kinondena ng mga migranteng Pilipino dito, kasama ang malalaking NGO (non-government organizations) sa Geneva, at mga solidarity group sa Switzerland, ang mayabang na presentasyon ng GRP. Nasuklam sila sa pagpipinta ng larawan ng isang paraiso kung saan nirerespeto raw ng gobyerno ang demokratikong mga karapatan ng taumbayan, nirerespeto ang kababaihan, pinoprotektahan ang mga bata at migrante, napawi na ang korupsiyon sa matataas na antas, at walang nagugutom o naghihirap na mamamayan.

Nilabag pa ng GRP, sa pangunguna ni Ermita, ang protocol sa UN dahil halos dinominahan nito ang sesyon at mistulang nagsagawa ng sarsuwela nang walang pahintulot ng Pangulo ng UNHRC. Hindi pa nito sapat na nasagot ang mga katanungan o pinili lamang iyong mga sasagutin tulad ng pagbalewala nito sa tanong ukol sa mga kongkretong hakbang ng gobyerno para matugunan ang mga rekomendasyon ng UN Rapporteur na si Prop. Philip Alston.

Parang inulit lang nila ang Philippine National Report na sisinumite sa UNHRC.

Marami pa ang kailangang gawin. Pero sa kabila ng mga limitasyon sa UN at UPR, nagkabunga ang malawakang pambansa at pandaigdigang kampanya at pagla-lobby para iprisinta sa mundo ang kabilang bahagi ng sitwasyon sa karapatang pantao sa Pilipinas. Isa-isang nakausap ng mga delegado ng Philippine UPR Watch ang halos lahat ng mga kinatawan ng 17 bansa – ang ilan dito ay mayor na partner ng GRP sa pangangalakal – na nagtanong ng “mahihirap” na mga katanungan sang-ayon sa nakagawian sa US. Ang ilan pa ay halos verbatim na ginamit ang mungkahi nating mga katanungan.

P.S.: Sa inilabas nitong “corregindium” (?), inamin ng GRP na naging pabaya ito, o hindi nagsabi ng totoo, sa naunang inilabas na Philippine National Report kung saan sinabing bahagi ng InterAgency Task Force of EJK ang mga representatibo ng National Democratic Front.

Si Atty. Edre Olalia ay Legal Counsel sa United Nations ng Karapatan.

Reply

The content of this field is kept private and will not be shown publicly.
  • Web page addresses and e-mail addresses turn into links automatically.
  • Allowed HTML tags: <a> <em> <strong> <cite> <code> <ul> <ol> <li> <dl> <dt> <dd> <object> <embed> <param> <script>
  • Lines and paragraphs break automatically.

More information about formatting options